Ano ang Berdeng Tae (Green Stool)?

Ang berdeng tae (green stool) ay isa sa mga normal na kulay ng tae ng tao. Ganunpaman, bagama’t isa ito sa mga pangkaraniwang kulay ng tae, may mga pagkakataon na ang berdeng tae ay sintomas na pala ng ibang mga sakit kagaya ng impeksyon sa tiyan, irritable bowel syndrome (IBS), at iba pa.

Sa kabila nito, ayon sa mga doktor, kung wala namang ibang sintomas na nararamdaman, puwedeng ang berdeng tae ay dulot lamang ng pagkonsumo ng mabeberdeng gulay at prutas, mabeberdeng inumin, o mga pagkaing may berdeng food coloring. Puwede ring maging sanhi ng berdeng tae ang pag-inom ng vitamins, mga food supplement, antibiotic, at iba pang mga uri ng gamot.

Subalit, kung ang berdeng tae ay may kasamang pananakit ng tiyan, pagtatae, panghihina ng katawan, kawalan ng ganang kumain, lagnat, kabag, at iba pa, iminumungkahi na pagpapakonsulta agad sa doktor upang malaman ang sanhi nito at malapatan ng wastong lunas.

Mga Posibleng Sanhi ng Berdeng Tae

Maraming mga posibleng sanhi ng berdeng tae. Ilan sa mga hindi mapanganib na sanhi nito ay ang pagbabago ng mga kinakaing pagkain, pag-inom ng ilang mga uri ng gamot, at natural na sanhi kagaya ng edad. Sa ibang mga kaso naman, ang berdeng tae ay puwedeng hudyat ng isang karamdaman.

Upang mas maintindihan kung bakit nagkakaroon ng berdeng tae ang isang tao, narito ang mga pangkaraniwang sanhi ng kondisyong ito:

  • Mabeberdeng pagkain at inumin. Kung binago ng isang tao ang kanyang diyeta at mas marami na siyang kinokonsumong mabeberdeng pagkain at inumin, alaki ang posibilidad na ang mga ito ang sanhi ng kanyang berdeng tae. Ilan sa mga halimbawa ng mga pagkain at inumin na nakapagpapaberde ng tae ay kangkong, broccoli, pipino, celery, talbos ng kamote, abokado, berdeng ubas, berdeng mansanas, green tea, berdeng sorbetes, berdeng gulaman, berdeng cake, at marami pang iba.
  • Asul at lilang pagkain at inumin. Hindi lamang mga berdeng pagkain at inumin ang puwedeng makapagpaberde ng tae ng isang tao. Kapag ang asul o lilang pagkain at inumin ay naghalo sa bile ng tiyan, magiging kulay berde ang tae. Ang bile ay kulay berde o dilaw na likido na tumutulong sa digestive process ng tiyan upang matunaw ang mga pagkain at masipsip ng katawan ang mga nutrient Tandaan na kapag ang asul o lilang kulay ay inihalo sa dilaw, nagiging berde ito.
  • Natural na sanhi gaya ng edad. Sa mga bagong-silang na sanggol, lalo na sa mga unang linggo pa lamang, mas pangkaraniwan ang berdeng tae kaysa brown. Ito ay dahil sa maaaring naninibago pa ang katawan ng sanggol sa pagtunaw ng gatas. Puwede ring ang sanggol ay nakakasuso ng mas maraming foremilk (matubig na gatas ng ina) kaysa sa hindmilk (malapot at mas matabang gatas ng ina) kaya naman nagiging berde ang kanyang tae. Kung ang sanggol ay naka-formula milk, maaaring naglalaman ang gatas ng mas maraming iron kaya nagkakaroon siya ng berdeng tae.
  • Ilang uri ng mga gamot. May mga gamot na nakapagpapaberde ng kulay ng tae ng isang tao. Halimbawa ng mga ito ay antibiotic, laxative, iron supplement, anti-inflammatory drug, birth control pills, at prenatal vitamins. Kadalasan aming bumabalik sa brown na kulay ng tae pagkalipas ng dalawang araw o kapag hindi na naninibago ang katawan sa presence ng amut. Sa ibang tao naman, ang berdeng kulay ay nananatili hangga’t hindi itinitigil ang pag-inom ng ganitong mga uri ng gamot.
  • Pagtatae. Kung ang isang tao ay nagtatae, puwede ring maging berde ang kanyang tae. Dahil sa increased motility o mabilis na pagdaan ng pagkain sa mga bituka, hindi nagagawa ng bile na durugin at tunawin nang husto ang pagkain, kaya nasasama ang kulay berdeng bile sa taeng inilalababas.
  • Katatanggal lamang ng apdo o gallbladder. Kung katatanggal lamang ng apdo ng isang tao, puwedeng maging berde ang kanyang tae. Ang apdo kasi ang nagsisilbing imbakan ng bile at kapag nawala ito, naiiwan lamang ang bile sa loob ng tiyan. Dahil dito, puwedeng makaranas ang pasyente ng pagtatae at magiging kulay berde ang kanyang tae. Pero hindi naman permanente ang kondisyong ito. Kadalasang nawawala ang pagtatae sa loob ng 8 linggo.
  • Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Ang berdeng tae ay puwedeng sintomas ng karamdaman sa tiyan, gaya ng impeksyon, IBS, Crohn’s disease, ulcerative colitis, at celiac disease. Sa mga sakit na ito, karaniwang nagtatae rin ang pasyente at nagiging kulay berde rin ang kanilang tae.

Mga Sakit na Kaakibat ng Berdeng Tae

Ang berdeng tae ay isa sa mga normal na kulay ng dumi ng isang tao. Subalit, may mga pagkakataong kaakibat ito ng isang karamdaman, lalo na kung may nararamdaman o nararanasang ibang sintomas katulad ng gaya ng pananakit ng tiyan, pagtatae, pagsusuka, at panghihina.

Ilang halimbawa ng mga sakit sa tiyan na nagdudulot ng berdeng tae at mga nabanggit na sintomas ay ang mga sumusunod:

  • Bacterial infection. Ang tiyan ay puwedeng magkaroon ng bacterial infection kung nakakain o nakainom ng pagkain o inumin na may bacteria. Dahil sa bacterial infection, puwedeng makaranas ang pasyente ng pagtatae at maging kulay berde ang kanyang tae. Halimbawa ng mga bacteria na puwedeng magdulot ng ganitong impeksyon sa tiyan ay salmonella at coli.
  • Viral infection. Bukod sa bacteria, puwede ring magdulot ng berdeng tae ang virus sa tiyan, gaya ng Gaya ng bacterial infection, puwedeng makapasok ang virus sa tiyan sa pamamagitan ng pagkonsumo ng kontaminadong pagkain at inumin. Puwede ring magkaroon ng impeksyon ang tiyan kung may nahawakang kontaminadong bagay at naisubo ang kamay sa bibig. Bukod sa pagtatae ng kulay berde, puwede ring makaranas ang pasyente ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, at madalas na pagduduwal.
  • Parasitic infection. Kung ang isang tao ay mayroong berdeng tae, posible rin na mayroon siyang parasitic infection. Ang mga parasitiko kagaya ng giardia ay nagdudulot ng pagtatae. Isa rin sa mga katangi-tanging mga sintomas nito ay ang pagiging sobrang baho at malangis ng tae. Bukod dito, nakararanas din ang pasyente ng pananakit ng tiyan, kabag, pagsusuka, at lagnat.
  • Irritable bowel syndrome o IBS. Ang IBS ay isang pangmatagalang kondisyon na nakaka-apekto sa large intestine o malaking bituka. Ang mga karaniwang sintomas nito ay pananakit ng tiyan, kabag, madalas na pag-utot, at pagtatae o pagtitibi. Dahil sa hindi normal ang bowel movement ng pasyenteng may IBS, nagiging kulay berde, dilaw, pula, puti, o itim ang kanyang tae.
  • Crohn’s disease. Sa Crohn’s disease, naiirita ang small intestine o maliit na bituka. Ang pinakapangunahing sintomas nito ay pagtatae. Dahil maraming pagkain ang hindi natunaw nang husto, madalas na nagiging berde ang tae. Bukod sa pagtatae, nakararanas ang pasyente ng pananakit ng tiyan, labis na panghihina, lagnat, pagbagsak ng timbang, pagkakaroon ng bahid ng dugo sa tae, at malnutrisyon.
  • Ulcerative colitis. Ang ulcerative colitis ay isang uri ng kondisyon kung saan namamaga at nagkakasugat ang malaking bituka at tumbong. Gaya ng ibang mga sakit sa tiyan, isa rin ang pagtatae sa mga sintomas ng sakit na ito. Puwede ring makaranas ang pasyente ng pananakit ng tiyan at tumbong, lagnat, panghihina, at iba pa.
  • Celiac disease. Ang celiac disease ay isang uri ng autoimmune disorder sa tiyan. Sa kondisyong ito, nahihirapan ang pasyente na kumain at tunawin ang mga pagkaing naglalaman ng gluten, gaya ng wheat, barley, at Kapag nakakain sila ng mga ganitong uri ng pagkain, puwede silang magtae ng kulay berde.

Karamihan sa mga sakit sa tiyan na dulot ng impeksyon ay puwede namang magamot. Sa mga pangmatagalang kondisyon naman kagaya ng IBS, Crohn’s disease, at celiac disease, puwedeng sumailalim sa therapy ang pasyente upang mabawasan ang mga pagbugso ng sintomas.

Upang hindi lumala ang kondisyon, agad na magpakonsulta sa doktor kung ang iyong tae ay biglang naging kulay berde at may nararanasan ka pang ibang mga hindi kaaya-ayang sintomas.

 Sanggunian: