Ano ang Anghit na Hindi Nawawala (Chronic Body Odor)?
Halos lahat ng tao ay nagkakaroon ng anghit pagsapit ng puberty age na nagsisimula kahit 7 taong gulang pa lamang. Ayon sa pag-aaral, 2% lamang ng tao ang hindi nagkakaroon ng anghit sa kilikili dahil sa kanilang kakaibang ABCC11 gene. Ganunpaman, walang dapat ikahiya ang mga taong may anghit sapagkat ito ay normal na pangyayari sa katawan. Kapag ang pawis ay nahaluan ng bacteria, ang kilikili at iba pang mga bahagi ng katawan ay sadyang nagkakaroon ng bahagyang amoy. Puwede namang matanggal ang amoy anghit sa pamamagitan ng paliligo at paglalagay ng deodorant o anti-perspirant.
Subalit sa ibang mga kaso, ang anghit ay hindi nawawala at nagiging mas mabaho ang amoy kahit na anong linis ng tao sa kanyang katawan. Ang pervasive body odor o chronic body odor na ito ay maaaring dulot ng iba-ibang bagay, katulad ng pagkonsumo ng inumin o pagkain na may matatapang na amoy, hindi maayos na paglilinis ng katawan, stress, matinding pag-eehersisyo, pag-inom ng mga gamot na nakapagpapapawis, hormonal changes, at pagkakaroon ng karamdaman.
Sa mga taong may anghit na hindi nawawala, kadalasang nakararanas din sila ng mas matinding pamamawis na halos nakasasagabal na sa pang-araw-araw nilang gawain. Kahit walang ginagawa o malamig ang panahon ay namamawis pa rin sila. Kung labis ang pagpapawis, mas maraming bacteria ang posibleng mamahay sa balat.
Hindi naman isang delikadong kondisyon ang pagkakaroon ng anghit na hindi nawawala. Subalit, puwede itong magdulot ng anxiety o labis na pag-aalala, mababang self-esteem, kahihiyan, at social withdrawal o pag-iwas sa mga tao. Upang mas maintindihan ang kondisyong ito at malapatan ng wastong lunas, kailangang matukoy ang sanhi nito.
Mga Posibleng Sanhi ng Anghit na Hindi Nawawala
Ang pamamawis at anghit ay dulot ng mga sweat gland. May dalawang pangunahing uri ang mga sweat gland: ang mga eccrine gland at apocrine gland. Ang mga eccrine gland ay matatagpuan sa halos lahat ng bahagi ng katawan, samantalang ang mga apocrine gland ay matatagpuan sa mga mabalahibong bahagi ng balat, gaya ng kilikili, singit, anit, ari, at iba pa.
Ang mga eccrine gland ang siyang nagbibigay ng cooling effect o malamig na pakiramdam sa balat. Sa kabilang banda, ang pawis na nagmumula sa apocrine gland ay puwedeng magdulot ng chronic body odor sapagkat ang pawis mula sa mga gland na ito ay mas malagkit o mas malapot.
Wala namang amoy ang mismong pawis ng katawan, pero kapag ang pawis ay nahaluan ng bacteria, puwedeng magkaroon ng anghit na hindi nawawala. Maaaring magkaroon ng anghit dahil sa mga sumusunod:
- Ilang uri ng mga inumin at pagkain. Ang pagkonsumo ng mga inumin at pagkain na may matatapang na amoy ay puwedeng magdulot ng labis na pagpapawis ng katawan at mas mabahong amoy ng isang tao. Ilan sa mga halimba ng mga inumin at pagkaing ito ay alak, bawang, sibuyas, curry, at mamantika o matatabang pagkain. Bukod sa mga ito, ang mga cruciferous na uri ng gulay katulad ng repolyo, asparagus, broccoli, at cauliflower ay puwedeng pagmulan ng pamamawis at anghit.
- Minsanang pagpapalit ng damit panloob. Puwede ring magdulot ng anghit ang hindi madalas na pagpapalit ng damit panloob katulad ng bra, panty, o Dahil ang ilalim ng suso ng mga babae ay mas nagpapawis kaysa sa ibang mga bahagi ng katawan, maaaring pagmulan ito ng mabahong amoy. Samantala, ang ari naman ng mga babae at lalaki ay naglalabas ng mga katas o secretion. Puwedeng pamahayan ng mga bacteria ang mga bahaging ito ng katawan, lalo na kung hindi madalas nagpapalit ng panty o brief.
- Stress. Ayon sa mga doktor, ang stress ay puwede ring maging sanhi ng anghit. Kapag stressed ang isang tao, ang kanyang mga apocrine gland ay nagiging mas aktibo at naglalabas ng mas malapot at mas malagkit na pawis. Dahil dito, mas kumakapit ang bacteria sa pawis at nagdudulot ng anghit.
- Matinding pag-eehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay nakabubuti sa kalusugan. Subalit, kung mabigat at mahirap ang ginagawang pag-eehersisyo araw-araw, ang katawan ay labis na magpapawis at magiging mas lapitin ng
- Ilang uri ng mga gamot. Mayroon ding mga gamot na nagdudulot ng labis na pamamawis ng katawan. Halimbawa ng mga ito ay anti-depressant medicine at non-steroidal inflammatory drug (NSAID). Kapag labis ang pamamawis, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng anghit na hindi nawawala.
- Pagbabago ng mga hormone. Kung ang dami ng mga hormone sa katawan ay nag-iba, puwede itong magdulot ng labis na pamamawis at anghit. Halimbawa rito ang mga buntis at mga kababaihang nasa menopausal stage. Nakararanas sila ng hormonal changes, kaya naman sila ay nagkakaroon ng kakaibang amoy sa katawan. Puwede ring magkaroon ng anghit ang mga nagdadalaga o nagbibinata sapagkat sila rin ay nakararanas ng hormonal changes.
- Ilang uri ng mga karamdaman. Madalas ring magkaroon ng anghit na hindi nawawala ang mga taong may karamdaman katulad ng diabetes, sakit sa atay, sakit sa bato, typhoid fever, gout, at maging obesity.
Mga Sakit na Kaakibat ng Anghit na Hindi Nawawala
Kahit gaano kalinis ang isang tao sa kanyang katawan, maaari pa ring hindi mawala ang anghit kung mayroong sakit na dinaramdam. Kung mayroong mga sumusunod na sakit, mapapansin ang kakaiba at mabahong amoy sa kilikili, singit, pwet, paa, at iba pang mga bahagi ng katawan:
- Hyperhidrosis (labis na pamamawis ng katawan)
- Diabetes
- Gout (pamamaga ng mga daliri sa kamay at paa)
- Obesity (labis na katabaan)
- Tumor
- Frostbite (paninigas, pamamaga, at pangingitim ng kamay, paa, o iba pang mga bahagi dahil sa matinding lamig)
- Hyperthyroidism (paggawa ng thyroid ng labis na thyroxine hormone)
- Infectious disease (halimbawa ay malaria, dengue, Zika virus, trangkaso, hepatitis B/C, human papillomavirus, tuberkulosis, at iba pa)
- Pituitary gland disorder (halimbawa ay pituitary tumor, acromegaly, Cushing syndrome, prolactinoma, at iba pa)
- Head injury
- Alcoholism (pagkalulong sa alak)
- Sakit sa atay
- Renal failure (pagpalya ng bato)
- Skin infection (halimbawa ay erythrasma, pitted keratolysis, trichomycosis, Sphingomonas paucimobilis, at iba pa)
- Metabolic disorder (halimbawa ay trimethylaminuria, phenylketonuria, hypermethioninaemia, at iba pa)
Bagama’t ang mga karamdamang ito ay maaaring magdulot ng anghit na hindi nawawala, puwede pa rin namang mabawasan ang mabahong amoy sa pamamagitan ng paliligo araw-araw, paggamit ng deodorant, at madalas na pagpapalit ng damit. Maaari ring kumonsulta sa doktor o dermatologist upang magamot ang anghit.
Mga Sanggunian:
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sweating-and-body-odor/symptoms-causes/syc-20353895
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/173478#what-is-it
- https://www.healthline.com/health/bromhidrosis
- https://my.clevelandclinic.org/health/symptoms/17865-sweating-and-body-odor
- https://dermnetnz.org/topics/bromhidrosis
- https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/preventing-body-odor
- https://www.health.harvard.edu/staying-healthy/whats-that-smell-common-and-less-common-causes-of-body-odor
- https://hellogiggles.com/lifestyle/reasons-stubborn-bo-wont-go-away-how-to-fix-it/
- https://hyderabad.apollohospitals.com/blog/what-medicines-cause-body-odor/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/255147#1