Sa Bagong Taon, Maging Ligtas sa Paputok! Gabay sa mga Firecrackers o Fireworks

Ang pagpapaputok ay isang tradisyon ng mga Pilipino sa pagsalubong sa Bagong Taon. Ito’y namana natin sa mga Tsino (Chinese) bago pa man dumating ang mga Kastila. Ang paniniwala noong una ay ganito: ang mga paputok (firecrackers) at pasiklab (fireworks) ay makakapagtaboy ng mga masama at malas na espiritu, at hindi sila hahadlang sa asensado at mapagpalang Bagong Taon.

Bagamat hindi na laganap ang ganitong paniwala sa ngayon, tinutuloy parin natin ang tradisyon ng pagpapaputok. Para sa mga bata’t mga kabataan, ang pagpapaputok ay isang masaya at nakakapanabik na gawain. Para sa bawat Pilipino, ang makinang at maliwanag na mga pasiklab o fireworks ay maaaring kumatawan sa maliwanag na kinabukasan na inaasahang hatid ng Bagong Taon. Iba’t ibang dahilan kung bakit tayo nagpapaputok, sadyang bahagi na ng ating kultura’t tradisyon.

Sa kabila ng kasiyahang naidudulot ng mga paputok o firecrackers, ito rin ay sanhi ng mga sakuna. Ayon sa Department of Health (DOH), 1,018 na kaso ng pinsala ang naitala noong 2013 sa pagsalubong ng Bagong Taon. Karamihan dito ay dulot ng mga paputok, habang ang iba ay dulot naman ng ligaw na bala. Maaaring higit pa sa mga numerong ito ang tunay na bilang sa buong bansa. Dahil dito, makabubuti ang masusing pag-iingat sa pagpapaputok. Narito ang sampung hakbang upang maka-iwas sa sakuna dahil sa pagpapaputok:

Image Source: www.moroccoworldnews.com

  • Kung maaari, tuluyan nang iwasan ang magpaputok – Mas mabuti (at makakatipid) kung makilahok na lamang sa mga fireworks display na ginaganap sa mga bayan gaya ng Manila at Cebu (na siya ring mapapanood sa telebisyon). Ito ang pinaka-mabisang paraan upang maka-iwas sa mga sakunang dulot ng paputok.
  • Siguraduhing ang kalidad (quality) ng paputok – Maraming aksidente ay dahil hindi maganda ang quality ng paputok. Siguraduhing mapagkakatiwalaan ang tatak ng paputok na bibilhin; tingnan at suriin kung maayos ba ang pagkakabit ng mitsa.
  • Huwag ipaubaya sa mga bata ang pagpapaputok – Bago ipagkatiwala sa inyong mga anak ang pagpapaputok, tiyakin na sila’y nasa tamang edad at maaari nang bigyan ng ganitong responsibilidad. Dapat alam nila kung ano ang dapat at ano ang mga hindi dapat gawin sa mga paputok.
  • Ilayo ang mga matatanda at may sakit sa mga paputok – Ang sobrang ingay na putukan, at ang usok ng dala ng mga paputok, ay maaaring makasama sa mga matatanda. Maaaring tumaas ang kanilang BP. Sa mga may sakit naman, maaaring makalala ang usok. Ito’y higit na totoo sa mga may hika at may sakit sa baga.
  • Maging maingat sa pagsindi ng paputok – Para masiguradong hindi maputukan, siguraduhing ang mitsa ay may sapat na haba. Maaari itong dugtungan ng papel o dyaryo, o maaaring gumamit ng stick na may katol sa dulo upang magsilbing pansindi.·
  • Huwag na huwag hahakawan ang labentador at saka sisindihan at ihahagis – Ito’y usong uso lalo na sa mga kabataan: ang pagsindi ng five-star, labentador, o maging pla-pla habang hawak ito sa kamay, tapos ay saka ihahagis. Ito’y napaka-delikado! Maaaring ang mitsa ay umandar na mabilis at maputukan ang iyong kamay. O maaaring sala ang hagis mo. Huwag na huwag itong gagawin!
  • Siguraduhing balanse o hindi gagalaw ang mga trumpilyo at fountain – Isang maaaring maging sanhi ng sunog ay kung ang isang fountain ay matumba, at masiklaban nito ang isang karatig na bahay. Maaari rin itong mangyari sa trumpilyo kung ito’y tumalsik mula sa pagkakapako.·
  • Huwag ituro ang kwitis sa direksyon ng mga bahayan – Ang kwitis, bilang isang lumilipad na paputok, ay delikado kung ito’y lilipad patungo sa isang bahay. Maaari rin nitong matalsikan ang isang kawawang nilalang. Ang kwitis ay dapat ituro paitaas, wala sa mababang angulo, at hindi nakaturo sa kapit-bahay (kahit sila’y kagalit mo!).
  • Huwag galawin o pulutin ang anumang paputok na nagmintis – Huwag manghinayang kung ang paputok ay hindi pumutok. Maaaring buhay parin ang paputok at dahan-dahan lamang ang andar ng mitsa nito. Ito’y huwag munang galawin; at huwag nang subukang sindihan. Sa halip, basain ng mabuti gamit ng hose ang paputok na nagminitis upang ito’y hindi na pumutok. Walisin ito kinabukasan.
  • Kung maputukan, hugasan agad ang kamay ng tubig at sabon at dalhin kaagad sa ospital – Ang firecracker injury ay isang uri ng pagkasunog na kailangang maagapan. Hugasan kaagad ang apektadong bahagi gamit ang tubig at sabon, at dalhin ito kaagad sa Emergency Room ng pinakamalapit na ospital.