Sakit na Nakukuha sa Pagkain (Food Borne Disease)

Ang food borne diseases ay tumutukoy sa klasipikasyon ng mga sakit na nakukuha mula sa pagkain. Ito ay binubuo ng mga sakit na dulot ng kontaminasyon ng mga mikrobyo, parasitiko, o kaya’y pagkakahalo ng kemikal o nakalalasong substansya na maaaring makasama sa kalusugan ng tao.

Ang mga pangunahing sintomas na maaaring maranasan kaugnay ng mga sakit na nakuha sa pagkain ay matinding pagtatae at pagsusuka. Ngunit sa kalaunan, maaari itong kumalat sa katawan at magdulot ng mas nakapipinsalang epekto sa ilang mahahalagang bahagi ng katawan gaya ng utak, atay, at puso.

Image Source: foodsafety.merieuxnutrisciences.com

Mga pangunahing sanhi ng sakit na nakukuha sa pagkain

1. Bacteria

  • Salmonella, Campylobacter, at Enterohaemorrhagic Escherichia coli. Ang grupo ng bacteria na ito ang pangunahing sanhi ng mga sakit na nakukuha mula sa pagkain. Nakaaapekto ito sa milyon-milyong indibidwal sa buong mundo at nagdudulot ng lagnat, pananakit ng ulo, pagtatae, pananakit ng tiyan at pagsusuka. Minsan pa, nagdudulot din ito ng pagkaubos ng tubig sa katawan (dehydration), at maging kamatayan. Karaniwang nakukuha ang mga ito pagkain na hindi naluto nang husto, maduming tubig, at kontaminadong gulay at prutas.
  • Listeria. Ang listeria ay nakaaapekto naman sa ipinagbubuntis na sanggol o sa bagong silang na sanggol. Isa ito sa mga dahilan ng hindi inaasahang pagkalaglag ng batang ipinagbubuntis o agad na pagkamatay ng bagong silang na sanggol. Nakukuha ito sa mga produktong gatas na hindi napakuluan nang maayos.
  • Vibrio cholerae. Ito naman ang nagdudulot ng sakit na cholera na may sintomas ng pagsusuka at pagtatae na maaaring humantong sa pagkawala ng tubig sa katawan at kamatayan. Ito ay nakukuha sa maduming suplay ng tubig at pagkain.

2. Virus

  • Norovirus. Nagdudulot ng pagsusuka, pagtatae, at matinding pananakit ng sikmura ang impeksyon ng norovirus na nakukuha sa mga kontaminadong pagkain.
  • Hepatitis A Virus. Nakaaapekto naman sa kalusugan ng atay ang impeksyon ng Hepa A virus na nakukuha din sa kontaminadong pagkain.

3. Parasitiko

  • May ilang uri ng maliliit na parasitiko na maaaring makuha lamang sa pagkain. Kabilang dito ang ilang mga bulate  gaya ng Ascaris at maliliit na organismo gaya ng Entamoeba histolytica, at Giardia. Ang mga ito ay karaniwang nakukuha sa hindi lutong pagkain.

4. Prions

  • Ang prions ay uri ng protina na maaaring makaapekto sa sistema ng katawan kung makakain. Kabilang sa mga sakit na may kaugnayan sa prions ay ang Mad Cow Disease at Creutzfeldt-Jakob Disease

Nakalalasong Kemikal at mga Substansya

Bukod sa mga maliliit na organismo na nakapagdudulot ng sakit sa katawan, maaari ding makaapekto sa kalusugan ang kontaminasyon ng ilang mga kemikal at substansya sa pagkain at inumin.

  • Natural na lason. May mga kabute, amag, lumot sa tubig at iba pang mga substanysa ang tiyak na makasasama sa kalusugan kung sakaling maihalo sa pagkain. Kabilang din dito pagkakalason ng red tide sa mga tahong at talaba.
  • Persistent Organic Pollutants (POP). Ang mga substansyang humahalo sa kapaligiran at mga pagkain na sumailalim sa mga ilang mga proseso (halimbawa ay ang pagpepreserba ng mga pagkain) ay maaari ding makasama sa kalusugan sa paglipas ng panahon. Ang pag-ipon nito sa kapaligiran at katawan ng tao ay isa sa mga tintuturong dahil ng paghina ng resistensya, at pagkakaroon ng kanser sa katawan.
  • Heavy metals. Ang kontaminasyon ng heavy metals gaya ng lead, cadmium, at mercury sa pagkain at inumin ay tiyak din na makasasama sa kalusugan ng tao. Ito’y maaaring makuha sa polusyon sa tubig, hangin, at maging sa lupang pinagtataniman ng mga gulay na kinakain.