Ano ang Pagmamanas?

Ang pagmamanas o edema sa Ingles ay isang uri ng pamamaga, kung saan naiipon sa mga tissue ang fluid dahil sa pagtagas nito mula sa mga capillary. Tandaan na hindi sakit ang pagmamanas. Bagkus, isa itong sintomas ng iba pang sakit o kaya ay hindi ideal na physical condition.

Madalas mangyari ang pagmamanas sa mga binti, bukong-bukong (ankle), at paa. Subalit, puwede ring magkaroon ng pagmamanas sa lahat ng bahagi ng katawan. Halimabawa, kapag mayroong sakit sa puso o kaya ay pulmonya ang isang tao, puwedeng maipon ang fluid sa mga baga; tinatawag itong pulmonary edema.

Puwedeng maging panandalian lang ang pagmamanas, batay sa sanhi nito. Sa ilang pagkakataon, nagiging long-term ang pagmamanas dahil sa mga sakit na nagdudulot nito.

Ano ang mga Senyales ng Pagmamanas?

Isa sa mga pangunahing sintomas ng pagmamanas ang pamamaga o pagiging puffy ng tissue sa ilalim ng balat ng apektadong bahagi. Nagiging banat (stretched) at makintab din ang itsura ng balat.

Ilan pa sa mga senyales o sintomas ng pagmamanas ay ang mga sumusunod:

  • Mabigat na pakiramdam sa apektadong bahagi, lalo na kung nangyayari ang pagmamanas sa mga binti at paa
  • Paglubog ng balat kapag pinisil ito (pitting)
  • Bahagyang pananakit ng apektadong bahagi
  • Pamumula ng balat sa apektadong bahagi
  • Paninigas ng mga kasukasuan
  • Mababang production ng ihi

Tandaan na hindi lahat ng mga nabanggit na sintomas ay mararanasan nang sabay-sabay ng isang pasyente. Depende ito sa kung ano ang nagdulot at kung anong bahagi ng katawan ang may pagmamanas.

Ano ang mga Sanhi ng Pagmamanas?

May mga bad lifestyle habit na puwedeng magdulot ng pagmamanas, katulad ng pagkain ng masyadong maalat na mga pagkain at kakulangan sa ehersisyo. Meron ding tinatawag na dependent edema. Dulot ito ng gravity at ng kusang pagdaloy ng dugo patungo sa mga binti, bukong-bukong, at paa. Ito ay nangyayari kapag naka-upo o nakatayo ang isang tao nang matagal at hindi nagpapalit ng posisyon.

Sa mga kababaihan, puwedeng magdulot ng pagmamanas ang pagbubuntis. Ito ay dahil sadyang dumadami ang mga fluid sa katawan ng isang babae para mabigyan ng tamang nutrisyon ang kanyang katawan kasabay ng kanyang sanggol. Naiipit din ng sanggol sa loob ng sinapupunan ang mga ugat at naapektuhan ang blood flow pababa sa mga binti. May mga babae ring nagmamanas kapag malapit nang dumating ang kanilang regla o monthly period.

Bukod sa mga ito, may dalawang pangunahing sanhi ang pagmamanas: mga gamot at mga sakit. Ilan sa mga gamot na puwedeng magdulot ng pagmamanas ay ang mga sumusunod:

  • Mga steroid
  • Mga NSAID o non-steroidal anti-inflammatory drug, katulad ng ibuprofen, naproxen, at mefenamic acid
    Mga gamot para sa neuropathic pain
  • Thiazolidinedione, isang uri gamot para sa diabetes
  • Mga gamot para sa altapresyon
  • Estrogen treatments

Samantala, maraming sakit ang puwedeng maging sanhi ng pagmamanas. Kasama sa mga ito ang:

Congestive Heart Failure

Ang congestive heart failure ay isang kondisyon kung saan humihinto sa pagbomba ng dugo ang isa o parehong lower chamber ng puso. Dahil dito, nagkakaroon ng backup ng dugo sa mga binti, bukong-bukong, at paa, na siyang nagdudulot ng pagmamanas. Puwede ring magdulot pagmamanas ng tiyan ang congestive heart failure. Kung hindi ito maagapan, may posibilidad na mauwi ito sa pulmonary edema.

Kidney Damage at Sakit sa Kidney

Kapag mayroong pinsala ang mga blood vessel sa mga kidney, puwede itong magdulot ng tinatawag na nephrotic syndrome. Ito ay isang kondisyon kung saan masyadong madaming protein ang sumasama sa ihi. Kapag sumobrang baba ng dami ng protein sa dugo, nagiging dahilan ito ng pagtagas ng fluid mula sa mga daluyan ng dugo patungo sa mga kalapit na tissue.

Samantala, ang sakit sa bato o kidney disease ay nagdudulot ng kawalan ng kakayahan ng mga bato na salain ang dugo. Dahil dito, naiipon ang asin at excess fluid sa dugo na siyang nagdudulot naman ng pagmamanas.

Liver Damage

Ang cirrhosis ay puwedeng magdulot ng fluid buildup sa tiyan. Ang uri ng pagmamanas na ito ay tinatawag na ascites. Kapag hindi naagapan, puwedeng maging life-threatening ang kondisyong ito.

DVT o Deep Vein Thrombosis

Ang DVT ay isang medical condition kung saan may namumuong blood clot sa mga deep vein o iyong mga ugat na nasa ilalim ng mga tissue at muscle. Madalas mangyari ang DVT sa mga binti at isang senyales nito ang pagmamanas na may kasamang pananakit. Kailangang mabigyan kaagad ng treatment ang deep vein thrombosis dahil puwedeng maka-alpas ng blood clot at mapunta sa ibang bahagi ng katawan kung saan makapagdudulot ito ng mas malaking pinsala.

Pinsala o Damage sa mga Ugat sa Binti

Kapag mayroong pinsala ang mga ugat sa binti, hindi nakadadaloy nang maayos ang dugo at naiipon lamang sa isang lugar. Ito ang nagdudulot ng pagmamanas.

Pinsala o Damage sa Lymphatic System

Isa sa mga trabahong ginagampanan ng lymphatic system ay ang pag-drain sa lymph fluid, na siyang nagdadala ng waste product galing sa mga bacteria at virus na sinugpo ng mga white blood cell pabalik sa dugo para masala naman ito ng atay o ng mga bato. Kapag nagkaproblema ang lymphatic system, minsan ay hindi naipapadala ang lahat ng lymph fluid papunta sa bloodstream. Puwede itong mauwi sa pagmamanas na tinatawag ng lymphedema.

Ano ang mga Uri ng Pagmamanas?

May iba-ibang uri ng pagmamanas, batay sa sanhi nito at kung saang bahagi ng katawan ito nangyayari. Ilan sa mga uri ng pagmamanas ang mga sumusunod:

  • Cerebral edema o pagmamanas sa utak.
  • Macular edema o pagmamanas ng macula, ang bahagi ng mata na nagbibigay sa mga tao ng malinaw at detalyadong paningin. Ang macular edema ay madalas na komplikasyon ng diabetic retinopathy, o ang pagkapinsala ng mga mata dahil sa diabetes.
  • Periorbital edema o ang pagmamanas sa paligid ng mga mata.
  • Pulmonary edema o pagmamanas sa mga baga. Katulad ng unang nabanggit, madalas ay sanhi ng sakit sa puso o pulmonya ang kondisyong ito. Kailangang mabigyan kaagad ng medical attention ang pulmonary edema dahil kapag hindi naagapan, puwedeng mauwi ito sa respiratory failure at pagkamatay ng pasyente.
  • Peripheral edema o pagmamanas ng mga binti, bukong-bukong, paa, braso, at kamay.

Mayroon ding iba-ibang “grade” o antas ang pagmamanas, batay sa kung gaano ito kalubha (gaano karami ang naipong fluid). Para malaman kung ano ang grade ng iyong pagmamanas, pipisilin o pipindutin ng doktor ang bahaging nagmamanas. Pagkatapos, susukatin kung gaano kalalim ang pit o ang paglubog at babantayan kung gaano katagal bago bumalik sa dating itsura ang apektadong bahagi.

Ang mga antas ng pagmamanas ay nahahati sa apat:

  • Grade 1. Ang grade 1 edema ay nagdudulot ng 2 mm na paglubog ng apektadong bahagi na kaagad bumabalik sa dating posisyon.
  • Grade 2. Kapag may grade 2 edema ang pasyente, ibig sabihin ay 3 hanggang 4 mm ang pit at aabot sa hanggang 15 segundo ang panunumbalik ng dating itsura ng balat pagkatapos itong pisilin o pindutin.
  • Grade 3. Ang grade 3 edema ay nagdudulot ng hanggang 6 mm na paglubog na nawawala sa loob ng isang minuto.
  • Grade 4. Ang grade 4 edema ang pinakamataas na antas ng pagmamanas, kung saan aabot ng hanggang 8 mm ang paglubog at hanggang sa 3 minuto ang pag-rebound o panunumbalik ng itsura nito.

Paano Ginagamot ang Pagmamanas?

Batay sa sanhi ng pagmamanas, may iba-ibang puwedeng treatment. Isa na rito ang paggamit ng diuretics o mga gamot na nagpapabilis at nagpaparami sa urine production ng mga bato. Samantala, kung and edema ay dulot ng iba pang sakit, kailangang magamot muna ito para kasabay na mawala ang pagmamanas.

Para sa mga kaso ng pagmamanas na minor o temporary lamang, puwedeng gumamit ng compression garment para mapigilan ang paglobo ng apektadong bahagi.

Samantala, maraming mga lifestyle habit ang puwedeng gawin para maiwasan o mabawasan ang pagmamanas. Kasama na rito ang:

  • Pagbabawas sa dami ng asin at sodium sa pagkain
  • Pag-eehersisyo para mapaganda ang blood circulation
  • Pag-stretch o pag-iiba ng posisyon kung matagal na nakaupo o nakatayo
  • Paggamit ng footrest kapag nakaupo o paglalagay ng unan sa ilalim ng mga binti para mapanatiling naka-elevate ang mga paa

Ano ang Posibleng Komplikasyon ng Pagmamanas?

Sa maraming pagkakataon, nawawalang kusa ang pagmamanas kapag natapos na ang kondisyong nagdudulot nito. Halimbawa, sa mga babaeng buntis, humuhupa rin kaagad ang pagmamanas kapang nakapanganak na siya.

Subalit, mayroon ding mga kaso ng pagmamanas na puwedeng mauwi sa mga komplikasyon kapag hindi naagapan. Ilan sa mga komplikasyong ito ang mga sumusunod:

  • Pagkabanat ng balat na puwedeng magdulot ng pangangati
  • Paninigas ng mga apektadong bahagi
  • Pananakit ng nagmamanas na bahagi ng katawan
  • Hindi magandang daloy ng dugo
  • Pagtaas ng risk ng pagkakaroon ng impeksyon sa apektadong bahagi
  • Pagkakaroon ng peklat o scarring sa mga tissue at muscle

Mahalaga ring tandaan ang mga sitwasyon ng pagmamanas na nangangailangan ng emergency medical attention. Magpunta kaagad sa ospital kung nararanasan ang mga sumusunod kasabay ng pagmamanas:

  • Pagkakaroon ng sugat sa namamagang bahagi
  • Pananakit at pag-iiba ng kulay ng apektadong bahagi
  • Pagkakaroon ng problema o kahirapan sa pagkilos
  • Kakapusan ng hininga

Gayudnin, magpakonsulta sa doktor kung nakakaranas ng pagmamanas na hindi alam ang sanhi o kaya ay pagmamanas na lumulubha sa paglipas ng panahon. Kapag nabigyan na ng tamang diagnosis ang kondisyon, mabibigyan kaagad ng tamang treatment ang kondisyong nagdudulot ng pagmamanas para hindi na ito lumala.

Mga Sanggunian