Pwede pa bang mabuntis pagkatapos magpatali?

Q: doc itanong ko lang yung ligate ko kong pwede bang tanggalin ibalik sa dati para pwede ng magbuntis ulit ?at kong pwede magkanu po ang magagastos?

A: Pwede, pero (malaking ‘pero’) ang procedure na ginagawa upang subukang ibalik sa dati ang ginawang ‘tubal ligation’ ay mahirap, mamahalin, at hindi siguradong makakapagpa-buntis muli.

Upang malaman kung gaano kalakas ang posibilidad na ito’y pwedeng subukan sa iyo, kailangang malaman ng iyong doktor ang iyong edad at kasaysayan ng pagbubuntis, kasama na dito kung kailan ka tinalian, at kung anong klaseng pagtatali ang ginawa (may iba’t ibang klase rin kasi ito). Malamang, i-uultrasound at x-ray (hysterosalpingogram) ka rin upang makita kung gaanong kahaba pa ang mga ‘tubo’ (Fallopian tube) na natitira, kung maaari pa ba itong pagdugtungin muli.

Kung may pag-asa, at mukhang okay pa naman ang mga tubo, isang operasyon ang isasagawa upang pagdugtungin muli ang mga tubo o Fallopian tube. Ang operasyon na ito ay karaniwang tumatagal ng 2-3 na oras, at ang halaga nito ay depende, ngunit maaaring umabot ng mga P30,000 hanggang P50,000.

Pagkatapos ng operasyon, may pag-asang mabuntis sa loob ng isang taon, o higit pa, ngunit muli, ito’y hindi sigurado. Nasa kalahati lamang ng mga kababaihan ang nakakapagbuntis pagkatapos gawin ito. Kaya nga ang pagpapatali ay isang disisyon na dapat isiping mabuti; hindi ito pinapayo sa mga babaeng edad 30 pababa, sapagkat marami pang pwedeng mangyari at baka magbago pa ang kanilang isip.

Magpatingin sa iyong OB-GYN o iba pang doktor upang mabigyan ka ng kaukulang payo at eksaminasyon tungkol dito.