Ano ang Bukol sa Singit (Groin Lump)?

Maituturing na bukol sa singit (groin lump) ang anumang bukol na tumubo sa mga bahaging nasa pagitan ng mga hita at malapit sa ari. Ang pagkakaroon ng bukol sa singit ay puwedeng magdulot ng pagkabahala sapagkat madalas naiuugnay ang mga tumutubong bukol sa katawan sa kanser. Bagama’t isa ang kanser sa mga posibleng sanhi ng bukol sa singit, ito naman ay napakadalang mangyari. Marami pang ibang mga posibleng sanhi ng bukol sa singit, katulad ng mga non-cancerous cyst, pamamaga ng mga kulani, luslos o hernia, pag-umbok ng mga ugat, at iba pa.

Batay sa kung ano ang tunay na dahilan ng kondisyon, ang pasyenteng may bukol sa singit ay puwede ring makaranas ng iba pang mga sintomas kagaya ng mga sumusunod:

  • Pananakit ng bukol sa singit
  • Pamamaga o pamumula ng bukol at mga kalapit na bahagi nito
  • Masakit o mahapding pag-ihi
  • Mas maraming iniihi
  • Hirap sa pagdumi
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Lagnat at panlalamig ng katawan
  • Night sweats o labis na pagpapawis sa gabi
  • Pananakit ng likod
  • Mabilis na pagkapagod
  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang

Kung may nakapang bukol sa singit o kaya naman ay may kasamang alinman sa mga nabanggit na sintomas ang bukol, agad na magpakonsulta sa doktor sapagkat maaaring indikasyon na ito ng ibang karamdaman.

Mga Posibleng Sanhi ng Bukol sa Singit

Upang malapatan ng wastong lunas ang bukol sa singit, kailangan munang tukuyin kung ano ang sanhi nito. Ilan sa mga posibleng sanhi ng bukol sa singit ay ang mga sumusunod:

Pagkakaroon ng mga non-cancerous cyst. Ang mga cyst ay tila maliit na supot ng mga membranous tissue na puwedeng maglaman ng likido, hangin, at iba pang mga substance o material. Karamihan ng mga cyst ay non-cancerous at hindi mapanganib. Ilan sa mga uri ng cyst na puwedeng tumubo sa singit ay ang mga epidermoid at sebaceous cyst.

Ang mga epidermoid cyst ay tumutubo sa ilalim ng balat ng singit. Naglalaman ang mga ito ng puting substance, partikular na ang keratin na isang uri ng protein na kadalasang natatagpuan sa balat, buhok, at mga kuko. Samantala, ang mga sebaceous cyst naman ay naglalaman ng dilaw na malangis-langis na substance. Puwedeng mamuo ang mga cyst na ito sa nabarahang hair follicle at sweat gland.

Pamamaga ng mga kulani o lymph node. Puwede ring may makapang bukol sa singit kung namaga ang mga kulani nito. Ang mga kulani ay mga maliliit na bilog-bilog na gland ng immune system na tumutulong sa pagpuksa ng mga bacteria, virus, at iba pang mga uri ng mikrobyo. Kapag namaga ang mga kulani, mas kapansin-pansin ang pag-umbok sa mga apektadong bahagi.

Kadalasan, ang mga kulani ay namamaga dahil na rin sa ibang karamdaman ng katawan, gaya ng mga sumusunod:

Pagkakaroon ng luslos o hernia. Ang luslos, sa kabuuan, ay ang paglusot ng mga organ sa butas o punit na supportive muscle o tissue. Halimbawa, ang lahat ng mga abdominal organ kagaya ng tiyan, mga bituka, at iba pa ay nakasilid sa isang malaking supot (abdominal wall). Kapag nabutas ang abdominal wall, puwedeng lumusot ang ilang mga bahagi ng bituka kaya naman nagkakaroon ng pag-umbok o luslos sa tiyan.

Maraming iba-ibang uri ng luslos, ngunit tanging inguinal at femoral hernia lamang ang nagdudulot ng bukol sa singit. Sa inguinal hernia, lumulusot ang fatty tissue o kaya ang maliit na bituka ng tiyan dahil sa nabutas na lower abdominal wall. Dahil dito, ang mga lumusot na organ ay nagdudulot ng pag-umbok sa may bandang singit.

Sa femoral hernia naman, ang mismong muscle wall ng singit ang may problema. Sa paghina ng muscle wall ng singit, ang fatty tissue o maliit na bituka ay naitutulak pababa at nakalulusot. Puwedeng manghina at maging marupok ang muscle wall ng singit dahil sa labis na katabaan o obesity, malakas at labis na pag-ubo, pag-eehersisyo, o labis na pag-iri habang dumudumi.

Pag-umbok at paglaki ng mga ugat. Sa larangan ng medisina, ang pag-umbok at paglaki ng mga ugat ay tinatawag na aneurysm. Maraming iba-ibang uri nito, ngunit ang femoral aneurysm ang pangunahing uri na nagdudulot ng bukol sa singit. Kapag may femoral aneurysm, namamaga ang femoral artery na matatagpuan mula sa pinakatuktok ng hita pababa ng binti. Hindi pa tiyak ng mga dalubhasa kung ano sanhi ng pamamaga ng femoral artery, subalit may mga gawain o sakit na puwedeng magdulot ng pamamaga ng ugat katulad ng paninigarilyo, mataas na presyon, at iba pa.

Bukod sa femoral aneurysm, puwede ring magdulot ng bukol o pag-umbok sa singit ang mga varicose vein. Sa kondisyong ito, ang mga ugat ay nagkakapilipit at namamaga dahil sa pagtaas ng presyon sa loob mismo ng ugat. Kadalasang nagkakaroon ng mga varicose vein sa mga hita, binti, pati na rin sa singit. Ito ay maaaring dulot na rin ng katandaan, matagal at madalas na pagtayo, labis na katabaan, o pagiging buntis.

Pagkakaroon ng kanser. Isa sa mga pinakamapanganib na sanhi ng bukol sa singit ay ang kanser. Ang lymphoma o kanser sa mga kulani ang pangunahing uri ng kanser na puwedeng magdulot ng bukol sa singit. Ayon sa mga doktor, hindi tiyak kung paano nagkakaroon ng ganitong uri ng kanser. Pero sa ganitong kondisyon, ang mga white blood cell (WBC) o lymphocyte ng katawan ay nagkakaroon ng genetic mutation at mabilis na dumarami. Sa mabilis na pagdami ng mga WBC, nagkakaroon ng mga bukol sa kulani.

Mga Komplikasyon ng Bukol sa Singit

Kung ang bukol sa singit ay ipinagsawalang-bahala at hindi nagamot, puwedeng magdulot ito ng komplikasyon. Halimbawa na lang ang bukol na dulot ng non-cancerous cyst. Bagama’t ito ay hindi gaanong delikado, puwedeng pumutok ito at maging dahilan ng pagkakaroon ng impeksyon.

Samantala, kung ang namamagang mga kulani sa singit ay dulot ng mga sexually transmitted infection katulad ng gonorrhea (tulo), chlamydia, at sipilis, puwede itong maging sanhi ng pagkabaog, pagkabulag, pagkaparalisa, at dementia.

Kung luslos naman ang dahilan ng bukol sa singit, puwedeng mamatay ang organ na lumusot sa luslos dahil sa matinding pagkakaipit at kakulangan ng supply na dugo. Puwede rin itong magdulot ng labis na pananakit, pagduduwal, at pagsusuka kung hindi maaagapan.

Sa pag-umbok at paglaki ng mga ugat, puwedeng pumutok ang mga ugat at magdulot ng atake sa puso, stroke, at maging pagkamatay. Kung ang sanhi naman ng bukol sa singit ay kanser, mabilis na kakalat ang mga bukol sa ibang bahagi ng katawan hanggang sa maging napakahirap nang tanggalin at gamutin ang mga ito.

Kaya naman kung may nakakapang bukol sa singit, makabubuting agad na magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng tamang lunas.

Sanggunian: