Ano ang Pamamaga ng Mata (Eye Inflammation)?
Bata man o matanda ay puwedeng makaranas ng pamamaga ng mata o eye inflammation. Ito ay isang uri ng reaksyon ng mga mata kapag ang mga ito ay nairita, napinsala, o nagkaroon ng impeksyon. Puwede rin itong sintomas ng alerhiya, mga eye inflammatory disease, at mga autoimmune disorder.
Kung may pamamaga ng mata, puwedeng makaranas ang pasyente ng iba pang mga sintomas, gaya ng pamumula ng mata, pananakit ng mata, paglabo ng paningin, at pagiging masyadong sensitibo sa liwanag (increased light sensitivity).
Ayon sa mga doktor, ang pamamaga ng mata ay isang nagagamot na kondisyon. Subalit, ang paggaling nito ay nakadepende sa sanhi at kung gaano ito kalubha. Kadalasan, nawawala ang pamamaga ng mata kapag uminom ng mga niresetang antibiotic o antihistamine, pagpatak ng mga antiviral o antifungal drop, at iba pa.
Mga Posibleng Sanhi ng Pamamaga ng Mata
Upang magamot nang maayos ang namamagang mata, kailangan munang matukoy ang sanhi nito. Ilan sa mga posibleng sanhi ng pamamaga ng mata ay ang mga sumusunod:
- Pinsala o injury sa mata. Kung ang mata ay nagtamo ng pinsala sa sports, aksidente, o pagtusok ng kung anumang bagay, ito ay mamamaga. Bukod sa pamamaga, ang pasyente ay makararanas din ng pananakit o maging ng pagdurugo ng mata depende na rin sa tindi ng natamong pinsala.
- Alerhiya o iritasyon. Isa rin sa pangunahing sanhi ng pamamaga ng mata ay ang pag-trigger ng alerhiya. Kung allergic ang isang tao sa alikabok, pollen, mga balahibo ng hayop, maging ang buhok o balakubak ng tao, puwedeng mamaga ang mata kapag nadikitan ito.
- Mga eye inflammatory disease. Kung namamaga ang mata, posible ring ito ay sintomas ng isang uri ng eye inflammatory disease, gaya ng mga sumusunod:
- Uveitis. Ang uveitis ay ang pamamaga ng uvea. Ang uvea ay ang anumang may-kulay na bahagi ng mata na kung saan ay kinabibilangan ng iris, choroid, at ciliary body. Kung may uveitis ang isang tao, puwedeng mamaga ang isa o dalawang mga mata nito. Ito ay maaaring dahil sa impeksyon, pinsala, o kaya naman ay mga autoimmune disorder.
- Keratitis. Ang keratitis ay kilala rin sa tawag na corneal ulcer. Sa ganitong kondisyon, namamaga ang cornea ng isang tao. Puwedeng ito ay dulot ng impeksyon na hatid ng mga bacteria, virus, fungi, o parasitiko. Ang cornea ay ang transparent na bahagi ng mata na nagsisilbing bintana at taga-kontrol ng ilaw na pumapasok sa mata.
- Sore eyes o conjunctivitis. Ang pamamaga ng mata ay puwede ring indikasyon ng conjunctivitis (sore eyes o pink eye). Ang conjunctivitis ay isa sa mga pangkaraniwang kondisyon na nakaaapekto sa mga mata na kung saan ang conjunctiva nito ay namamaga. Kapag naapektuhan ng ganitong kondisyon, bahagyang nagiging kulay pink o pula ang puting bahagi ng mata. Bukod dito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pangangati, panghahapdi, pagluluha, at pagmumuta ng mata.
- Thyroid eye disease. Ang thyroid eye disease ay kilala rin sa tawag na Graves’ eye disease. Dahil sa napaka-aktibong thyroid gland, nagkakaroon ng labis na muscle tissue at taba sa likod ng mata na nagreresulta sa pamamaga.
- Kuliti. Puwede ring magdulot ng pamamaga ng mata ang pagkakaroon ng kuliti o stye. Sa kondisyong ito, ang gilid ng talukap ng mata ay nagkakaroon ng maliit at mapulang bukol na posibleng naglalaman ng nana. Kaya nagkakaroon ng kuliti dahil ang mga oil gland sa gilid ng talukap ay nababarahan at naiipunan ng mga bacteria.
- Blepharitis. Ang blepharitis ay parang kuliti. Pero ang kaibahan nito sa kuliti ay buong talukap ang namamaga. Sa kuliti kasi, parang nagkaroon lang ng tagihawat sa gilid ng talukap. Bukod sa pamamaga ng buong talukap, puwede ring manuyo ang talukap at magkaroon ng mga nanunuklap na balat kapag mayroong blepharitis.
- Dry eye syndrome. May mga tao naman na sadyang hindi mamasa-masa ang kanilang mga mata. Dahil dito, nagkakaroon sila ng dry eye syndrome na kung saan ang mga mata ay nanunuyo, nangangati, humahapdi, naiirita, namumula, namamaga, at iba pa. Kung hindi magagamot, puwedeng magkaroon ng permanenteng sugat ang unahan ng mga mata.
- Endophthalmitis. Sa endophthalmitis, ang mismong loob ng mga mata ay namamaga dulot ng impeksyon na hatid ng mga bacteria o fungi. Kagaya ng ibang mga uri ng eye inflammatory disease, puwedeng magkaroon ang pasyente ng pamamaga ng talukap, pagiging sensitibo sa liwanag, at pagkakaroon ng nana.
- Iritis. Puwede ring maging sanhi ng pamamaga ng mata ang iritis. Sa kondisyong ito, ang iris naman ng mata ang naaapektuhan. Ang iris ay ang may-kulay na bahagi ng mata at parte rin ito ng uvea. Ang karaniwang sanhi ng kondisyong ito ay traumatic injury at mga infectious disease.
- Iba pang mga sakit sa mata. Bukod sa mga eye inflammatory disease, ang pamamaga ng mata ay puwede ring sintomas ng mas malubhang mga sakit sa mata, gaya ng mga sumusunod:
- Orbital cellulitis. Ang orbital cellulitis ay isang uri ng seryosong kondisyon sa mata. Kapag naapektuhan ng sakit na ito, ang orbital ng mata ay nagkakaroon ng impeksyon sa mga soft tissue at taba nito na puwedeng magdulot ng pamamaga, pagkabulag, pagkabingi, meningitis, sepsis, at pagkakaroon ng nana sa utak.
- Corneal abrasion. Sa corneal abrasion, ang cornea ng mata ay nasugatan o may pinsala. Dahil mayroong sugat ang cornea, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon ang mata at magresulta sa paglabo ng paningin, matinding pananakit ng mata, at
- Mga autoimmune disease. Puwede ring sintomas ng isang uri ng autoimmune disease ang pamamaga ng mata. Halimbawa ng mga autoimmune disease na maaaring makaapekto rin sa mata ay ang mga sumusunod:
- Rheumatoid arthritis. Bagama’t mga buto at kasu-kasuan ang pinaka-naaapektuhang bahagi ng rheumatoid arthritis, puwede rin nitong maapektuhan ang mga mata. Ang mga mata kasi ay may tissue na katulad ng matatagpuan sa mga kasu-kasuan, kaya naman posible rin itong mamaga kapag ang pasyente ay may rayuma.
- Sjogren’s syndrome. Ang Sjogren’s syndrome ay isang uri ng chronic autoimmune disease na kung saan ay naaapektuhan ang mga gland ng katawan na nagpapanatili ng moisture ng mga mata, bibig, at iba pang mga bahagi. Dahil sa kondisyong ito, ang pasyente ay puwedeng makaranas ng panunuyo ng mata at pamamaga.
- Multiple sclerosis. Ang multiple sclerosis ay isang kondisyon na nakaaapekto sa utak, spinal cord, at optic nerve ng mata. Kaya naman kadalasan, ang pasyenteng mayroong multiple sclerosis ay nakararanas din ng pamamaga ng mata.
- Reiter’s disease. Ang Reiter’s disease ay isa ring uri ng autoimmune arthritis. Isa itong inflammatory arthritis nagdudulot ng pamamaga sa mga kasu-kasuan, mata, at maging sa daluyan ng ihi.
Mga Komplikasyon ng Pamamaga ng Mata
Kung hindi agad magagamot ang pamamaga ng mata, puwede itong magdulot ng iba’t ibang mga komplikasyon kagaya ng mga sumusunod:
- Retinal swelling o macular edema
- Retina scarring
- Glaucoma
- Katarata
- Optic nerve damage
- Retinal detachment
- Permanenteng pagkawala ng paningin
Upang hindi lumala ang pamamaga ng mata at magdulot ng iba’t ibang mga komplikasyon, agad na magpakonsulta sa doktor na opthalmologist upang mabigyan ng wastong diagnosis at karampatang lunas.