Ano ang Kombulsyon?
Ang kombulsyon o convulsions sa Ingles ay isang kondisyon kung saan paulit-ulit at mabilis na nagco-contract at nagre-relax ang mga kalamnan o muscle, na siyang nagdudulot ng hindi mapigilang panginginig. Gayundin, ang isang taong kinokombulsyon ay hindi namamalayan kung ano ang nangyayari sa kanyang paligid. Umaabot ang isang episode ng kombulsyon ng hanggang 1 o 2 minuto. Ito rin ay kadalasang nai-uugnay sa mga sakit na neurolohikal.
Tandaan na ang kombulsyon at seizure ay magkaibang kondisyon, dahil ang seizure ay isang uri ng electrical disturbance sa utak. Puwedeng magdulot ng kombulsyon ang seizure pero hindi lahat ng seizure ay may kasamang kombulsyon. Sa katunayan, may mga taong sini-seizure na pala ngunit tanging pagkalito o confusion lamang ang nararanasan.
Maraming kondisyon at sakit ang maaaring magdulot ng kombulsyon, katulad ng biglaang pagtaas ng lagnat, mababang antas ng blood sugar o hypoglycemia, tetano, at maging ang epilepsy.
Kadalasan ay hindi naman kailangan ng medical attention kapag kinokombulsyon ang isang tao. Subalit, kung umabot na sa 5 minuto ang panginginig, nahihirapang huminga o lumakad pagkatapos ng kombulsyon, o kaya naman ay inatake ng isa pang kombulsyon ang pasyente, agad na magpunta sa ospital para sa tamang lunas.
Gayundin, kailangang dalhin agad ang pasyente sa ospital kung siya ay kinombulsyon at siya ay:
- Buntis
- May sakit sa puso
- May diabetes
- May iba pang sakit
- Nabagok ang ulo habang kinokombulsyon
Ano ang mga Sintomas ng Kombulsyon
Madaling malaman kung kinokombulsyon ang isang tao dahil marami itong sintomas na kapansin-pansin, katulad ng mga sumusunod:
- Pag-ikot ng mata
- Pagkawala ng malay
- Pagkawala ng atensyon
- Pamumula o pangagasul ng mukha
- Paninigas ng mga braso, binti, o buong katawan
- Pabigla-biglang paggalaw o panginginig ng mga braso, binti, katawan, o ulo
- Kawalan ng control sa mga kilos
- Pagbabago sa paghinga
Madalas na ang mga sintomas na ito ay tumatagal hanggang kinokombulsyon ang pasyente. Kapag lumipas na ang kombulsyon, huhupa na rin ang mga sintomas. Gayunpaman, may mga pagkakataon na tumatagal ang mga sintomas kahit tapos na ang kombulsyon.
Kapag bata pa ang pasyente at nakaranas siya ng febrile seizure dahil sa mataas na lagnat, puwede siyang maging iritable o makatulog ng isang oras o higit pa matapos ang kombulsyon.
Ano ang mga Uri Kombulsyon
Mayroong iba-ibang uri ng kombulsyon, na puwedeng dulot ng seizure o iba pang kadahilanan. Kasama na rito ang mga sumusunod:
Epileptic Seizure
Kagaya ng unang nabanggit, hindi lahat ng seizure ay nagdudulot ng kombulsyon. Gayunman, marami ring epileptic seizure ang nauuwi sa kombulsyon. Kasama na rito ang:
- Myoclonic seizure. Ito ay isang uri ng kombulsyon kung saan ang panginginig ay kalat-kalat at maikli lamang. Kadalasang nangyayari ang myoclonic seizure sa kaliwa at kanang bahagi ng katawan.
- Tonic seizure. Kapag nagkaroon o inatake ng tonic seizure ang pasyente, naninigas ang kanyang mga kalamanan.
- Clonic seizure. Ang ganitong uri ng kombulsyon ay maihahalintulad sa pulikat o cramps at para bang hinahatak ang mga kalamanan.
- Generalized tonic-clonic seizures. Tinatawag ding “grand mal seizure” ang kondisyong ito, kung saan naninigas ang mga kalamanan at nasusundan ng matinding panginginig.
- Atonic seizure. Nagsisimula ang kombulsyon na ito sa myoclonic seizure at pagkatapos ay nawawalan ng ng control sa kanyang mga kalamanan ang pasyente.
Non-epileptic Seizure
Ang kombulsyon na dulot ng non-epileptic seizure ay maraming sanhi. Kasama na rito ang encephalitis o pamamaga ng utak, meningitis o pamamaga ng membrane na nakapalibot sa utak at gulugod (spinal cord), maging ang brain tumor o kanser sa utak.
Puwede ring magdulot ng non-epileptic seizure at pagko-kombulsyon ang stroke, sepsis, at maging ang heatstroke. Minsan din ay psychogenic o may kinalaman sa mga sakit na pangkaisipan o psychological condition ang pagkakaroon ng isang pasyente ng non-epileptic seizure at kombulsyon.
Febrile Seizure
Ang kombulsyon na dulot ng febrile seizure ay dahil sa mataas na lagnat. Madalas itong mangyari sa mga sanggol at bata na may edad 6 na buwan hanggang 5 taon. Sa ilang mga kaso, puwedeng mawalan ng malay ang pasyente matapos makaranas ng febrile seizure.
Tandaan na karaniwang hindi mapanganib ang kondisyong ito. Subalit, kung tumatagal ang kombulsyon ng hanggang 10 minuto at paulit-ulit itong nangyayari, magpunta na kaagad sa doktor para mabigyan ng emergency care ang pasyente.
Kombulsyon Dulot ng Gamot
Mayroong mga gamot na maaaring magdulot ng kombulsyon dahil napaparami ng mga ito ang mga kemikal na may kakayahang mag-stimulate sa utak. Mayroon ding mga gamot na napapababa naman ang mga kemikal na siyang nagre-regulate ng electrical activity sa utak, na puwede ring maging sanhi ng kombulsyon.
Ilan sa mga gamot na ito ay ang mga sumusunod:
- Mga antidepressant katulad ng bupropion at mirtazapine
- Diphenhydramine, isang uri ng gamot na ginagamit laban sa alerhiya
- Tramadol, isang uri ng opioid na gamot laban sa matinding pananakit
- Mga stimulant katulad ng cocaine at methamphetamine
Puwede ring magdulot ng kombulsyon ang pag-overdose sa droga at alak, gayundin ang withdrawal mula sa gamot katulad ng barbiturates, benzodiazepines, at glucocorticoids.
Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Kombulsyon
Bukod sa mga nabanggit na sa itaas, marami pang ibang sakit o health condition ang puwedeng magdulot ng kombulsyon o seizure na may kasabay na kombulsyon. Kasama rito ang mga sumusunod:
- Epilepsy
- Brain tumor
- Rabis
- Eclampsia, isang komplikasyon ng preeclampsia kung saan nagdudulot ng seizures at posibleng kombulsyon ang mataas na presyon ng isang babaeng nagbubuntis
- Cardiac arrythmia, kung saan nagiging mas mabilis o mabagal sa normal ang tibok ng puso
- Biglaang pagbaba ng blood pressure
- Sakit sa puso
- Impeksyon sa utak at spinal cord
- Pagkakaroon ng labis na sodium o glucose sa dugo
- Sobrang taas na lagnat, lalo na sa mga bata
- Uremia, isang kondisyon kung saan naiipon ang mga waste sa katawan dahil hindi mailabas ng mga kidney
- Brain injury na nangyari sa sanggol habang nasa labor ang ina o kaya ay pagkapanganak
- Heat intolerance
- Kagat ng mga insekto o hayop na may lason, kagaya ng gagamba at ahas
- Phenylketonuria o PKU, isang sakit na namamana kung saan naiipon ang phenylalanine sa katawan; puwede itong magdulot ng intellectual disability, kombulsyon, at iba pang health problem
Bukod sa mga nabanggit, nakapagdudulot din kombulsyon sa ilang pagkakataon ang hypoglycemia o kakulangan ng blood sugar sa katawan. Ang tetano o tetanus, na isang uri ng impeksyong nagdudulot ng mga muscle contraction, ay puwede ring maging sanhi ng kombulsyon. Gayundin, ang mga taong na-stroke ay puwedeng makaranas ng seizure na puwedeng magdulot ng kombulsyon.
Ano ang Maaaring Maging Komplikasyon Kombulsyon
Dapat bantayang mabuti ang isang taong kinokombulsyon dahil wala siyang control sa kanyang mga muscle. Dahil dito, puwede siyang matumba o mahulog, na siya namang puwedeng maging dahilan ng pagkabagok ng ulo. Maaari ring magdulot ng iba pang injury sa ulo o mukha ang kombulsyon, lalo na kung matindi ang panginginig ng mga muscle.
Mahalaga rin na maagapan ang iba pang mga injury kung sakaling mag-kombulsyon ang pasyente sa gitna ng ibang gawain. Halimbawa, puwedeng aksidenteng pumasok ng laway, tubig, o pagkain sa baga ng pasyente, kung umiinom o kumakain ang isang tao at bigla siyang nagka-seizure at kinombulsyon.
Ang isa pang dapat mabantayan ay ang paghinga ng pasyente. Kung napansing nahihirapang huminga ang pasyente habang kinokombulsyon o pagkatapos ng kombulsyon, kailangang madala siya kaagad sa ospital. Kapag nagtagal na nahihirapang huminga ang pasyente ay puwedeng kulangin ang kaniyang supply ng oxygen sa katawan at mauwi sa mas malalang kondisyon.
Ang pinakamahalagang dapat tandaan ay isang sintomas ang kombulsyon at hindi sakit. Bagamat mayroon itong puwedeng maidulot na mga komplikasyon, huwag kalimutang mayroong primary condition na siyang sanhi ng kombulsyon. Kapag binigyan ng karampatang lunas ang pangunahing sakit, puwedeng maiwasan ang kombulsyon o kaya ay mabawasan ang dalas nito.
Sanggunian
- Convulsions Are Different from Seizures: Learn What They Mean (healthline.com)
- Convulsions: Causes, definition, and treatment (medicalnewstoday.com)
- What Is the Difference Between a Seizure and a Convulsion? (medicinenet.com)
- Febrile Seizures: What Are They, Symptoms, Treatment & Prevention (clevelandclinic.org)
- Seizures Information | Mount Sinai – New York
- Convulsions: Overview and more (verywellhealth.com)