Ano ang Pagkakalbo (Hair Loss)?
Ang pagkakalbo ay kilala sa wikang Ingles bilang “hair loss.” Sa larangang medikal naman, kilala ito sa tawag na alopecia. Sa pagkakalbo, ang isang tao ay nakararanas ng paglalagas ng buhok na maaaring humantong sa pagnipis o pagkalbo nito. Sa ibang sitwasyon, maaari rin itong humantong sa pagkapanot o “baldness” kung saan ang nalagasang bahagi ng ulo ay hindi na muling tutubuan ng buhoGood mk.
Ayon sa mga doktor, ang mga tao ay normal na nalalagasan ng 50 hanggang 100 mga hibla ng buhok sa loob ng isang araw. Hindi lang ito napapansin sapagkat napaka-kaunting bilang nito kumpara sa mahigit-kumulang na 100,000 na mga hibla ng buhok sa ulo ng isang tao.
Kung nararanasan ang mga sumusunod na sintomas, maaaring ito ay hindi na normal na paglalagas at nakakalbo na ang isang tao:
- Kapansin-pansin na pagnipis ng buhok sa ulo
- Pagkakaroon ng bilog-bilog o patsi-patsing bahagi sa anit na walang buhok
- Paglalagas ng buhok hindi lamang sa ulo kundi pati na rin sa iba’t ibang bahagi ng katawan
- Pagkakaroon ng nanunuklap na balat sa anit
Kadalasan, hindi naman indikasyon ng isang malubhang sakit ang pagkakalbo. Maaaring ito ay dulot lamang ng pagkamana o mga normal na pagbabagong nangyayari sa katawan, gaya ng pagbubuntis, pagtigil ng regla (menopause), o pagtanda. Kung nakararanas ng pagkakalbo, may maaaring gawin ang pasyente kung nais niya pa itong remedyuhan. Maaari siyang magpahid ng mga ointment sa ulo, gumamit ng shampoo na pampakapal ng buhok, uminom ng mga gamot na nakapipigil sa pagkapanot, o idaan na lamang sa pagiistilo ng buhok o pagsusuot ng “wig” o peluka. Sa ibang mga nakararanas ng pagkakalbo, hinahayaan na lamang nila ito at tinatanggap na lamang na nasa lahi na talaga nila ito o kaakibat ng pagtanda.
Mga posibleng sanhi ng pagkakalbo
Maraming mga posibleng sanhi ng pagkakalbo. Gaya ng nabanggit noong una, maaaring ito ay namana sa pamilya o kaya naman ay nakararanas ng mga pagbabago sa katawan ang isang tao. Upang mas maintindihan ang kondisyong ito, narito pa ang ibang mga sanhi ng pagkakalbo:
- Pagkamana sa pamilya. Kung ang isa o dalawa sa iyong mga magulang ay nakararanas ng pagkakalbo, maaari rin itong mamana ng kanilang mga anak. Kadalasan, ang mga ama o kalalakihan ang nakararanas ng pagkakalbo na humahantong sa pagkapanot. Kung ito ang sanhi, kahit nagbibinata pa lamang ang isang lalaki, maaari nang malagas ang kanyang buhok at makitaan ng mga sintomas ng pagkakalbo.
- Pagkakaroon ng hormonal changes. Maaari ring makaranas ng pagkakalbo ang isang tao dahil sa hormonal changes, gaya ng pagbubuntis, panganganak, paggamit ng mga birth control pill, at menopause.
- Pagbubuntis. Kadalasan, ang mga babaeng nagbubuntis ay nakararanas ng pagkapal at pagganda ng buhok, subalit hindi ito sa lahat ng pagkakataon. Sa ibang mga buntis, ang kanilang estrogen level ay mas lalong bumababa, kaya naman nakararanas sila ng matinding paglalagas ng buhok at pagkakalbo. Bukod dito, ang mga buntis ay nakararanas ng matinding stress at pagkapagod na siyang nagiging sanhi ng pagkakalbo. Sa halip na 100 mga hibla ng buhok lamang ang nalalagas ay umaabot ito sa 300 mga hibla ng buhok.
- Panganganak. Sa ibang mga kababaihan naman, nakararanas sila ng pagkakalbo pagkatapos nilang manganak. Ang tawag dito ay “postpartum hair loss.” Ito ay dahil sa biglaang pagbagsak ng estrogen level sa katawan. Pansamantala lamang ito at babalik din sa dating sigla at tibay ang mga hibla ng buhok pagkatapos ng ilang mga buwan kahit walang nilalapat na lunas.
- Paggamit ng mga birth control pill. Ang pag-inom ng mga birth control pill ay maaaring magdulot ng mga side effect sa kababaihan, gaya ng pagkakalbo. Dahil ang mga birth control pill ay naglalaman ng mga artipisyal na hormone, maaaring patigilin nito ang pagtubo ng mga buhok at maging mas marupok ang mga ito.
- Menopause. Kung ang isang babae ay nasa yugto na ng menopause, maaari rin siyang makaranas ng pagkakalbo. Ito ay dahil sa bumababa rin ang estrogen level ng mga kababaihan sa pagtigil ng kanilang regla. Nakatutulong kasi ang estrogen hormone sa pagpapanatiling maganda at makapal ng buhok.
- Pag-inom ng ilang mga uri ng gamot. Marami ring mga uri ng gamot ang nakapagpapakalbo ng buhok, gaya ng mga gamot para sa mga sumusunod na kondisyon:
- Tigyawat
- Depresyon
- Mataas na kolesterol
- Kanser
- Epilepsy
- Altapresyon
- Parkinson’s disease
- Sakit sa thyroid
- Labis na katabaan o obesity
Dagdag sa mga ito, ang mga gamot na gaya ng mga antibiotic, antifungal drug, anticlotting drug, NSAIDs, steroids, at iba pa ay maaari ring magdulot ng pagkakalbo ng buhok. Ayon sa mga doktor, ang pagkakalbo ay maaaring maging isa sa mga side effect ng pangmatagalang pag-inom ng mga gamot na ito. Kadalasan, maaaring maranasan ang paglalagas ng buhok pagsapit ng 2 o 4 na buwan ng pag-inom ng mga nakakalbong mga gamot.
- Pagkakaroon ng ibang mga karamdaman. Maaari ring makaranas ng pagkakalbo dahil indikasyon na pala ito ng ibang karamdaman. Kung naglalagas at nakakalbo ang buhok, maaaring nakararanas ng alinman sa mga sumusunod na sakit:
- Alopecia areata
- Androgenetic alopecia
- Traction alopecia
- Telogen effluvium
- Anagen effluvium
- Sakit sa thyroid
- Fungal infection, gaya ng buni sa ulo
- Lichen planus
- Lupus
- Kanser
- Iron deficiency anemia
- Polycystic ovarian syndrome (PCOS)
- Anorexia
- Bulimia
- Burning Scalp Syndrome
- Trichotillomania
- Psoriasis
- Seborrheic dermatitis
- Depresyon
- Rayuma
- Gout
- Sakit sa puso
- Autoimmune disease
- Vitamin B deficiency
Bukod sa mga nabanggit na sanhi, maaari ring makaranas ng pagkakalbo ang isang tao kung siya ay nasa isang physical shock, gaya ng pagka-aksidente o trauma, o kaya naman ay emotional shock, gaya ng labis na pagkalungkot dahil sa pagkamatay ng miyembro ng pamilya. Dagdag sa mga ito, maaari ring makalbo ang buhok kung ang isang tao ay masyadong mahigpit mag-ipit ng buhok o kaya naman ay kung anu-anong kemikal ang inilalagay dito. Maaari ring maglagas at makalbo ang buhok kung kulang ang katawan sa iba’t ibang mga bitamina at mineral, gaya ng bitamina A, bitamina B, protina, at iron.
Mga posibleng komplikasyon ng pagkakalbo
Kung ang pagkakalbo ay namana lamang o dulot ng normal na pagbabago ng katawan, wala naman itong naidudulot na malubhang komplikasyon sa isang tao. Subalit, dahil ang makapal at magandang buhok ay simbolo ng kabataan at kagandahan ng isang tao, maaaring maapektuhan ang kanyang self-esteem o tiwala sa sarili. Dahil dito, ang taong nakararanas ng pagkakalbo ay maaaring maapektuhan ang pang-araw-araw niyang pamumuhay dahil sa hiya na nararamdaman. Maaari siyang laging malungkot at hindi na gaanong makisalamuha sa mga tao.
Kung nagiging sanhi na ng matinding depresyon o pagkalungkot ang pagkakalbo, makatutulong ang pagkonsulta sa isang dermatologist upang mabigyan ito ng kaangkupang lunas. Maaari ring isabay dito ang pagkonsulta sa isang mental health professional upang hindi lalong lumala ang kondisyong pangkaisipan ng pasyente.
Sanggunian:
- https://www.healthline.com/health/hair-loss
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hair-loss/symptoms-causes/syc-20372926
- https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/hair-loss/drug-induced-hair-loss-2
- https://www.hairlossdoctors.com/hair-loss-causes/diseases
- https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/hair-loss/women-hair-loss-causes#1
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/327005
- https://www.welcomecure.com/diseases/alopecia-areata-hair-loss/complications