Ano ang Pamumula ng Mata?

Ang pamumula ng mata ay nangyayari kapag namamaga o naiirita ang mga ugat sa isa o parehong mata. Dahil dito, namumuo o naiipon ang dugo sa mga nasabing ugat. Madalas na walang dulot na pananakit ang pamumula ng mata. Karagdagan pa, puwede itong humupa sa loob lamang ng ilang oras o hanggang dalawang araw.

Subalit, dapat ding tandaan na mayroong mga pagkakataong ang pamumula ng mata ay isang indikasyon ng pagkakaroon ng malubhang sakit. Kung may kasamang mga sumusunod na sintomas ang pamumula ng mata, agad na kumonsulta sa doktor upang malaman kung ano ang tunay na sanhi nito at mabigyan kaagad ito ng lunas:

  • Pananakit
  • Paghapdi o iyong tinatawag na burning sensation
  • Pangangati
  • Labis na pagkatuyo ng isa o parehong mata
  • Pagluluha
  • Paglabo ng paningin
  • Mabilis na pagkasilaw o pagiging sensitibo sa liwanag

Mga Posibleng Sanhi ng Pamumula ng Mata

Maraming puwedeng sanhi ng pamumula ng mata. Halimbawa, kung ikaw ay nagtatrabaho sa harap ng isang computer sa loob ng mahabang oras, maaaring mamula ang iyong mga mata dahil sa eye fatigue. Gayundin, kung ikaw ay nagsusuot ng contact lens buong araw, puwede itong magdulot ng iritasyon at pangagati ng mga mata. Posible ring dulot ng alerhiya ang pamumula ng mata, kasabay ng ilan pang sintomas na tulad ng sunud-sunod na pagbahing o pag-ubo.

Puwede ring maging sanhi ng pamumula ng mata ang iba-ibang mga salik sa kapaligiran. Ang tuyong hangin, labis na init ng araw, alikabok, buhok ng mga hayop, usok ng sigarilyo, at pollen mula sa mga bulaklak ay ilan lamang sa mga bagay na maaaring magdulot nito.

Gayundin, ang mga taong gumagamit ng drogang tulad ng marijuana ay madalas makaranas ng pamumula ng mata, lalo na kung matagal na silang gumagamit nito. Ang labis na pag-inom ng alak ay dahilan rin ng pamumula ng mata, lalo na kapag naramdaman na ang epekto ng hangover.

Puwede ring mamula ang mata kung mayroong injury o pinsalang nangyari sa mata o sa mga bahaging malapit rito. Halimbawa, kung ikaw ay aktibo sa sports o martial arts, maraming pangyayari o bagay ang puwedeng magdulot ng injury sa ulo na siya namang nagiging isang sanhi ng pamumula ng mata.

Panghuli at tulad ng unang nabanggit, ang pamumula ng mata ay maaaring indikasyon ng pagkakaroon ng ibang sakit. Isa na rito ang conjuctivitis o mas kilala sa Pilipinas bilang “sore eyes” (at sa Estados Unidos at ibang bansa naman bilang “pink eye”).

Mga Sakit na Kaakibat ng Pamumula ng Mata

Image Source: www.freepik.com

Maliban sa sore eyes, marami pang ibang uri ng sakit ang maaaring magdulot ng pamumula ng mata. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga sakit na ito:

Blepharitis

Ang blepharitis ay isang uri ng sakit sa mata kung saan namamaga ang mga follicle ng pilikmata dahil sa pagbabara ng oil glands. Ilan sa mga sintomas ng blepharitis, bukod sa pamumula ng mata, ay ang paghapdi ng mata, pamamaga ng talukap, pagbabalat ng talukap, at pangangati o panunuyo ng mata.

Kadalasan, ang blepharitis ay dulot ng maling paglalagay at hindi pagtanggal ng makeup sa mata. Puwede ring magdulot ng blepharitis ang maliliit na organismong tinatawag na ocular demodicosis, na likas na naninirahan sa balat ng tao.

Corneal Ulcer

Ang cornea ay parang isang malinaw na salamin na tumatakip sa harap na bahagi ng mata. Tumutulong ang bahaging ito sa pag-focus ng liwanag para sa malinaw na paningin at sa pagtutok ng paningin sa isang bagay.

Kapag nagkaroon ng impeksyon o ulcer ang cornea, maihahalintulad ito sa pagkakaroon ng singaw sa bibig. Ang pamumula ng mata kapag may corneal ulcer ay senyales ng paglaban ng mga cell ng katawan sa impeksyon.

Kadalasang sanhi ng sakit na ito ay ang pagkakaroon ng maliliit na mga sugat o injury sa mata o malapit sa mata. Ang matagal o hindi wastong pagsusuot ng contact lens ay maaari ring magdulot ng corneal ulcer dahil sa pagkagasgas ng cornea. Kailangang maagapan kaagad ang corneal ulcer. Kung hindi, puwede itong maging sanhi ng paglabo ng paningin o pagkabulag.

Uveitis

Ang uvea ay ang panggitnang suson o layer ng mata na matatagpuan sa ilalim ng sclera (ang puting bahagi ng mata). Maraming ginagampanan ang uvea para sa paningin, kasama na ang pagsasaayos ng tamang antas ng liwanag upang makita nang maayos at sa tamang layo ang mga bagay.

Kapag namaga ang uvea, tinatawag itong uveitis. Maaari itong magdulot ng pamumula at pananakit ng mata, panlalabo ng paningin, at pagiging sensitibo sa liwanag. Tulad ng corneal ulcer at iba pang sakit sa mata, kailangang magamot agad ang uveitis upang hindi tuluyang masira ang paningin ng pasyente.

Acute Glaucoma

Ang acute glaucoma o tinatawag ring chronic glaucoma ay dulot ng pagtaas ng presyon sa mata dahil sa naiipong likidong tinatawag na aqueous humor, na siyang nagdadala ng nutrisyon sa mga mata. Kapag nagkaroon ng pagbabara sa mga daluyan o canals sa mata, hindi nailalabas ang sobrang aqueous humor. Dahil dito, unti-unting naiipon ang likido at tumataas ang presyon sa mata.

Ang glaucoma ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkabulag sa buong mundo, sumunod lamang sa katarata. Ang masama pa rito ay dahil unti-unti ang pagtaas ng presyon sa mata, hindi kaagad napapansin ng mga pasyente na sila pala ay mayroong glaucoma.

Kasama sa mga sintomas ng glaucoma ang pamumula ng mata, pati na rin ang pananakit ng mata na may kasabay na pagkahilo at pagsusuka. Puwede ring makaranas ang pasyente ng panlalabo ng paningin at makapansin ng mga sinag na pumapaligid sa mga ilaw. Tandaan din na namamana ang glaucoma. Kaya naman dapat magpatingin agad sa doktor ang mga taong mayroong kapamilyang mayroong ganitong sakit.

Kuliti

Isang uri ng impeksyon sa mata ang kuliti o stye. Bunga ito ng staphylococcus bacteria, na nagdutulot ng maliit na butlig, bukol, o umbok sa itaas o ibabang talukap ng mata. Ang mga bukol na ito ay may lamang nana, at maaring magdulot ng pangangati, pananakit, at pamumula ng mata. Puwede rin itong maging sanhi ng pagluluha.

Ang magandang balita tungkol sa kuliti ay hindi ito seryosong kondisyon. Kusa itong gagaling kahit walang gamot basta’t tiyakin lamang ang araw-araw na paglilinis. Gayunpaman, mayroon din namang mga antibiotic drops o cream na puwedeng ilagay sa mata o mismong sa kuliti.

Episcleritis at Scleritis

Ang sakit na episcleritis ay sanhi ng pamamaga ng mga tissue sa pagitan ng conjunctiva at ng sclera. Nagdudulot ang sakit na ito ng pamamaga ng mata, kasabay ng bahagyang pananakit at pamumula ng mata.

Ang scleritis naman ay isang mas malala at mas malalim na pamamaga sa mismong sclera ng mata. Mas matindi ang pamumulang dulot ng sakit na ito kumpara sa episcleritis. Madalas na kaakibat ng mga autoimmune na sakit ang scleritis, kung kaya naman madalas na ipinanggagamot dito ang mga pamatak sa mata na may steroids at iba pang mga anti-inflammatory na gamot.

Rheumatoid Arthritis

Madalas isipin ng karamihan na ang mga sintomas ng rheumatoid arthritis ay nakikita o nararamdaman lamang sa mga buto at kasu-kasuan. Subalit, may mga pagkakataon rin na sumasakit at namumula ang mga mata ng mga pasyenteng mayroong rayuma. Minsan, nanunuyo rin ang mga mata ng pasyente.

Kung kaya naman, kung ikaw ay mayroong rheumatoid arthritis at nakaramdam ng pananakit at pamumula ng mata, magpakonsulta agad sa doktor. Sa gayon, maagapan agad ang mga posibleng komplikasyon.

Ano ang Maaaring Maging Komplikasyon ng Pamumula ng Mata?

Image Source: www.freepik.com

Tulad ng unang nabanggit, maraming pagkakataong wala namang malubhang ibig sabihin ang pamumula ng mata, lalo na kung wala itong kasamang pananakit. Subalit, kung may ibang dahilan ang pamumula ng mata, gaya na lamang ng mga sakit na nabanggit sa itaas, puwedeng magdulot ito ng permanenteng pagkabulag o pagkasira ng paningin.

Tiyaking magpakonsulta sa doktor kung hindi kusang nawala ang pamumula ng mata sa loob ng dalawang araw.

Sanggunian: