Ito ay nakadepende sa pagsusuri ng inyong doktor, ngunit para sa inyong kaalaman, ito ay mga maiklang paliwanag tungkol sa mga eksaminasyon na kalimitang ginagawa:
- ECG (Electrocardiogram) – Sinusukat ang napaka-hinang kuryente na dumadaloy sa puso; ang kuryenteng ito ay importanteng paraan ng komunikasyon ng mga ‘cell’ sa puso upang sabay-sabay silang kumilos upang tumibok ang puso bilang iisang bahagi; anumang problema sa daloy na kuryente ay maaaring indikasyon ng problema sa puso gaya ng kakulangan sa dugo, hindi regular na pagtibok, at iba pa.
- Chest X-ray o X-ray ng dibdib – Ang pangkaraniwang X-ray ay may pakinabang rin sa pagsusuri ng posibleng karamdaman ng puso. Makikita dito kung tama ba ang sukat at laki ng puso. Kung masyadong malaki ang puso, maaaring may problema. Tinitingnan rin ang hugis ng mga ugat na malapit sa puso.
- 2D-ECHO (Two-dimensional echocardiography) – Sa simpleng salita, ang 2D-ECHO ay ultrasound na sadyang para sa puso. Sinusuri nito ang pagtibok ng puso, kung ito ba’y may sapat na lakas upang dumaloy ang dugo sa katawan. Sinisilip rin nito kung may mga makikitang problema sa puso.
- Cardiac enzymes (Troponin I, CK-MB, at iba pa) – Kung magkaroon ng emergency sa puso, halimbawa kung sinususpetsya ang atake sa puso o heart attack, maaaring suriin ang dugo sa mga “enzymes” na ito para makita kung naapektuhan ba ang mga masel ng puso.