Puti o Brown na Bigas? Alin ang mas mabuti sa kalusugan?

Para sa mga Pilipino, ang bigas o kanin ay bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay. Para sa marami, hindi kumpleto ang isang kainan kung walang kanin sa hapag. Ito ang bubuo sa tipikal na pagkain ng isang Pinoy—ulam, sabaw, gulay, at kanin.

Ngunit maraming uri ng bigas na mabibili ngayon sa mga pamilihan. Mayroong bigas na pangkaraniwang kulay puti, at may mga bigas din na ang kulay ay brown. Ang tanong ngayon, alin dito ang mas mabuti sa kalusugan?

bigas

Kaibahan sa Glycemic Index (GI)

Isa sa mga madalas tignan upang matukoy kung ang isang pagkain ay mabuti o nakakasama sa kaluugan ay ang sukat ng Glycemic Index. Ang sukat na ito ang tumutukoy sa bilis ng pagtunaw ng pagkain sa tiyan at abilidad nitong pataasin ang asukal sa dugo. Kapag mas mataas ang sukat ng GI, mas mabilis nitong patataasin ang lebel ng asukal sa dugo, at kung mababa naman ang sukat ng GI, mas mabagal itong matunaw sa tiyan at marahan ding itinataas ang lebel ng asukal sa dugo. Ibig sabihin, mas mabuti sa kalusugan, lalo na sa mga taong may diabetes, ang pagkain na mas mababa ang sukat ng Glycemic Index.

Sa pagitan ng puti at brown na bigas, ang puting bigas ay may mas mataas na GI habang ang brown naman na bigas ay may mas mababang GI. Isa ito sa mga dahilan kung bakit mas maraming naniniwala na mas mabuti sa kalusuga ang brown na bigas.

Sa kabila nito, dapat pa ring alalahanin na ang sukat ng GI ay  hindi sapat na basehan para masabing ang isang pagkaing ay mabuti o masama sa kalusugan. Tandaan na may iba’t ibang mga salik na nakakapagpabago rito gaya na lang ng oras ng pagkain at iba pang pagkain na kinakain din.

Taglay na nutrisyon

Bukod sa Glycemic Index, nagkakaiba rin ang puti at brown na bigas sa taglay nitong sustansya at mga mineral. Ayon sa paniniwala ng marami, ang brown rice ay nakalalamang nang husto sa puting bigas sapagkat ang brown rice ay pinaniniwalaang mas maraming taglay na fiber, protina, at iba pang mga mineral habang ang karaniwang puting bigas ay pawang carbohydrates lamang.

Sa maniwala kayo o sa hindi, halos wala naman talagang pinagkaiba ang dalawang uri ng bigas pagdating sa taglay nitong nutrisyon. Kung mayroon mang pinagkaiba, ito ay masiyadong maliit na halos wala nang pinagkaiba pa epekto nito sa kalusugan.

Alin ang mas mabuti sa kalusugan?

Maaaring magkaiba nga ang dalawang uri ng bigas, ngunit ang mga kaibahan na ito ay masyadong maliit at hindi sapat upang sabihin na mas nakabubuti ang puti kaysa brown, o brown kaysa puti. Maaaring nakalalamang ang brown rice sa maraming aspeto, ngunit dapat pa ring alalahanin na may mga salik na nakakaapekto rito kung kaya’t sa huli ay halos wala na ring kaibahan ang dalawa.