Ano ang Bukol sa Ulo?
Ang bukol sa ulo ay isang pangkaraniwang head injury na puwedeng matamo sa iba’t ibang paraan. Kadalasan ay nagkakaroon ng bukol sa ulo pagkatapos mauntog sa isang matigas na bagay. Nagkapagdudulot din ng bukol sa ulo ang mga sports injury, lalo na sa mga sports na maraming bodily contact katulad ng boksing at American football.
Marami ring sakit sa balat ang puwedeng magdulot ng bukol sa ulo, katulad ng matinding acne, folliculitis, at seborrheic keratosis. Kapag gumaling na ang mga sakit na ito, mawawala na rin ang mga bukol.
Tandaan din na ang bukol o mga bukol sa ulo ay puwedeng mamuo sa balat, ilalim ng balat, o sa mismong buto, batay sa kung ano ang nagdulot ng bukol. Halimbawa, kung mayroong taghiyawat sa ulo, sa balat tumutubo ang maliliit na bukol.
May natural na bukol din sa bungo ng tao na matatagpuan sa likod ng ulo. Ito ay tinatawag na inion, at ito ang palatandaan kung saan nakakabit ang ibabang bahagi ng bungo sa muscle ng leeg.
Batay sa sanhi ng bukol sa ulo, puwedeng hindi uminom ng gamot ang pasyente. Kadalasan ay nawawala naman ang bukol sa ulo pagkalipas ng ilang araw, lalo na kung dulot lamang ito ng minor injury.
Subalit, kung may kaakibat na matinding pananakit na hindi mawala-wala ang bukol, matinding injury ang nagdulot ng bukol, o kaya ay nawalan ng malay ang pasyente pagkatapos mauntog, mas mabuting pumunta na sa ospital para mabigyan ng tamang diagnosis at lunas ang bukol sa ulo.
Ano ang mga Sintomas na Nararamdaman Kasabay ng Bukol sa Ulo
Maraming puwedeng maging kaakibat na sintomas ang bukol sa ulo, at may mga pagkakataon na nararanasan ang mga ito nang sabay-sabay. Kasama sa mga sintomas na ito ang mga sumusunod:
- Pamumula ng mismong bukol
- Pamumula ng balat sa paligid ng bukol
- Pananakit ng bukol at ng mga bahaging malapit dito
- Pamamaga
- Pagkakaroon ng pasa
- Mainit na pakiramdam kapag hinawakan ang bukol
- Pangangati ng bukol at ng balat sa paligid nito
- Pagkalagas ng buhok malapit sa bukol
Mayroon ding mga mas malubhang sintomas na puwedeng maramdaman ang isang taong may bukol sa ulo, kagaya na lamang ng mga sumusunod:
- Pagkalito
- Pagkahilo
- Matinding pananakit ng ulo
- Pagsusuka
- Kahirapang maglakad ng tuwid o balansehin ang katawan
- Kahirapan sa coordination o ang paggamit ng tamang muscle para magawa ang tamang kilos
- Panlalabo ng paningin
- Kahirapan sa pandinig
- Pagkabulol o pagkakaroon ng kahirapan sa pagsasalita
- Pagkawala ng malay
- Pagdurugo ng bukol o pagkakaroon ng discharge mula sa bukol
Kapag naranasan ang mga ganitong sintomas, pumunta na agad sa ospital para mabigyan ng emergency care ang pasyente.
Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Bukol sa Ulo
Maraming kondisyon ang puwedeng maging sanhi ng bukol sa ulo. Kadalasan ay hindi naman lubhang mapanganib ang mga ito. Kung may nararamdamang pananakit kasabay ng pagkakaroon ng bukol sa ulo, puwede namang uminom ng painkiller para humupa ang sakit.
Subalit, puwede ring maging indikasyon ng mas malalang sakit ang bukol sa ulo. Ito ay lalo na kung labis at paulit-ulit ang sakit na nararamdaman, nag-iiba ang hugis o lumilipat ng pwesto ang bukol, o kaya ay nagdurugo ito.
Narito ang ilang mga sanhi ng bukol sa ulo:
Pinsala o Injury sa Ulo
Ang pinakamadalas na sanhi ng pagkakaroon ng bukol sa ulo ay ang pagka-untog ng ulo sa isang matigas na bagay. Senyales ang bukol na sinsubukan ng katawan na pagalingin ang bahaging nauntog.
Maraming dahilan o paraan kung saan puwedeng mauntog ang isang taong. Halimbawa na lang dito ang mga aksidente katulad ng pagkahulog o kaya ay car crash. Kagaya ng unang nabanggit, puwede ring maging sanhi ng pagkakaroon ng bukol sa ulo ang mga injury na nakukuha sa sports.
Maraming head injury ang nagdudulot din ng hematoma. Indikasyon ito na may kaunting pagdurugo sa ilalim ng balat, at puwede itong magdulot ng bukol. Mawawala naman ang pagdurugo at bukol makalipas ang ilang araw. Subalit, kapag mas malubha o malaki ang injury, mas malaking hematoma at bukol din ang puwedeng mabuo. Kung ganito ang sitwasyon, mas mabuting magpakonsulta na sa doktor para malaman kung kailangan ng karagdagang lunas.
Ingrown Hair
Kapag inaahit ang buhok sa ulo, puwedeng tumubo ang buhok papaloob sa balat sa halip na tumagos sa pores. Ito ang tinatawag na ingrown hair, na puwedeng magdulot ng maliliit at mapupulang bukol sa anit.
Sa kabutihang palad, hindi naman mapanganib ang ingrown hair. Kapag humaba na ang mga hibla ng buhok, lulusot na ang mga ito sa pores sa anit at tutubo na kagaya ng dati. Subalit, mayroon ding pagkakataon na kumukulot ang maikling ingrown hair at hindi tumutubo nang maayos. Puwede itong magdulot ng minor infection kung saan nagkakaroon ng nana ang bukol.
Folliculitis
Sa ilang pagkakataon, puwedeng mauwi sa folliculitis ang pag-aahit ng buhok sa ulo. Ang folliculitis ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng pamamaga o impeksyon ang hair follicle, isang hugis tunnel na bahagi ng panlabas na suson (layer) ng balat kung saan nag-uumpisang tumubo ang buhok.
Puwedeng dahil sa bacteria o fungi magmula ang impeksyon na dulot ng folliculitis. Madalas na nangangati ang balat ng mga taong mayroon nito; kapag kinamot ang makating balat, puwede itong magkaroon ng sugat at mamaga.
Madali namang gamutin o iwasan ang folliculitis, katulad ng paggamit ng antibiotic cream para mawala ang impeksyon. Makatutulong din ang hindi pag-aahit ng buhok at pag-iwas sa paliligo sa mga swimming pool. Sa malubha at paulit-ulit na kaso ng folliculitis, puwedeng irekomenda ng doktor ang laser hair removal.
Sinusitis
Kapag sobrang lubha ng sinusitis, puwedeng magkaroon ng pamamaga sa noo, talukap ng mata, pagitan ng mga mata, o kaya ay sa ilong. Tinatawag itong “Pott’s puffy tumor” pero hindi naman ito cancerous. Pwede itong malunasan sa pamamagitan ng antibiotics.
Epidermal at Pilar Cyst
Ang epidermal at pilar cyst ay mga maliit, matigas, at manilaw-nilaw na bukol na tumutubo sa ilalim ng balat. Madalas itong tumubo sa anit at mukha, na madalas ay sanhi ng pagka-ipon ng keratin sa balat. Sa kabutihang palad, hindi naman cancerous ang ganitong uri ng mga cyst. Sa katunayan, puwedeng hindi ito gamutin o alisin kung wala namang impeksyon o pananakit.
Seborrheic Keratosis
Ang seborrheic keratosis ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng mga bukol na parang kulugo ang ulo at leeg. Katulad ng epidermal at pilar cyst, madalas na hindi mapanganib o cancerous ang seborrheic keratosis. Subalit, kung may posibilidad na maging skin cancer ang bukol, puwede itong alisin sa pamamagitan ng surgery o kaya ay cryotherapy.
Pilomatrixoma
Isang uri ng noncancerous tumor ang pilomatrixoma, na madalas tumutubo sa mukha, ulo, at leeg. Matigas sa pakiramdam ang bukol na dulot ng kondisyong ito, pero sa kabutihang palad ay hindi naman nagdudulot ng pananakit.
Puwedeng magkaroon ng pilomatrixoma ang isang tao, maging bata man o matanda. Sa ilang kaso, puwedeng magkaroon ng impeksyon ang bukol na dulot ng pilomatrixoma o kaya ay maging cancerous. Sa ganitong sitwasyon, puwedeng tanggalin ang bukol sa pamamagitan ng surgery.
Basal Cell Carcinoma
Ang basal cell carcinoma o BCC ay isang cancerous tumor na tumutubo sa pinakailalim na layer ng balat. Ito ang isa sa mga pinaka-common na uri ng skin cancer. Puwede itong magdulot ng mapula o mala-rosas na bukol. Sa kabutihang palad, hindi kumakalat ang BCC sa ibang bahagi ng katawan. Kailangan lamang na matanggal ang tumor kaagad upang hindi na ito lumala.
Exostosis
Minsan, may mga batang tinutubuan ng sobrang buto sa ibabaw ng dati nang buto. Puwede itong mangyari sa kahit anong buto sa katawan, ngunit rare o napakadalang nitong mangyari sa ulo.
Para malaman kung exostosis ang nakakapang bukol, puwedeng magpa-X-ray ang pasyente. Batay sa kung gaano kalubha ang kondisyon at sa mga komplikasyong naidudulot ng exostosis, puwedeng sumailalim sa operasyon ang pasyente para matanggal ang bukol.
Ano ang Maaaring Maging Komplikasyon ng Bukol sa Ulo
Maraming bukol sa ulo ang benign. Kadalasan ay kusang nawawala ang mga ito, o kaya naman ay hindi na kailangang gamutin dahil wala namang naidudulot na panganib sa katawan.
Ang pinakamalubhang sitwasyon kung saan kailangang gamutin ang bukol sa ulo ay sa mga kasong katulad ng BCC, dahil puwede utong magdulot ng matinding pananakit at impeksyon. Gayundin, kung may bukol sa ulo na nagdudulot ng pagkahilo, pagsusuka, panlalabo ng paningin, kawalan ng malay, at iba pang malubhang sintomas, magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng tamang diagnosis dahil puwedeng mayroon nang ibang sakit ang pasyente.