Ano ang Pagkakaroon ng Dugo sa Ihi?
Sa larangang medikal, ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay kilala sa tawag na hematuria. Kapag napansin na may halong dugo ang ihi, maaaring mayroong problema ang mga bato (kidneys) o alinmang bahagi ng daluyan ng ihi. Ang hematuria ay mayroong dalawang uri: gross hematuria at microscopic hematuria. Sa gross hematuria, nakikita ng isang tao na mayroong dugo sa kanyang ihi. Subalit sa microscopic hematuria, hindi nakikita ng isang tao ang dugo sa ihi hangga’t hindi ginagamitan ng mikroskopyo.
Maraming iba’t ibang dahilan ng pagkakaroon ng dugo sa ihi. Maaaring ang hematuria ay isa na sa mga sintomas ng isang sakit, gaya ng UTI, kanser sa bato, sakit sa bato, paglaki ng prostate, STD, at iba pa. Ganunpaman, hindi nangangahulugan na kapag mayroong dugo sa ihi ay mayroong sakit agad. Maaaring ito ay dulot lamang ng regla, pakikipagtalik, side effect ng pag-inom ng gamot, labis na pag-eehersisyo, at iba pa.
Kapag may dugo ang ihi, maaaring mapansin na kulay pink, pula, o brown ang ihi. Kadalasang hindi naman nakararanas ng pananakit habang umiihi ng may dugo. Subalit, sa ibang mga kaso, gaya ng sa pagkakaroon ng UTI at STD, maaaring makaranas ng panghahapdi sa pag-ihi. Maaari ring maging masakit ang pag-ihi kung umiihi ng mga maliliit at buo-buong dugo.
Upang magamot ang hematuria, kailangang malaman muna ang sanhi nito. Maaaring isailalim ang pasyente sa ilang mga pagsusuri, gaya ng physical examination, urinalysis, imaging test, o cystoscopy. Kung ang sanhi ng pagkakaroon ng dugo sa ihi ay impeksyon, maaaring magbigay lamang ang doktor ng mga gamot, gaya ng antibiotic. Subalit, kung ang hematuria ay sintomas ng ibang sakit, kailangang sumailalim ang pasyente sa espesyal na gamutan upang gumaling ang sakit at mawala ang dugo sa ihi.
Mga Posibleng Sanhi ng Pagkakaroon ng Dugo sa Ihi
Image Source: www.freepik.com
Ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay nagdudulot ng pangamba sa karamihan sapagkat maaaring indikasyon ito ng mas malubhang karamdaman. Subalit, kung nagkaroon ng dugo sa ihi matapos gawin ang mga gawaing ito, walang dapat gaanong ipangamba:
- Pagkakaroon ng regla. Normal sa isang babae na magkaroon ng dugo sa ihi habang nireregla. Dahil magkalapit lamang ang mga butas na dinadaluyan ng ihi at regla, hindi maiiwasan na mapasama ang dugo mula sa regla sa pag-ihi.
- Pakikipagtalik. Sa mga kababaihan, maaari ring magkaroon ng dugo sa ihi pagkatapos makipagtalik. Kung minsan ay napupunit ang balat o kalamnan ng ari ng babae kapag ipinasok agad ang ari ng lalaki nang hindi pa handa o tuyo na ang babae.
- Pag-inom ng gamot. Maaari ring mag-iba ang kulay ng ihi kapag kasalukuyang naggagamot ang isang tao. Ang mga gamot na kadalasang nakakapagpula ng ihi ay mga pain reliever, antibiotic, penicillin, aspirin, heparin, at maging vitamins o supplement.
- Labis na pag-eehersisyo. Ang labis na pag-eehersisyo ay maaaring magdulot ng stress sa mga bato, kaya naman maaaring umihi ng may dugo. Kadalasang nararanasan ito ng mga atleta na sumasali sa mga pangmalayuang takbuhan. Dahil dito, tinawag itong jogger’s hematuria. Ganunpaman, ang kahit na sinumang nasosobrahan sa pag-eehersisyo ay maaaring makaranas nito.
Kung ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay wala sa mga nabanggit sa itaas, maaaring sintomas ito ng alinman sa mga sumusunod na sakit:
- Urinary tract infection (UTI)
- Sexually transmitted disease (STD)
- Sakit sa bato
- Kanser sa bato
- Paglaki ng prostate
- Rare blood disorder
Bukod sa mga nabanggit, maaari ring magkaroon ng dugo ang ihi kung ang anumang bahagi ng daluyan ng ihi ay direktang napinsala dahil sa aksidente.
Mga Sakit na Kaakibat ng Pagkakaroon ng Dugo sa Ihi
Gaya ng nabanggit noong una, ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay maaaring sintomas na ng isang sakit. Upang mas maintindihan ang mga sakit na kaakibat nito, basahin ang mga sumusunod:
- Urinary tract infection (UTI). Kapag may dugo ang ihi ng isang tao, maaaring siya ay may UTI. Ito ay isang uri ng impeksyon na kung saan ay mayroong mga bacteria at nana ang daluyan ng ihi ng pasyente. Ang hematuria ay normal na sintomas ng isang taong may UTI, pero napakadalang. Kung may dugo ang ihi, indikasyon ito na napakarami na ng bacteria sa daluyan ng ihi ng pasyente. Ang mga bacteria kasi na ito ay sinisira ang lining ng daluyan ng ihi na nagdudulot ng pamamaga at pagkairita. Dahil dito, ang mga red blood cell sa daluyan ng ihi ay tumatagas at sumasama sa pag-ihi ng isang tao.
- Sexually transmitted disease (STD). Isa rin sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng dugo sa ihi ay ang STD. Halimbawa ng STD ay gonorrhea (tulo) at chlamydia. Sa STD, madalas na makararanas ang pasyente ng pag-ihi ng may kasamang dugo at panghahapdi habang umiihi. Maaaring mapagkamalan lamang ito na simpleng UTI subalit kung nagkaroon lamang ng dugo sa ihi matapos makipagtalik sa ibang kapareha, malaki ang tiyansa na ito ay STD. Bukod sa mga sintomas na nabanggit, mapapansin din na may mabahong discharge o katas na lumalabas sa ari.
- Sakit sa bato. Maaari ring indikasyon ng sakit sa bato ang pagkakaroon ng dugo sa ihi kaya hindi ito dapag ipagsawalang-bahala. Halimbawa ng mga sakit sa bato na may kasamang pagdurugo sa ihi ay kidney stone, bladder stone, at glomerulonephritis.
- Kanser sa bato. Kung may kanser sa bato ang isang tao, posible rin siyang umihi ng may kasamang dugo. Dahil nagsisiksikan ang mga tumor sa bato, nasisira ang lining ng daluyan ng ihi at nagdudulot ng pamamaga, pananakit, at pagdurugo habang umiihi.
- Paglaki ng prostate. Sa mga kalalakihan, mayroon silang bahagi na tinatawag na prostate gland. Ito ay matatagpuan sa ibaba ng pantog at nakapalibot sa ibabaw na bahagi ng urethra. Ang prostate ay gumagawa ng likido na nagsisilbing “sasakyan” ng mga sperm cell o similya tuwing ejaculation. Habang tumatanda ang isang lalaki, tumataas din ang posibilidad na lumaki ang prostate gland. Dahil dito, naiipit ang urethra ng lumaking prostate at nagdudulot ng iritasyon at pagkasira ng lining ng iba pang mga kalapit na bahagi. Sa pagkasira ng lining, nagkakaroon ng pagtagas ng mga red blood cell kaya naman nagkakaroon ng dugo sa ihi.
- Rare blood disorder. Kung ang isang tao ay mayroong rare blood disorder, maaari rin siyang makaranasa ng pag-ihi na may kasamang dugo. Halimbawa ng mga rare blood disorder ay sickle cell anemia, Alport syndrome, at hemophilia.
Kung mayroong dugo ang ihi at hindi malaman ang dahilan, mas mainam na magpakonsulta sa doktor upang masuri nang maayos at malapatan ng tamang lunas. Karamihan kasi ng mga tao ay inaakala lamang na ito ay simpleng UTI. Subalit lingid sa kaalaman ng iba, ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay maaaring indikasyon din ng ibang malubhang sakit.