Ano ang Pangangati ng Mata?
Maraming nakararanas ng pangangati ng mata. Kadalasan, ito ay dulot ng simpleng iritasyon, gaya ng pagkapuwing o pagpasok ng dumi sa mata. Kung minsan naman, maaari rin itong dulot ng alerhiya o kaya naman ay impeksyon. Bagama’t ang pangangati sa mata ay nakapagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam, wala namang dapat ipangamba, lalo na kung wala ka namang ibang sakit.
Sa simpleng pangangati ng mata, maaaring makaranas lamang ng mga sumusunod na sintomas ang taong naaapektuhan nito:
- Pangangati at pamumula ng mata
- Bahagyang panghahapdi ng mata
- Bahagyang pamamaga ng mata
- Bahagyang pagluluha ng mata
Subalit, kung ang pangangati ay dulot ng impeksyon at iba pang mga sanhi, ang mga nabanggit na sintomas ay maaari pang samahan ng mga sumusunod:
- Mainit na pakiramdam ng mata
- Pagmumuta ng mata
- Paglabas ng malabnaw o malapot na “discharge” o likido sa mata
- Pananakit ng mata
- Pagiging sensitibo ng mata sa liwanag
Kung mga simpleng sintomas lamang ang nararamdaman, maaaring maibsan ang pangangati ng mata sa pamamagitan ng paghuhugas ng mukha at pagpunas sa mga mata ng malinis na basang tuwalya upang matanggal ang anumang nakairita rito. Maaari rin itong patakan ng eye drops upang mabawasan ang pangangati. Subalit, kung ang mga sintomas na nararamdaman ay medyo malubha, mas mainam na magpakonsulta sa doktor sa mata o ophthalmologist upang tiyak na matukoy kung bakit nga ba nangangati ito.
Mga Posibleng Sanhi ng Pangangati ng Mata
Upang magkaroon ng kaalaman kung bakit nangangati ang mata, narito ang ilan sa mga kadalasang sanhi nito:
- Pagkapuwing. Kung ang mata ay napasukan ng alikabok o ng kung anumang dumi, maaaring mangati ito. Ang epekto ng pagkapuwing ay panandalian lamang at kadalasang nawawala pagkatapos ng ilang mga minuto. Ito ay sapagkat kapag napuwing ang mata, ito ay nagluluha. Sa pagluluha ng mata, nahuhugasan at natatanggal ang duming nakapagdulot ng iritasyon.
- Pagsusuot ng contact lens. Maaari ring magdulot ng pangangati sa mata kung ang isang tao ay nagsusuot ng contact lens. Bukod sa nakikiskis ng contact lens ang mata, ang cleaning solution na ginamit dito ay maaari ring magdulot ng pagka-irita sa nasabing bahagi. Kung ito ang dahilan, maaaring magpalit ng ibang mas kalidad na brand ng contact lens at cleaning solution upang hindi na mangati ang mata.
- Side effect ng pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. Kung minsan, nangangati ang mata ng isang tao dahil na rin sa iniinom niyang gamot. Maaaring ang pangangati ay isa sa mga side effect Halimbawa ng mga gamot na nakapangangati ng mata ay birth control pill, antihistamine, pain killer, diuretic, allergy medicine, beta-blocker, decongestant, at anti-depressant. Upang hindi gaanong maapektuhan ng side effect ng iniinom na gamot, panatilihing basa ang mata sa pamamagitan ng pagpupunas nito o pagpatak ng iminungkahing eye drops ng doktor.
- Alerhiya. Maaari ring mangati ang mata kung ang isang tao ay nalantad sa mga bagay na nakapagti-trigger ng kanyang alerhiya. Halimbawa ng mga bagay na maaaring mag-trigger sa alerhiya ng mata ay mga pollen ng bulaklak, buhangin, kusot, balahibo, amag, usok ng sasakyan o sigarilyo, tubig na may chlorine, make-up, eye drops, at iba pa. Upang makaiwas sa mga allergen na ito, magsuot ng shades o salamin kung lalabas ng bahay upang maharangan ang direktang pagpasok ng mga ito sa mata. Sa paggamit naman ng make-up at eye drops sa mata, humanap ng mga brand na hiyang para sa iyong sarili upang hindi makaranas ng pangangati.
- Pagkakaroon ng ibang sakit sa mata. Kung minsan naman, ang pangangati ng mata ay indikasyon na ng ibang sakit sa mata o impeksyon nito. Halimbawa ng mga sakit sa mata na nakapagdudulot ng pangangati ay ang mga sumusunod:
- Dry eye syndrome
- Blepharitis
- Conjunctivitis o sore eyes
- Uveitis
- Eczema
- Tear-producing gland dysfunction
- Dacryocystitis
- Subconjunctival hemorrhage
Ang mga nabanggit na sakit sa mata ay nangangailangan ng gabay ng doktor upang magamot ang mgKung hindi ito malalapatan ng wastong lunas, ang pangangati ay hindi rin mawawala.
- Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Hindi lamang mga sakit sa mata ang maaaring magdulot ng pangangati nito. Kung minsan, ang pangangati ng mata ay sintomas ng ibang sakit sa katawan, gaya ng mga sumusunod:
- Rheumatoid arthritis
- Sjogren’s syndrome
- Lupus
- Vasculitis
- Psoriasis
- Atopic dermatitis
- Shingles
- Labis na panonood sa TV, computer, o cellphone. Kung labis-labis ang panonood sa TV, computer, o cellphone, maaring manuyo ang mata at magresulta sa pangangati nito. Upang hindi mangati ang mata, nangangailangan lamang na ipahinga ang mata at huwag munang gumamit ng mga gadget.
Mga Sakit na Kaakibat ng Pangangati ng Mata
Kung ang pangangati ng mata ay dulot lamang ng mga simpleng sanhi, gaya ng pagkapuwing, labis na panonood ng TV, pagsusuot ng contact lens, at iba pa, hindi naman ito nagreresulta sa malulubhang komplikasyon basta ang mga ito ay maaagapan. Subalit, kung ang pangangati ng mata ay sintomas ng ibang sakit sa mata o ibang karamdaman sa katawan, maaari itong magdulot ng mga komplikasyon na gaya ng:
- Pagkakaroon ng impeksyon
- Pagkasusugat at pamamaga ng cornea ng mata
- Pagkakaroon ng kuliti o stye
- Pagkakaroon ng chronic pink eye
- Pagkabulag
- Pagtaas ng pressure sa mata na maaaring magresulta sa glaucoma
- Pagkakaroon ng katarata
Madaling maiiwasan ang mga komplikasyong ito kung hindi ipagsasawalang-bahala ang mga sintomas na nararamdaman. Agad na magpakonsulta sa doktor kung may iba pang nararamdaman bukod sa pangangati ng mata, gaya ng labis na pananakit nito o kaya naman ay mayroong lumalabas na “discharge” sa mata.
At ang pinakamabisang paraan upang hindi na humantong sa anumang pangangati ng mata ay ang pag-iwas sa mga bagay na maaaring magdulot ng pangangati nito. Ugaliing maghugas ng mukha at tanggalin ang mga make-up na nilagay dito lalo na sa mata. Kung matutulog na sa gabi, iminumungkahing ilabas muna ang mga alagang hayop sa kuwarto at isara ang mga bintana upang hindi mapasukan ang mata ng anumang dumi. Hangga’t ang mukha at mata ay nananatiling malinis, mas maliit ang posibilidad na mairita at mangati ang mga ito. Dagdag dito, ugaliin ding ipahinga ang mata sa panonood ng TV o pagbabasa upang hindi ito manuyo at magresulta sa pangangati.
Sanggunian:
- https://www.specsavers.ie/eye-health/itchy-eyes
- https://health.clevelandclinic.org/itchy-red-eyes-how-to-tell-if-its-allergy-or-infection/
- https://www.healthdirect.gov.au/itchy-eyes
- https://www.nvisioncenters.com/education/itchy-eyes/
- https://www.webmd.com/eye-health/eye-irritation#2
- https://www.webmd.com/rheumatoid-arthritis/arthritis-sjogrens-syndrome
- https://www.healthline.com/health/itchy-eyes-in-corner
- https://www.aao.org/eyenet/article/itchy-eye-diagnosis-management-of-ocular-pruritis
- https://www.healthadvicer.com/itchy-eyelids-causes-treatment.html