Ang pagpapakamatay ay isang suliranin na matagal nang kinakaharap ng marami sa buong mundo. Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization, tinatayang aabot sa 800,000 na indibidwal ang nagpapakamatay sa buong mundo taon-taon.
Kahit na sino ay maaaring makaisip na tapusin ang kanyang buhay. Ngunit ang panganib na ituloy ang pagpapakamatay ay higit na mas mataas sa mga taong may karamdaman sa pag-iisip gaya ng depresyon, bipolar disorder, post-traumatic stress disorder, at anxiety disorder. Mataas din ang posibilidad sa mga taong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga senyales na maaaring mapansin sa taong nag-iisip ng pagpapakamatay. Ang mga ito ay dapat bantayan at agad na matugunan nang sa gayon ay mabigilan ang pagkitil sa sariling buhay.
Image Source: unsplash.com
1. Matinding kalungkutan
Kapansin-pansin ang lungkot na nararanasan ng taong nagsisimula nang mag-isip ng pagpapakamatay. Ang matinding depresyon na ito ay kadalasang bunga ng isang malalang problema o biglaang pagkawala ng mahal sa buhay.
2. Kawalan ng pag-asa sa buhay
Sa kalagitnaan ng pagharap sa mga suliranin sa buhay, kapansinpansin ang kawalan ng pag-asa ng taong nakakapag-isip magpakamatay. Halos wala nang gana na bumangon pa sa umaga at tanging negatibo na lamang ang naiisip na kahihinatnan ng mga bagay-bagay.
3. Hindi makatulog
Sa sobrang pag-iisip din sa mga problema, kadalasang nakararanas ng insomnia o hirap sa pagtulog ang indibidwal na maaaring magpakamatay. Ang mismong pag-iisip sa pagnanais na kitilin ang sariling buhay ay sanhi rin ng hirap sa pagtulog.
4. Madalas na pag-iisa at pananahimik
Madalas ay makikitang nag-iisa at nananahimik sa isang tabi ang taong nag-iisip-isip ng pagpapakamatay. Maaaring pinag-iisipan niya kung paano gagawin ang pagpatay sa sarili.
5. Biglaang pagbabago sa personalidad at pisikal na hitsura
Maaaring makitaan din ng madaling pagkainis, at madalas na pagkabugnot ang indibidwal na nag-iisip na magpakamatay. At kadalasan pa, ito ay taliwas sa kanyang normal na pag-uugali. Kapansin-pansin din ang pagbabago sa kanyang pinsikal na anyo dahil sa kawalan na ng ganang mag-ayos pa ng sarili.
6. Padalos-dalos sa mga kilos
Wala na ring pakialam sa sarili ang taong nagnanais na magpakamatay. Padalos-dalos na siya sa kanyang gawain kahit pa alam niyang ikakapahaman na niya ito. Nawalan ng ingat sa pagmamaneho, madalas siyang naglalasing o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
7. Paghahanda sa posibleng pagkawala
Makikitang naghahanda sa maraming bagay ang taong may pagnanais magpakamatay. Maaaring isinasaayos niya ang mga negosyong kaniyang iiwan. Bigla din niyang kinakausap ang mga kaibigan at kamag-anak na noon ay hindi naman kinakausap. Maaaring ipamigay din ang mga mahahalagang kagamitan at maging ang last will testament ay inihanda na rin.
8. Pagpapahiwatig ng kagustuhang magpakamatay
Hindi rin maiiwasang magbigay ng mga pagpapahiwatig ang indibidwal na may balak na magpakamatay. Maaaring may isa o ilang makatatanggap ng mga habilin at pagpapaalam.