Senyales ng pagkakaroon ng Bulate sa Tiyan

Ang pagkakaroon ng mga parasitikong bulate sa tiyan ay sadiyang hindi kanais-nais at tiyak na makapagdudulot ng problema sa kalusugan. Kaya naman kadalasan, sa oras na madiskubreng positibong may  parasitikong naninirahan sa katawan, kaagad na iniinuman ng gamot na pampurga upang sila’y agad na mawala.

Sa kasamaang palad, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaagad na nalalamang mayroong mga alagang bulate sa sikmura. Kadalasan, ang mga sintomas ng pagkakaroon ng bulate sa tiyan ay lumalabas lamang kapag dumami na nang husto ang mga bulate.

Paano nagkakaroon ng mga bulate sa tiyan?

Ang mga bulate sa tiyan ay karaniwang nakukuha mula sa pagsusubo ng maduduming bagay o maduming kamay na kontaminado ng itlog ng bulate. Ito ay pinakakaraniwan sa mga batang malilikot na mahilig magsubo ng mga napupulot na bagay at maduming kamay.

Maaari ding makuha ang itlog ng bulate sa mga pagkaing hindi naluto nang husto (kinilaw at sashimi), pati na sa mga bagay na nadikitan ng alagang aso at pusa na mayroong bulate.

Ano ang mga senyales ng pagkakaroon ng bulate sa tiyan?

Ang pagkakaroon ng mga bulate sa tiyan ay maaaaring magdulot ng iba’t ibang mga senyales at sintomas. Naiiba-iba rin ang mga sintomas na maaaring maranasan depende sa uri ng bulate na naninirahan sa tiyan. Ngunit ang mga karaniwang senyales na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

1. Madalas na pagdudumi

Dahil sa presensya ng mga parasitikong bulate sa tiyan, maaaring maapektohan anyo at dalas ng pagdudumi. Maaaring makaranas ng matubig at bumubulwak na pagtatae sa loob ng 2 linggo.

2. Madaling pagkapagod

Mas madaling mapagod ang katawan kahit pa may sapat na oras naman ng tulog. Nang-aagaw kasi ng enerhiya ang mga parasitiko sa tiyan.

3. Hindi maipaliwanag at biglaang kabawasan sa timbang.

Kapansin-pansin ang pangangayayat ng mga taong may malalang kaso ng impeksyon ng parasitko sa katawan. Maaaring mabawasan ng 10 lbs sa loob lamang ng 2 buwan.

4. Matinding pangangati sa butas ng puwit

Ang pangangati ay dulot ng ilang uri ng bulate na nangingitlog sa bukana ng butas ng puwit. Magpapatuloy ang pangangati kahit na wala namang sugat sa bahaging ito.

5. Matinding pananakit ng sikmura.

Sa malalalang kondisyon ng pagkakaroon ng parasitikong bulate sa tiyan, maaaring makaramdam ng pananakit dahil sa pagkilos at pagdami nito na nakadaragdag ng pressure sa mga pader ng bituka.

Paano malulunasan ang bulate sa tiyan?

Ang mga bulate sa tiyan ay maaaring mawala sa pamamagitan ng pag-inom sa mga gamot na pampurga sa bulate. Halimbawa ng gamot na mabisang pampurga ay Albendazole, Mebendazole, Ivermectin, at Praziquantel. Inumin lamang ang mga gamot nang naaayon sa reseta ng doktor o base sa impormasyon na nakasaad sa pakete ng gamot. Maaari ding uminom ng gamot isang beses kada taon upang makasigurong malaya sa impeksyon ng bulate.