Ano ang Masakit na Pag-Ihi (Painful Urination)?

Ang masakit na pag-ihi (painful urination) ay kilala sa tawag na dysuria sa larangan ng medisina. Sa kondisyong ito, ang isang tao ay nakararanas ng pananakit o paghapdi ng kanyang ari habang siya ay umiihi. Ito ay indikasyon na maaaring may problema ang alinmang bahagi ng kanyang urinary tract, katulad ng urethra, pantog (bladder), ureter, at bato (kidney). Maaari ring sintomas ang dysuria ng iba pang mga sakit gaya ng urinary tract infection (UTI), bladder stones, kidney stones, sexually transmitted disease (STD), at iba’t ibang uri ng impeksiyon sa urinary tract.

Bukod sa mga naunang nabanggit, pwede ring maging sanhi ng masakit na pag-ihi ang agresibong pagtatalik o kaya naman ay labis na pag-eehersisyo. Kung hindi naman ito ang mga dahilan, maaaring side effect ito ng pag-inom ng ilang mga uri ng gamot o paggamit ng matatapang na sabon sa ari.

Kung ang masakit na pag-ihi ay may kaakibat na iba pang mga sintomas katulad ng pagkakaroon ng mabahong katas o discharge mula sa ari, malabong kulay ng ihi, lagnat, pananakit ng likod o tagiliran, o pag-ihi ng may kasamang maliliit na bato, agad na magpakonsulta sa doktor. Ito ay dahil sa ang alinmang karagdagang sintomas sa mga ito ay indikasyon ng pagkakaroon ng ibang mas nakababahalang sakit. Gayunpaman, kung matutukoy agad ang kondisyon nang mas maaga, maaari pa naman itong magamot.

Ang paggamot sa masakit na pag-ihi ay nababatay sa sanhi nito. Kung ito ay sintomas ng isang medikal na kondisyon, maaaring magreseta ang doktor ng mga angkop na gamot para sa sakit na ito. Maaari ring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon kung ang natukoy na sanhi ay bladder o kidney stones. Kung ang masakit na pag-ihi ay dulot naman ng mga impeksyon, maaaring magreseta ang doktor ng mga antibiotic. Dagdag dito, puwede ring magreseta ang doktor ng pain reliever upang mabawasan ang anumang nararamdamang pananakit.

Mga Posibleng Sanhi ng Masakit na Pag-Ihi

Gaya ng unang nabanggit, ang masakit na pag-ihi ay mayroong iba’t ibang mga sanhi. Nangunguna na rito ang urinary tract infection o UTI. Bagama’t UTI ang kadalasang dahilan ng pagkakaroon ng masakit na pag-ihi, hindi lamang ito ang posibleng sanhi nito. Maaaring ang dysuria ay dulot ng alinman sa mga sumusunod:

  • Pagkapunit ng balat sa ari dahil sa agresibong pakikipagtalik. Kung naging agresibo ang pagtatalik, puwedeng mapunit o magkaroon ng sugat ang balat sa ari at mamaga, lalo na ng mga kababaihan. Dahil dito, magiging masakit ang pag-ihi.
  • Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. May ilang mga uri ng gamot na ang side effect ay masakit na pag-ihi. Halimbawa ng mga gamot na nakapagpapahapdi ng ihi ay cancer medications at ilang uri ng mga
  • Pag-inom o pagkain ng mga nakaiiritang inumin o pagkain. May mga inumin at pagkain na nagdudulot ng pagka-irita sa mga bahagi ng urinary tract lalo na ang pantog. Kung ang isang tao ay nasosobrahan sa pag-inom ng kape, tsaa, softdrinks, at alak, pwedeng mairita ang pantog at magdulot ng masakit na pag-ihi. Bukod sa mga ito, nakapagdudulot din ng masakit na pag-ihi ang labis na pagkain ng maaasim na prutas katulad ng orange, lemon, dalandandan, kamatis, at iba pa. Dagdag dito, may masama ring epekto sa urinary tract ang pagkain ng labis na tsokolate.
  • Paggamit ng matatapang na sabong panghugas sa ari. Mayroong mga tao, babae man o lalaki, na kung ano ang sabon sa katawan ay iyon na rin ang ginagamot na sabon sa paghuhugas ng kanilang mga ari. Subalit, ang sabong pangkatawan ay kadalasang matataas ang pH level kaya naman nagdudulot ito ng pagka-irita sa mas sensitibong balat ng ari.
  • Labis na pag-eehersisyo. Madalas ding makaranas ng masakit na pag-ihi ang mga atleta o mga taong labis mag-ehersisyo. Bukod sa mariing pagkiskis ng balat ng ari sa damit, mas nadadagdagan din ang pressure sa pantog kapag nag-eehersisyo kaya naman nagiging masakit nag pag-ihi.
  • Pagkakaroon ng ibang sakit. Kung nakararanas ng masakit na pag-ihi, maaari ring sintomas ito ng ibang sakit gaya ng UTI, bladder stones, kidney stones, cystitis, kidney infection, yeast infection, STD, at iba pa.

Mga Sakit na Kaakibat ng Masakit na Pag-Ihi

Ang masakit na pag-ihi ay maaaring sintomas ng ibang sakit. Maaaring may problema ang urinary tract, reproductive system, o digestive system ng pasyente, o kaya naman ay nahawahan siya ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Ilang halimbawa ng mga medikal na kondisyon na kaakibat ng masakit na pag-ihi ay ang mga sumusunod:

Mga sakit sa urinary tract. Dahil ang masakit na pag-ihi ay direktang nauugnay sa urinary tract, malaki ang posibilidad na ito ay sintomas ng alinman sa mga sumusunod na sakit lalo na kung ito ay may kasamang pananakit ng likod o tagiliran, malabong kulay ng ihi, at iba pa.

  • Bladder stones (pagkakaroon ng mga bato sa pantog)
  • Cystitis (pamamaga ng pantog)
  • Kidney infection (pagkakaroon ng impeksiyon sa mga bato)
  • Kidney stones (pagkakaroon ng mga bato sa bato)
  • Obstructive uropathy (pagkakaroon ng baradong ureter, pantog, o urethra)
  • Urethral stricture (pagsikip ng urethra)
  • Urethritis (pagkakaroon ng impeksiyon sa urethra)
  • UTI (pagkakaroon ng impeksiyon sa daluyan ng ihi)
  • Pagkakaroon ng tumor sa urinary tract

Mga sexually transmitted disease (STD). Kung ang masakit na pag-ihi ay may kasamang pangangati, pamamantal ng ari, o pagkakaroon ng mabahong katas o discharge mula sa ari, maaaring may STD ang pasyente katulad ng mga sumusunod:

Mga sakit sa reproductive system. Maaari ring indikasyon ng sakit sa reproductive system ang pagkakaroon ng masakit na pag-ihi. Ang mga sakit na gaya ng vaginitis, yeast infection, epididymitis, at pelvic inflammatory disease ay maaari ring makuha sa pakikipagtalik sa taong may impeksiyon, subalit hindi sa lahat ng pagkakataon.

  • Prostatitis (pamamaga ng prostate gland)
  • Vaginitis (pamamaga, pangangati, at pananakit ng ari ng babae)
  • Yeast infection (pagkakaroon ng fungal infection ng ari ng babae)
  • Endometritis (pamamaga ng endometrial lining ng matris)
  • Epididymitis (pamamaga ng epididymis o iyong tubong nasa likuran ng mga bayag ng lalaki)
  • Pelvic inflammatory disease (pagkakaroon ng impeksiyon sa matris, fallopian tube, o obaryo ng babae)

Mga sakit sa digestive system. Kapag namaga at nagkaroon ng impeksiyon ang bituka, maaaring makaranas din ng masakit na pag-ihi ang pasyente. Halimbawa ng mga sakit sa digestive system na may ganitong sintomas ay ang mga sumusunod:

  • Diverticulosis (pagtubo ng mga tila nakaumbok na bulsa sa malaking bituka)
  • Diverticulitis (pamamaga at pagkakaroon ng impeksiyon sa mga tumubong nakaumbok na bulsa sa malaking bituka)

Karamihan ng mga nabanggit na sakit na may kasamang masakit na pag-ihi ay nalulunasan pa naman sa pamamagitan ng pag-inom ng mga iniresetang gamot ng doktor. Mabilis lamang itong gumaling, lalo na kung ang kondisyon ay naagapan. Subalit, ang mga sakit na gaya ng bladder stones, kidney stones, obstructive uropathy, urethral stricture, tumor sa urinary tract, diverticulitis, at iba pa ay maaaring mangailangan ng operasyon.

Sanggunian: