Maraming Pinoy ang nagtatanong kung ‘pwede bang maligo?’ habang may iba’t ibang uri ng sakit at karamdaman na kanilang dinadanas. Ito’y hindi katakataka, sapagkat isa sa mga pamahiin sa ating kultura ang pag-iwas sa tubig sapagkat ito’y tinitingnan bilang sanhi ng pagkakasakit, paglala ng sakit, o ‘pagkabinat’ o pagbalik ng sakit ng magaling na. Gaanong katotoo ang mga paniniwalang ito? Talaga bang nakakapagpalala ng sakit ang paliligo?
Ang sagot ay HINDI. Walang ebidensya na nakakapagpalala ng sakit ang paliligo, at ito ay totoo sa anumang sakit. Subalit may mga kondisyon kung saan may pag-iingat na kailangang gawin. Isa-isahin natin ang mga karaniwang sitwasyon kung saan may mga tanong tungkol sa paliligo, at pag-usapan natin ang mga pag-iingat na ito.
Pwede bang maligo ang may lagnat?
Oo. Sa katanunayan, ang paliligo ay maaaring makatulong na magpababa ng lagnat dahil ang tubig ay nakakatulong magbigay-balanse sa temperatura ng katawan.
Pwede bang maligo pagkatapos magkaron ng trangkaso?
Oo, pwede. Ang trangkaso ay sanhi ng isang virus at hindi konektado sa paliligo.
Pwede bang maligo ang may bulutong?
Oo. Ngunit may mga dapat tandaan: kapag masyadong mainit ang tubig, maaari nitong palalain ang pangangati, at kapag kinamot ang mga bulutong ay pwede itong magsugat. Kaya gumamit ng maligamgam lang na tubig. Kung pupunasan na ang tubig, tuyuing mabuti ngunit sa halip na kuskusin ang balat, ilapat lamang ang twalya sa balat upang hindi magasgas at magsugat ang mga bulutong.
Pwede bang maligo ang may tigdas?
Oo. Sundin ang payo sa naunang sagot tungkol sa bulutong; ganon din ang dapat gawin kung may tigdas.
Pwede bang maligo pagkatapos makipagtalik?
Oo. Sa katanuyan, maaaring makatulong sa pag-iwas ng mga sexually-transmitted diseases o STD ang paghuhugas ng mabuti, gamit ang sabon at tubig, ng mga maselang bahagi ng katawan. Hindi ito nagsasanhi ng pasma.
Pwede bang maligo ang buntis?
Oo naman. Sa katunayan, ang paliligo sa maligamgam o mainit-init na tubig ay maaaring makatulong na mawala ang mga sintomas gaya ng pagkahilo at sakit ng ulo sa mga buntis. Pagkatapos manganak ay hindi rin masama ang paliligo.
Pwede bang maligo kung kakagaling sa init?
Pwede naman, subalit may ibang mga tao na sadyang hindi ‘hiyang’ sa biglaang pagbabago ng temperatura. May mga tao rin naman na baliwala ang pag-iiba ng temperatura. Nasa tao ito. Pero wala namang ebidensya na ito’y pwedeng mauwi sa trangkaso.
Pwede bang maligo kung bagong opera?
Siguraduhing sumunod sa payo ng doktor tungkol sa tahi o sugat ng operasyon; maaaring ito ay hindi pwedeng basain. Ngunit ang ibang bahagi ng katawan ay okay lang na paliguan o linisin.
Pwede bang maligo pagaktapos magpatuli?
Oo pwede naman. Subalit dapat maging maselan sa paglilinis ng ari, sapagkat ito’y meron pang mga tahi.
Kailan bawal maligo?
Maaaring payuhan ang isang pasyente ng kanyang doktor na bawal munang maligo sa mga sitwasyon na ang pagkabasa ng isang bahagi ng katawan ay maaaring maka-apekto sa gamutan. Isang halimbawa nito ay kung may gamot na pinapahid sa balat na hindi dapat mawala kaagad, o kung may sugat o tahi na hindi dapat mabasa.
Ang paliligo o pag-shower ay isang bagay na mahalaga para sa mga Pilipino, ngunit meron tayong mga paniniwala na ipinagbabawal ito sa mga panahon ng pagkakasakit. Tulad ng ating natalakay sa artikulong ito, ang paliligo ay hindi nakakasama sa may sakit o nakakapagpalala sa pagkakasakit. Sa halip, ito’y maaaring magbigay-ginhawa. Subalit, may mga sitwasyon kung saan kailangan ng gabay ng doktor kung paano at kailan dapat maligo.