Ano ang Bukol sa Gilagid (Bump on Gums)?
Ang bukol sa gilagid (bump on gums) ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng maliit o malaking bukol ang gilagid. Kadalasang hindi naman ito mapanganib sapagkat maaaring ang sanhi lamang ng bukol ay non-cancerous cyst, impeksyon, singaw, fibroma, physical trauma, at iba pa. Posible ring kanser sa bibig ang sanhi ng bukol, subalit ito naman ay napakadalang mangyari.
Batay sa sanhi ng bukol sa gilagid, puwedeng makaranas ng mga sumusunod na sintomas ang pasyente:
- Pananakit ng gilagid
- Pamumula ng gilagid
- Pamamaga ng gilagid
- Pananakit na umaabot sa tenga, panga, o leeg
Kung minsan, hindi nangangailangan ng paggamot ang bukol sa gilagid lalo na kung wala namang ibang nararamdamang mga sintomas. Sa ibang mga kaso naman, ang pasyente ay puwedeng bigyan ng gamot para mawala ang pananakit o pamamaga, sumailalim sa simpleng surgical o drainage procedure, bunutan ng ngipin, at iba pa.
Mga Posibleng Sanhi ng Bukol sa Gilagid
Maraming puwedeng maging sanhi ang bukol sa gilagid. Gaya ng uanang nabanggit, karamihan sa mga sanhing ito ay hindi mapanganib. Ilan sa mga kondisyon o gawaing puwedeng magdulot ng bukol sa gilagid ay ang mga sumusunod:
Hindi wastong paglilinis o pangangalaga ng bibig. Ang improper dental care ay isa sa mga pangunahing sanhi ng bukol sa gilagid. Halimbawa, ang madiin na pagsisipilyo ay puwedeng magdulot ng physical injury at pag-umbok sa tissue ng bibig, gaya ng gilagid. Bukod sa maling pagsisipilyo, puwede ring magdulot ng bukol sa gilagid ang pagsusuot ng masikip na pustiso. Puwede ring may pumasok na maliit nab util ng pagkain sa gilagid at maging dahilan ng pag-umbok nito.
Singaw. Ang singaw o canker sore ay isang uri ng mouth ulcer o sugat sa bibig. Puwede itong tumubo sa gilagid, dila, at iba pang bahagi ng bibig. Marami ang nagkakaroon ng singaw kapag kumikiskis ang ngipin, brace, o pustiso sa balat ng loob ng bibig. Puwede ring dulot ito ng mainit na panahon o kakulangan ng nutrisyon. Dahil dito, ang bibig ay nagkakaroon ng sugat. Ang madalas na hitsura nito ay kulay puti o dilaw na may pulang nakapalibot. Kung minsan, ang sugat na ito ay bahagyang nakaumbok ngunit may pagkakaaon din na ito ay patag o flat lamang.
Madalas ding nakararanas ng pananakit ng bibig ang isang taong may singaw. Kusa namang gumagaling ito sa loob ng 1 hanggang 2 linggo. Kung sakaling hindi na matiis ang pananakit, makatutulong ang pag-inom ng pain reliever.
Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. Ang bukol sa giligid ay puwedeng dahil sa pag-inom ng ilang uri ng mga gamot, gaya ng antibiotic at corticosteroid. May iba kasing nakararanas ng allergic reaction sa mga gamot na ito. Dahil dito, ang iba’t ibang bahagi ng bibig, gaya ng gilagid ay tinutubuan ng bukol o pantal. Kung sakaling may allergic reaction sa isang uri ng amut, puwedeng magreseta ang doktor ng ibang brand o kaya ay gamot na may ibang active ingredient.
Cyst. Isang pangkaraniwang sanhi ng bukol sa gilagid ang cyst, na maaaring maglaman ng hangin, likido, o anumang malambot na material kagaya ng tissue o laman. Madalas tumubo ang mga cyst sa paligid ng mga sirang ugat ng ngipin o bulok na ngipin. Hindi naman cancerous ang cyst, subalit puwedeng makasagabal ito sa pagkain o pagsasalita. Maaaring sumailalim ang pasyente sa isang simpleng surgical o drainage procedure upang tanggalin ang cyst.
Periodontal abscess. Ang periodontal abscess ay isang uri ng bacterial infection sa bibig na kung saan ay may nanang naiipon sa ilalim ng gilagid, na siyang puwedeng maging sanhi ng bukol. Upang matanggal ang nana, maaaring sumailalim ang pasyente sa isang drainage procedure. Kung ang nana ay nagdulot na ng malubhang impeksyon at kumalat na ito nang husto sa kalapit na ngipin, puwedeng bunutan na rin ng ngipin ang pasyente.
Fibroma. Isa rin ang fibroma sa mga pangunahing sanhi ng bukol sa gilagid. Isa itong non-cancerous na bukol na namuo dahil sa pagkairita o pagkapinsala ng tisyu ng gilagid. Kagaya ng singaw, puwedeng ang sanhi ng pagkairita ng gilagid ay ang pagkiskis ng pustiso o brace ng ngipin. Bukod sa gilagid, ang fibroma ay puwede ring tumubo sa ibang bahagi ng bibig, katulad ng loob ng pisngi, dila, at labi. Sa kabutihang palad, madalas na walang dulot na pananakit ang fibroma; para lamang itong nunal sa loob ng bibig o skin tag.
Pyogenic granuloma. Ito ay mamula-mula o kulay ubng bukol na namumuo sa iba’t ibang bahagi ng bibig, gaya ng gilagid. Ang bukol na ito ay kadalasang naglalaman ng dugo, na maaaring namuo dahil sa mga natamong pinsala sa bibig. Puwede rin itong dahil sa hormonal changes na dulot ng pagbubuntis. Upang matanggal ang pyogenic granuloma, kailangang sumailalim sa surgical procedure ang pasyente.
Mandibular torus. Ang mandibular torus ay isang uri ng bony growth sa panga. Ibig sabihin, ang panga ay tinutubuan ng maliliit na buto na kapag kinapa ay parang bukol sa gilagid. Pangkaraniwan sanhi ang mandibular torus ng bukol sa bibig, subalit hindi pa sigurado ang mga dalubhasa kung ano ang sanhi ng kondistong ito. Bagama’t ang panga ay nagkaroon ng sobrang buto, hindi naman ito nangangailangan ng gamot o operasyon.
Oral thrush. Ang oral thrush ay isa sa mga sintomas ng candidiasis, isang uri ng yeast infection. Maaari itong maipasa sa pamamagitan ng paghalik at pakikipagtalik. Kapag may oral thrush ang isang tao, nagkakaroon ang kanyang bibig ng kulay puti o pulang patsi-patsi na nakaumbok. Sa ibang malalang kaso, ang oral thrush ay halos natatabunan na ang ngalangala at dila, at hindi na ito basta na lamang umbok o bukol. Puwedeng magamot kondisyong ito sa pamamagitan ng pag-inom ng antifungal medication, gaya ng clotrimazole, nystatin, at fluconazole.
Kanser sa bibig. Ito ang pinakamapanganib na sanhi ng bukol sa gilagid, bagama’t ito ay isa sa mga rare o hindi pangkaraniwang uri ng kanser. Ilan sa mga posibleng sintomas ng kanser sa bibig ay ang pagkakaroon ng bukol sa gilagid, kulay puti o pulang patsi-patsi sa bibig, pananakit ng bibig, sugat sa bibig na hindi gumagaling, pagdurugo ng sugat sa bibig, masakit na lalamunan, umuugang ngipin, hirap sa pag-inom o pagkain, at iba pa.
Mga Komplikasyon ng Bukol sa Gilagid
Kung mapababayaan ang bukol sa gilagid, puwede itong magdulot ng mga komplikasyon, gaya ng mga sumusunod:
- Impeksyon sa bibig
- Pagkatanggal ng ngipin
- Pagkakaroon ng benign jaw growth
- Pagkakaroon ng lamat sa panga o pagkabasag ng panga
- Impeksyon sa dugo o sepsis
- Pagkalat ng impeksyon sa soft tissue, panga, at iba pang mga bahagi ng ulo
- Pagkakaroon ng nana sa utak
- Pamamaga ng puso
- Pulmonya
Ang mga komplikasyong ito ay puwedeng maiwasan kung magpapakonsulta agad sa doktor. Huwag ipagsawalang-bahala ang bukol sa gilagid lalo na kung may iba pang mga sintomas na nararamdaman, gaya ng lagnat, labis na pananakit ng gilagid, kakaibang panlasa, mabahong hininga, sugat sa gilagid na hindi gumagaling, bukol na hindi nawawala, pula-pula o puting patsi-patsi sa bibig, o nagdurugong bukol.
Sanggunian:
- https://www.medicinenet.com/lump_or_mass_on_gums/symptoms.htm
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/326035#causes
- https://www.smartparenting.com.ph/health/your-health/gamot-sa-bukol-sa-gums-a00370-20211127
- https://www.ddfamilydentistrytx.com/blog/2019/09/20/why-do-you-have-a-bump-on-your-gums/
- https://www.healthline.com/health/bump-on-gums
- https://www.mountsinai.org/health-library/diseases-conditions/tooth-abscess