Matapos malaman ang mga epekto ng pagkakaroon ng flat foot sa kalusugan (basahin ang ito sa sumusunod na link: Epekto ng pagkakaroon ng flat foot), atin namang alamin ang mga solusyon o remedyo para dito.
Matapos kumpirmahin ng doctor ang pagkakaroon ng flat foot, maaaring isailalim sa ilang therapy at gamutan ang kondisyon, dependa kung gaano kalala ang pagbagsak ng arko ng talampakan. Kung ang kondisyon ay wala namang dinudulot na epekto o pananakit saan mang bahagi ng katawan, maaaring hayaan na lamang ito at hindi gamutin pa, ngunit kung ito ay nagdudulot ng pananakit na nakakaapekto na sa pang-araw-araw na gawain, maaaring gawin ang mga sumusunod na therapy:
- Tamang pahinga at paglalagay ng yelo sa bahaging nananakit.
- Pagbabanat at pag-unat
- Pagpapainom ng pain reliever na gamot
- Pagsangguni sa isang Physical Therapist
- Paglalagay ng brace o tulong sa pagpapanatili ng arko sa paa.
Kung ang pananakit ng kondisyon ay umiigting pa, maaaring irekomenda ng doktor ang pagpapa-opera o surgery.
Ano ang mga madaling solusyon na maaaring gawin sa bahay?
May ilang hakbang din na maaaring gawin upang matulungan o mabawasan ang pananakit na nararanasan dahil sa flat foot. Ito ay ang sumusunod:
- Gumamit ng sapatos na nararapat para sa mga aktibidad.
- Kung nakakaramdam ng pananakit, uminom ng gamot na pain reliever o maglagay ng yelo sa bahaging nananakit.
- Laging gawin ang mga ehersisyo o pagbabanat na inirekomenda ng doktor o physical therapist
- Iwasang kumilos nang husto na maaaring makakapagpalala sa kondisyon.