Pulong ukol sa pagdodonate ng bato

Magkakaron ng pulong simula Nobyembre 6-7, 2010 sa EDSA Shangri-la Hotel na pinamagatang “Forum on Incentivized Donation from Living and Deceased Organ Donors” o “Pulong ukol sa pag-donate ng mga lamang loob ng tao.” Ito ay inayos ni Dr. Enrique Ona, kasalukuyang Secreatary of Health ng DOH kasama ang mga doktor na galing sa Amerika tulad nina Dr. Arthur Matas na isang transplant surgeon (siruhano na naglilipat ng laman loob) at Dr. Sally Satel na isang psychiatrist (saykatrista).

Isang mainit na paksang paguusapan dito ang tungkol sa pagbabayad sa mga taong nagbibigay ng kanilang laman loob. Tama bang bayaran ang mga taong ito? Sapat ba ang ibinabayad sa kanila sapagkat alam naman nilang may panganib ang pagsasagawa nito? Maraming iba’t-ibang opinyon tungkol dito. Bagama’t si Dr. Ona ay malinaw na sinasabing karapat-rapat lamang makatangap ng kabayaran ang taong nagbibigay ng laman loob, may mga iba ring nagsasabing ang pagbabayad sa mga taong ito ay magbibigay-bunga lamang sa isang palengke ng mga laman loob (oblack market of organs sa ingles). Sa ilang bahagi ng Pilipinas, may matatagpuan na mga barrio kung saan halos lahat ng kasapi nito ay nakapagbenta na ng kanila bato. Para sa ilan, inaasahan nila na ang pag-donate ng bato (na may kabayaran) ay makakasagot sa kanila pangangailangan sa pera.

Kaya naman nagkaron tayo ng batas ukol dito (RA 9208). Ayon sa batas na ito, mahigpit nang ipinagbabawal ang pag-donate ng laman loob para sa mga dayuhan at hindi na pwedeng magkaroon ng bayaran bago pa man mag-donate ng laman loob. Kung ay makakatanggap ng laman loob ay nais magbigay ng bayad o regalo, pinapayagan naman ito subalit hindi ito kinakailangan.

May mga grupo, tulad ng Asian Task Force on Prohibition, Prevention and Elimination of Organ Trafficking, The Transplant Society at ng International Society of Nephrology na tinututulan ang pulong na ito sapagkat naniniwala sila na maaaring gawing pamamaraan ito upang ibalik ang pag-donate ng laman loob sa mga dayuhan. Ngunit ayon kay Dr. Romina Danguilan ng National Kidney and Transplant Institute, ang pulong ay magbibigay-daan upang makagawa ng maiging systema ang gobyerno para ma-kontrol ang pag-donate ng laman loob at pagbibigay ng bayad para dito. Pareho silang naniniwala na ang illegal na pagkuha ng laman loob ng tao ay isang malaking kasalanan. Kapag may maayos na systema, magkakaroon ng pag-asa ang may 8,000 kataong nagkakaron ng malubhang sakit sa bato kada taon.