Q: Kung ang isang lalake ay may sakit na STD (i.e. gonorrhea o herpes) sa kaninong doktor po ba siya dapat kumonsulta? Sapat na ba ang isang Physician? O dapat sa isang Andrologist o Urologist? O Gynecologist?
A: Sapagkat ang sexually-transmitted diseases (STD) ay pangkaraniwan, maraming iba’t ibang spesyalista ang maaaring lapitan tungkol dito. Narito ang mga listahan ng doktor na pwede mong lapitan tungkol sa STD
- General Pracitioner – Mga doktor na hindi nag-specialize at pamilyar sa iba’t ibang uri ng sakit
- Family Physician – mga doktor na eksperto sa mga karamdaman ng iba’t ibang miyembro ng pamilya. Sila’y nakatuon sa mga pangkaraniwang karamdaman, at kasama na dito ang mga STD.
- Urologist – ang mga urologist ay marunong mag-opera at pamilyar sa mga karamdaman ng lagusan ng ihi ng lalaki’t babae, at ang reproductive system ng mga lalaki, kasama na dito ang mga itlog, bayag, uri, prostata. Sanay silang makakita ng mga kaso ng STD.
- Internist – mga doktor na bihasa sa iba’t ibang sakit sa loob ng katawan.
- Infecious Disease Specialist
– mga doktor na spesyalista sa iba’t ibang uri at sanhi ng impeksyon sa katawan
Lahat ng doktor ay sumumpa (bilang bahagi ng ‘Hippocratic Oath’) na ililihim ang anumang maselang bagay na inyong pag-uusapan, at kasama na dito ang iyong sex life, kaya huwag mag-atubiling sagutin ang kanyang mga tanong. Kung STD ay suspetsa sa iyong sakit, mahalagang malaman ng doktor ang mga sumusunod:
- Aktibo ka ba sa sex? Ilan ang iyong mga sexual partner?
- Ikaw ba ang nakikipagtalik sa kapwa lalaki?
- Gumagamit ka ba ng condom kapag nakikipag-sex?
- Ikaw ba ang nakikipag-anal sex?
- May mga iniinom ka bang gamot para sa sex gaya ng sexual enhancement pills gaya ng Viagra, o anumang supplement?
- Kelan ka huling nagpa-test para sa mga STD, kabilang na ang HIV?
Huwag masindak sa mga tanong na ito, at okay rin lang kung hindi mo alam ang sagot sa iba. Basta ang mahalaga ay maging tapat sa iyong doktor. At kung ikaw ang niresetahan ng gamot, dapat inumin mo ito ng tuloy-tuloy. Hindi pwedeng kapag nawala na ang tulo ay ititigil na; sundin ang nakatakdang tagal at dami ng gamot na iinumin. Kung ikaw ay may girlfriend o asawa na baka nahawahan mo ng sakit, sabihan mo sya na magpatingin din upang hindi manatili sa inyo ang sakit.