Ano ang Pagkakaroon ng Dugo sa Tae?
Ang dugo sa tae o dumi ay ang pagkakaroon ng dugo o bahid nito sa feces na inilalabas ng isang tao mula sa kaniyang tiyan, palabas ng kaniyang pwet o anus. mga tao at hayop ang paglalabas ng tae dahil ito ay mula sa mga kinaing pagkain matapos makuhanan ng sustansya, ngunit ang pagkakaroon ng dugo rito ay maaaring sintomas ng malubhang sakit sa tiyan at digestive system.
Mahalagang masuring maigi ang nailabas na dumi kung ito ba ay may dugo o wala. Kung may nagaganap sa loob ng katawan ng isang tao, posibleng mabahiran ng dugo ang tae anuman ang hitsura nito batay sa Bristol Stool Chart. Ang Bristol Stool Chart ay isang medical aid na ginagamit upang makita ang mga nangyayari sa gastrointestinal tract o bituka ng isang tao sa pamamagitan ng pag-uri sa dumi. Ayo sa chart na ito, may pitong tipo ng tae:
- Type 1 at 2. Kadalasang maliliit na parang butil lamang; mahirap ilabas at maituturing na may constipation ang taong may type 1 o 2 na dumi.
- Type 3 at 4. Normal na hugis na maihahalintulad sa isang makinis na sausage; malambot-lambot at hindi nahirapan sa paglabas sa anus o pwet.
- Type 5, 6, at 7. Malabnaw o matubig na dumi na maaaring dulot ng diarrhea o hindi masyadong natunawan sa pagkain; ipinapayo ang pagkonsulta sa mga dalubhasa.
Matapos makita ang tipo ng tae, ang kasunod na kailangang tingnan ang kulay nito. Ang normal na kulay ng tae ay brown o kayumanggi. Dulot it ng bilirubin, isang uri ng pigment na resulta ng pagkasira ng red blood cells sa ating dugo.
Kapag berde o green ang dumi, nangangahulugan itong mabilis ang nagging pagdaan ng pagkain sa bituka. Palataandaan din ito na hindi natutunaw nang maayos ang bile, isang uri ng enzyme na inilalabas naman ng atay para tunawin ang taba mula sa pagkain.
Puwede ring maging magkulay berde ang tae kung kumain ng mga madahong gulay o pagkain na may green food color tulad ng flavored drinks. Maaari ring magdulot ng kulay green na dumi ang pag-inom ng mga iron supplement.
Kapag kulay dilaw o yellow na malangis at mabaho naman ang dumi, ibig sabihin ay maraming taba na nahalo sa tae. Kadalasan ay dulot ito ng malabsortion disorder tulad ng celiac disorder kung saan hindi naa-absorb ng bituka ang natunaw na pagkain. Ipinapayong agad na kumonsulta sa dalubhasa upang malaman kung bakit ganito ang tae.
Minsan, nagkukulay-puti o walang kulay ang tae kung kulang naman ito sa bile. Ito ay kadalasang dulot ng obstruction o pagkakaroon ng sagabal sa bile duct na daluyan ng bile patungong bituka.Mabuting magpakonsulta kaagad sa doktor sapagkat maaaring sintomas na ito ng pancreatitis o pancreatic cancer.
Kapag kulay pula ang tae o kinakitaan ng mismong dugo sa ilang bahagi nito, senyales ito na may pagdurugo sa internal organs o kaya naman ay sa ibabang bahagi ng intestinal tract gaya ng large intestine o rectum. Puwede ring bunga ng hemorrhoids ang dugo sa tae. Gayundin, maaaring senyales ito ng pagkakaroon ng diverticulitis o outpouching ng bituka o colon.
Maaari din namang magdulot ng pulang kulay ng tae ang mga pagkaing mapupula gaya ng beets, cranberries, tomato juice, o kaya naman ay processed food na may red food color gaya ng red gelatin. Kapag ganito na ang nakitang kulay ng tae, magtungo na kaagad sa doktor upang magpakonsulta.
Maalarma rin kung kulay itim o black ang tae at kung may malansa itong amoy. Posible kasing dugo rin iyon na galing sa tiyan at humalo sa acid kaya naging itim. Ibig sabihin ay may pagdurugo sa unang bahagi ng bituka o upper gastrointestinal tract, gaya ng tiyan. Maaari ring dulot ng ulcer o cancer ang pagiging itim ng tae.
Kung maitim ang tae ngunit hindi naman ito amoy malansa, posibleng dulot ito ng pag-inom ng iron supplement, bismuth subsalicylate, at black licorice.
Sa kabutihang palad, puwedeng maiwasan ang pagkakaroon ng dugo sa tae. Maraming hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ang kondisyong ito o kaya naman ay mapabuti ang sitwasyon kung sakaling nangyayari na. Ilan sa mga hakbang na ito ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng wastong diet.
- Pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fibers. Makatutulong ang mga pagkaing mayaman sa fibers dahil natutulungan nito ang digestion o pagtunaw ng pagkain sa tiyan.
- Uminom ng maraming tubig upang mapanatiling hydrated ang katawan at maging maalwan ang paglalabas ng dumi.
- Ugaliin ang pag-eehersisyo upang hindi manaba. Kapag hindi normal ang pagtaba, maaaring maapektuhan nito ang bituka, na maaari namang magdulot ng mga sakit katulad ng colon cancer.
Narito rin ang ilan sa mga sintomas na may dugo ang tae:
- Mapulang tae
- Kung hindi mapula, ay kulay dark brown o itim ang dumi
- Buhay o buong-buong dugo na lumabas sa pwet o nakahalo sa tae
Kung mapansin ang mga sintomas na ito habang tumatae o pagkatapos, huwag matakot. Alamin muna ang mga posibleng sanhi ng kondisyon at magpakonsulta sa doktor.
Mga Posibleng Sanhi ng Dugo sa Tae
Bagama’t nakatatakot naman talagang makakita ng dugo sa tae, makabubuting huwag munang mag-panic. Alamin muna ang mga posibleng sanhi nito, at kung kaya naman, humanap ng gamot o solusyon para dito. Tiyakin din kung ginawa o nangyari ang mga sumusunod:
- Nagkulang ang pag-inom ng tubig o fluids kaya naging matigas ang tae, na siya naming naging dahilan upang magdugo ang rectum.
- Kumain ng mga pagkaing mapupula o kaya naman ay may food color na pula, kaya inakalang may dugo ang dumi paglabas.
- Kumain ng pagkaing may sangkap na dugo gaya ng dinuguan o kaya ay betamax (inihaw na buong dugo ng manok o baboy).
- Anal sex o pakikipagtalik sa pamamagitan ng pwet
Kung wala sa mga nabanggit ang mga posibleng sanhi kung bakit may dugo sa tae, magpakonsulta na sa dalubhasa dahil maaaring indikasyon ito ng mga sakit na nakalista sa ibaba.
Mga Sakit na Kaakibat ng Dugo sa Tae
Kailangang alalahanin na puwedeng senyales ng iba-ibang sakit ang pagkakaroon ng dugo sa tae. Maaari namang maagapan ang mga sakit na ito kung magpapakonsulta kaagad sa doktor upang mabigyan ng tamang lunas. Narito ang mga sakit na maaaring sanhi ng dugo sa tae:
- Almoranas (Hemorrhoids). Ito ay ang pinaka-karaniwang kondisyon kung saan nagdurugo ang rectum habang dumudumi o tumatae. Makirot ito na may kasamang pamamaga, na kapag napabayaan at hindi binigyang pansin ay maaaring mauwi sa malubhang impeksyon.
- Anal fissures o sugat sa mismong butas ng puwet. Kagaya ng almoranas, ito ay mararamdaman sa tuwing tumatae. Nagkakaroon nito dahil na rin sa almoranas, hindi regular na pagtae, o matinding pag-iri.
- Pagtitibi (Constipation). Ang kondisyong ito naman ay dulot ng hindi regular na pagdumi ng isang tao. Maaari itong mangyari kung kulang sa tubig o mga pagkaing mayaman sa fiber gaya ng pinya o ubas. Minsan, kahit na nais nang tumae ng tao, hindi niya mailabas nang buo ang kaniyang tae dahil sa tigas nito. Dahil hirap na mailabas ang tae, maaaring magkaroon ng anal fissure o pagkapunit sa balat ng pwet na nagdudulot ng pagdurugo.
- Impeksyon sa bituka. Maaaring magkaroon ng sugat ang bituka dahil sa sobrang acid.
- Diarrhea. Ang diarrhea ay isang uri ng impeksyon sa tiyan kung saan hindi mapigilan ng tao ang pagdumi ng basa o mala-tubig na tae. Dahil sa madalas na pagdumi, nasusugatan ang butas ng pwet at nagiging dahilan ng pagdurugo nito.
- Colitis. Ito ay isang kondisyon na nagdudulot ng pamamaga ng colon dahil sa impeksyon o inflammatory bowel disease.
- Kanser sa malaking bituka (Colon cancer). Ito na ang pinakamalubha sa lahat ng posibleng sanhi ng dugo sa tae. Magpakonsulta kaagad sa doktor upang matiyak ang iyong kondisyong at malapatan ng agarang treatment.
Tandaan na maraming kaso ng colon cancer na walang sintomas. Gayunpaman, obserbahang mabuti kung makararanas ng mga sumusunod:
- Pagtatae (diarrhea)
- Pagtitibi (constipation)
- Buhay, buo-buo, o bahid ng dugo sa tae
- Labis na pananakit ng tiyan o puson
- Walang humpay na pagkakaroon ng kabag
- Pananakit ng tiyan o puson habang dumudumi
- Pakiramdam na hindi sapat ang nailabas na dumi
- Hindi maipaliwanag na kakulangan sa dugo o anemia
- Panghihina at pagkahapo
- Pamamayat o pagbaba ng timbang na hindi maipaliwanag ang dahlia
- Pagnipis ng sukat ng tae
- Pakiramdam ng pagduwal o pagsusuka
Sanggunian:
- https://ph.theasianparent.com/pagdumi-na-may-kasamang-dugo
- http://www.drdrlads.net/2016/01/ano-ang-ibig-sabihin-ng-hugis-at-kulay.html
- https://gamot.info/pagdumi-na-may-kasamang-dugo/
- https://pinoyhealthy.com/may-dugo-sa-tae-ano-ang-ibig-sabihin-nito/
- https://www.bulgaronline.com/post/2019/03/24/babala-sa-mga-mayroong-dugo-ang-dumi