SARS-like virus: Bagong epidemiko?

 

Naiulat ng World Health Organization (WHO) na noong nakaraang buwan ay may natuklasang isang sakit na kapamilya ng SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome, na siyang kumalat sa daigdig noong 2002 at 2003 at nagdulot ng mahigit sa walong libong kaso at mahigit 900 na pagkamatay. Ang bagong nadiskubreng virus ay tinaguriang “SARS-like virus” o kaya “Novel Coronavirus 2012”, dahil nga ang anyo nito ay parang SARS rin.

Kung ang SARS ay nagmula sa China at madaling kumalat sa ibang bansa, dahil narin sa bilis ng pagbyahe gamit ang eroplano, ang “SARS-like virus” ay unang nakita sa Saudi Arabia, kung saan dalawang tao ang kompirmadong apektado nito. Ang isa sa kanila ay namatay, at isa naman ay naging malala ang kondisyon.

Ang mga pinaka-karaniwang sintomas ng “SARS-like virus”, gaya ng SARS at iba pang uri ng flu o trangkaso, ay ubo, lagnat, at pagiging hirap huminga.

Bagamat dalawa lamang ang kompirmadong kaso nitong SARS-like virus, ang WHO at ang mga otoridad sa buong daigdig ay bihilante at mapagmatyag sa virus na ito, at dahil ilang linggo pa lamang, hindi pa alam kung ito ba’y magiging bagong epidemiko, o mawawala ng kusa.

Sa mga Pinoy sa Middle East, lalo na sa Saudi Arabia, sa ngayon, walang dahilan upang mag-alala. Ayon sa WHO, mukha namang hindi ganong kabilis makahawa ang SARS-like virus, hindi gaya ng SARS. At kung kayo ay nagkaron ng trangkaso, ito’y malamang na ordinaryong trangkaso lang at hindi konektado sa bagong sakit na ito. Ngunit kung kayo ay magkaron ng mga sintomas na malalang ubo, mataas na lagnat, at hirap huminga, magpatingin narin sa doktor upang mabigyan ng kaukulang abiso at gamot. Magsuot rin ng ‘mask’ upang hindi makahawa sa ibang tao. Maging alerto rin sa mga bali-balita sa inyong lokal na komunidad. Pero muli, hindi kelangang mag-panic ang ay ganitong mga sintomas sapagkat malamang ito’y karaniwang trangkaso lamang.

Sa Pilipinas, wala pang naiulat na kaso nitong SARS-like virus, ngunit gaya ng ibang bansa, ang mga otoridad natin ay magiging mapag-matyag rin.