Ano ang Bukol sa Suso (Breast Lump)?

Ang bukol sa suso o breast lump ay isang kondisyon kung saan karaniwang may makakapang bukol sa suso na mas matigas kaysa sa mga pangkaraniwang breast tissue. Maaaring ang bukol ay maliit, malaki, o kumpol-kumpol. Kung minsan, nakapagdudulot din ng ito ng pananakit dahil puwedng naiipit ng bukol ang mga breast tissue, ugat, litid, at iba pang mga bahagi.

Sa ibang mga kaso naman, ang bukol sa suso ay maaaring samahan ng iba pang mga sintomas, gaya ng pagbabago ng hugis at kulay ng suso; pangangati, pamumula, pangangaliskis, o paglubog ng balat ng suso; biglang pagkakaroon ng inverted nipple o paglubog ng utong na dati naman ay normal; at pagkakaroon ng discharge o katas sa suso.

Ang karaniwang nagkakaroon ng bukol sa suso ay mga kababaihan, subalit maaari ring magkaroon nito ang mga kalalakihan. Kadalasang nagdudulot ng pangamba ang pagkakaroon ng bukol sa suso sapagkat madalas itong nauugnay sa kanser sa suso (breast cancer). Pero ayon naman sa mga doktor, ang karamihan ng mga bukol sa suso na walang kasamang ibang sintomas ay benign. Ibig sabihin, hindi lahat ng bukol sa suso ay cancerous o kumakalat at nakamamatay. Ganunpaman, kung ikaw ay may nakapang bukol sa suso, kailanganng magpakonsulta agad sa doktor upang matiyak kung mapanganib ba ito o hindi.

Mga Posibleng Sanhi ng Bukol sa Suso

Maraming mga posibleng sanhi ng bukol sa suso, hindi lamang breast cancer. Ilan sa mga pangkaraniwang sanhi nito ay ang mga sumusunod:

  • Cyst. Isa sa mga pangunahing sanhi ng bukol sa suso ay Ito ay isang uri ng benign na bukol sa suso na naglalaman ng likido. Ang karaniwang nagkakaroon ng cyst ay mga kababaihang nasa edad na 35 hanggang 50 taong gulang. Mataas din ang posibilidad na magkaroon ng cyst ang mga babaeng nasa menopausal stage o ‘yung mga hindi na dinadatnan ng buwanang dalaw.
  • Galactocele. Maaari ring magdulot ng bukol sa suso ang galactocele. Isa itong uri ng bukol sa suso na naglalaman ng gatas. Madalas naaapektuhan ng kondisyong ito ang mga inang tumigil sa pagpapasuso ng kanilang mga anak. Dahil dito, namumuo ang gatas at nababarahan ang mga milk duct.
  • Mastitis. Kung may mastitis ang isang babae, maaari rin siyang makakapa ng bukol sa kanyang suso. Ang mastitis ay isang uri ng impeksiyon sa suso na karaniwang nakaaapekto sa mga nagpapasusong ina.
  • Fibroadenoma. Nagdudulot din ng bukol sa suso ang fibroadenoma. Ang bukol na ito ay buo o solido, matigas, at gumagalaw kapag hinawakan. Mataas ang posibilidad na magkaroon ng fibroadenoma ang isang pagsapit ng kanyang reproductive years (20 hanggang 30 taong gulang). Gaya ng cyst, benign lamang ang fibroadenoma.
  • Lipoma. Sa lipoma naman, ang bukol sa suso ay tila mga kumpol-kumpol na taba na namumuo sa ilalim ng balat ng suso. Para itong may mala-gomang pakiramdam kapag hinawakan. Hindi rin naman ito mapanganib at mabagal lamang ang pamumuo nito kumpara sa ibang mga uri ng bukol sa suso.
  • Fat necrosis. Kapag ang matabang bahagi ng breast tissue ay nagkaroon ng pinsala, maaaring magkaroon ng fat necrosis. Ang bukol na ito ay kadalasang hugis bilog, matigas-tigas, pero hindi naman masakit. Kadalasang nagkakaroon nito kapag ang isang tao ay sumailalim sa lumpectomy (isang uri ng operasyon sa suso) o radiation treatment (isang uri ng cancer treatment). Maaari ring magkaroon ng fat necrosis dahil sa pisikal na injury sa suso.
  • Abscess. Maaari ring magkaroon ng bukol sa suso dahil sa abscess. Sa abscess, ang suso ay nagkaroon ng bukol na may lamang nana. Bukod sa nana, maaari ring magkaroon ng iba pang sintomas ang abscess, gaya ng pamamaga at pananakit ng suso, pagkapagod, at lagnat.
  • Hematoma. Kapag ang suso ay napinsala dahil sa pisikal na injury o sumailalim ang pasyente sa anumang uri ng operasyon sa suso, maaari siyang magkaroon ng hematoma. Isa itong uri ng bukol sa suso na naglalaman ng namuong dugo.
  • Injury o trauma sa suso. Kung ang isang tao ay nagkaroon ng injury o trauma, maaaring magkaroon ang suso ng panandaliang bukol na may kasamang pamamaga at pananakit. Maaari namang mawala ang bukol kapag nilagyan ang apektadong bahagi ng yelo. Maaari ring uminom ng pain reliever upang mabawasan ang pananakit.
  • Bone tuberculosis. Kapag may bone tuberculosis ang isang tao, lalo na kung malubha na ang sakit, maaari rin siyang magkaroon ng mga bukol sa suso. Karaniwang tumutubo ang mga bukol sa mga lymph node o kulani ng suso.
  • Kanser sa suso. Ang kanser sa suso ay ang pinakamapanganib na sanhi ng bukol sa suso. Sa katunayan, pangalawa ito sa mga pangunahing kanser na sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan. Ganunpaman, maaari itong maagapan kung magpapakonsulta agad sa doktor sa oras na may makapang bukol sa suso.

Upang matiyak kung ano ang sanhi ng bukol sa suso, maaaring sumailalim ang pasyente sa physical examination, breast biopsy, breast ultrasound, at iba pang mga uri ng diagnostic test. Hindi kasi madaling tukuyin kung cancerous o benign ang bukol sa suso kung walang gagawing mga pagsusuri.

Mga Posibleng Komplikasyon ng Bukol sa Suso

Bagama’t ang karamihang uri ng bukol sa suso ay benign at hindi nangangailangan ng gamutan o operasyon, maaari pa rin itong magdulot ng iba’t ibang mga komplikasyon, lalo na kung inaakala ng pasyente na ang kanyang bukol ay hindi malubha. Ilan sa mga posibleng komplikasyon ng bukol sa suso ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng impeksiyon sa suso
  • Blood poisoning o pagkakaroon ng impeksiyon sa dugo kung pumutok ang bukol
  • Pagsusugat ng suso
  • Hindi mawalang pananakit ng suso
  • Pag-iiba ng hugis ng suso
  • Pagiging cancerous ng benign na bukol
  • Pagkalat at pagbara ng bukol sa mga kalapit-bahagi ng suso, gaya ng daluyan ng hangin

Upang hindi humantong sa mas malubhang kalagayan ang bukol sa suso, magpakonsulta agad sa doktor. Kung ang bukol sa suso ay benign at nagdudulot lamang ng minsanang pananakit, maaaring magreseta lamang ang doktor ng pain reliever. Maaari ring sumailalim ang pasyente sa isang drainage procedure kung saan sisipsipin ng isang instrumento ang namuong gatas, dugo, o likido sa suso.

Sa mga bukol na ang sanhi ay impeksiyon, maaaring magreseta ang doktor ng antibiotic. Kung ang bukol naman ay natukoy na cancerous, maaaring sumailalim ang pasyente sa lumpectomy, mastectomy (pagtanggal ng apektadong suso), chemotherapy, at radiaton therapy.

Mga Sanggunian: