Ano ang Bukol sa Ari (Genital Lump)?
Ang pagkakaroon ng bukol sa ari o genital lump ay nakapagdudulot ng pangamba. Maaari kasing ang bukol ay sintomas na pala ng ibang sakit, gaya ng sexually transmitted disease (STD) o kanser. Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay mapanganib ang mga bukol na tumutubo sa ari ng babae o lalaki. Mayroong mga bukol na ang sanhi lamang ay mga cyst o kaya naman ay mga umumbok na litid na hindi naman gaanong mapanganib.
Batay sa kung ano ang sanhi ng bukol sa ari, puwede ring makaramdam ang pasyente ng iba pang mga sintomas, gaya ng mga sumusunod:
- Pananakit ng ari
- Pangangati ng ari
- Pamamaga ng ari
- Pagkakaroon ng pasa sa ari
- Pagdurugo ng paligid ng bukol
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pag-iiba ng kulay, hugis, at itsura ng ari
Kung may nakapang bukol sa alinmang bahagi ng ari at nakararanas ng mga nabanggit na sintomas, iminumungkahi na magpakonsulta sa doktor upang matukoy kung ano ang sanhi nito at nang sa gayon ay mabigyan ng karampatang lunas.
Mga Posibleng Sanhi ng Bukol sa Ari
Babae man o lalaki ay puwedeng magkaroon ng bukol sa ari. Ilan sa mga posibleng sanhi nito ay ang mga sumusunod:
- Tagihawat o pigsa. Maaaring ang nakakapang bukol sa ari ay tagihawat o pigsa lamang. Kadalasang nagkaka-tagihawat o pigsa ang ari kapag naipon na rito ang bacteria dulot ng pamamawis, pag-aahit, pagsusuot ng masikip na damit panloob, at iba pa.
- Cyst. Ang itsura ng cyst na tumubo sa ari ay madilaw-dilaw at kapag kinapa ay para itong maliit na bato. Ayon sa mga doktor, puwedeng magkaroon ng cyst kapag nabarahan ang pagtubo ng buhok sa ari. Hindi naman ito mapanganib at puwedeng hindi na lapatan ng lunas kung wala namang idinudulot na problema sa pasyente.
- Angioma. Ang angioma ay ang pagkukumpol-kumpol ng mga ugat. Puwede itong tumubo sa anumang bahagi ng katawan, kasama na ang ari. Para itong malaking nunal na kulay pula o ube. Pero may ibang mga angioma na mas malaki pa sa nunal at mas malapad ang itsura. Gaya ng cyst, hindi ito mapanganib at hindi kadalasang nangangailangan ng lunas.
- Varicose vein. Hindi lamang ang mga binti ang nililitid. Maging ang ari ay puwede ring magkaroon ng varicose vein o sobrang maumbok na mga ugat. Puwedeng maapektuhan nito ang mga babaeng buntis o mga taong madalas naiipit ang mga ugat sa ari dulot ng matagal na pagkakaupo o pagkakatayo.
- Ingrown hair. Kung ang pagtubo ng buhok sa ari ay nabarahan, posible itong maging ingrown hair at patuloy na tumubo sa loob ng balat ng ari. Dahil dito, ang ari ay nagkakaroon ng tila bukol o pag-umbok.
- Mollusca. Ang mollusca ay isang uri ng viral infection na nakukuha sa pakikipagtalik. Ang mga bukol na dulot ng mollusca ay karaniwang bilog, matigas-tigas, at halos sinlaki ng ulo ng aspili. Hindi naman ito masakit pero puwede itong magdulot ng pangangati.
- Kulugo sa ari o genital wart. Ang kulugo sa ari ay isa ring uri ng sakit na nakukuha sa hindi protektadong pakikipagtalik o unprotected sex. Madalas na parang kumpol-kumpol na butlig ang pakiramdam at itsura ng kulugo sa ari. Puwede rin itong tumubo sa iba pang mga kalapit-bahagi, gaya ng singit, pwetan, at hita.
- Sipilis. Ang sipilis o syphilis sa Ingles ay isang uri ng STD at posible ring maging sanhi ng bukol sa ari. Sa sakit na ito, ang mga bukol ay may kasamang pangangati at pagsusugat. Puwede ring makaranas ang pasyente ng lagnat, at pananakit ng ari at iba pang mga bahagi ng katawan.
- Herpes. Ang herpes ay puwede ring magdulot ng makati at masakit na bukol sa ari. Kadalasang nakukuha ang herpes sa pakikipagtalik, pero puwede ka ring mahawaan nito kung nakagamit ka ng mga baso, kubyertos, tuwalya, at iba pang mga bagay na ginagamit ng infected na tao.
- Lichen sclerosus. Ang naaapektuhan nito ay mga kababaihang nasa menopausal stage. Sa kondisyong ito, ang balat ng ari ay tila namumuti at nagkakaroon ng patsi-patsing maliliit na bukol.
- Pearly penile papule (PPP). Ang mga bukol na sanhi ng PPP ay kadalasang maliliit at tumutubong nakapalibot sa ulo ng ari ng lalaki. Ayon sa mga doktor, hindi tiyak kung ano ang sanhi ng sakit na ito. Sa kabutihang palad, hindi naman ito nakahahawa at mapanganib.
- Fordyce spots. Ang Fordyce spots ay puwedeng makaapekto sa babae at lalaki. Ito ay mga lumaking oil gland na nagmumukhang mga maliliit na bukol. Karaniwang tumutubo ang mga ito sa mga labi ng ari ng mga babae o kaya naman ay sa mismong ari o bayag ng mga lalaki.
- Kanser sa ari. Ang kanser sa ari ay isa sa mga pinaka-mapanganib na sanhi ng bukol sa ari. Ganunpaman, ito ay napakadalang. Karaniwang naapektuhan nito ang mga pasyenteng may edad na at naninigarilyo. Puwede ring magkaroon ng kanser sa ari kung ang isang tao ay may HPV infection.
Mga Posibleng Komplikasyon ng Bukol sa Ari
Nabanggit noong una na hindi naman lahat ng bukol sa ari ay mapanganib. Subalit, kailangan pa ring magpapakonsulta sa doktor para malaman ang tunay na sanhi nito. Kung ang bukol sa ari ay ipagsasawalang-bahala lamang, puwedeng magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagputok ng mga bukol sa ari na maaaring magdulot ng impeksyon
- Hindi mawala-walang pamamaga at pananakit ng ari
- Pagiging cancerous ng benign na bukol sa ari
- Pagkabaog
- Mas mahirap na panganganak kung buntis
- Pagkakaroon ng kanser sa ari
- Labis na pananakit ng balakang
- Pagkakaroon ng pamamaga ng mga mata, rayuma, o sakit sa puso para sa mga napabayaang STD
Upang hindi na umabot sa mga mapanganib na komplikasyon, magpakonsulta agad sa doktor sa oras na may makapang bukol sa ari. Ang pasyente ay maaaring sumailalim sa physical examination, blood test, urine test, at iba pang mga diagnostic test upang makumpirma ang sanhi ng bukol.
Batay sa sanhi at kondisyon, puwedeng resetahan lamang ng antibiotic o antiviral na gamot ang pasyente upang magamot ang mga bukol na may impeksyon. Maaari ring bigyan ang pasyente ng pain reliever at mga cream o ointment upang mabawasan ang pananakit o pangangati ng ari. Kung ang bukol naman ay kailangang tanggalin, maaaring sumailalim ang pasyente sa operasyon, gaya ng cryotherapy, electrocautery, surgical incision, laser treatment, at iba pa.
Mga Sanggunian:
- https://www.sutterhealth.org/health/teens/physical/genital-bumps-lumps#:~:text=Harmless%20bumps%20in%20the%20genital,don’t%20cause%20any%20problems.
- https://www.healthline.com/health/womens-health/vaginal-lumps-bumps
- https://www.gynae-centre.co.uk/blog/genital-lumps-what-causes-bumps-in-the-pubic-area/
- https://www.racgp.org.au/afp/2013/may/penile-appearance
- https://www.healthymale.org.au/mens-health/penis-lumps