Ano ang Pananakit ng Balakang (Hip Pain)?

Ang pananakit ng balakang o hip pain ay isang pangkaraniwang kondisyon na puwedeng makaapekto sa mga matatanda at maging sa mga bata. Sa kondisyong ito, hindi lamang balakang ang puwedeng manakit. Maging ang mga kalapit na bahagi ng balakang kagaya ng puwetan, ibabang bahagi ng likod, hita, singit, at mga tuhod ay puwede ring maapektuhan. Bukod dito, ang pasyente ay maaaring magkaroon ng pamamaga ng balakang at makaranas ng problema sa paglalakad.

Ang karaniwang sanhi ng pananakit ng balakang ay rayuma, injury sa balakang, problema sa likod, pagkabali ng buto ng hita, pagkapunit o pagkabugbog na muscle o kalamnan, mga inflammatory condition, impeksyon, naipit na mga nerve o ugat, at iba pa.

Ang gamot sa pananakit ng balakang ito ay nababatay sa sanhi nito. Ang mga simpleng pananakit ay puwedeng malunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga pain reliever, anti-inflammatory drug, at antibiotic. Maaari ring magbigay ang doktor ng steroid injection kung kinakailangan. Makatutulong rin ang pagmasahe sa mga apektadong bahagi gayundin ang pag-eehersisyo upang mabawasan ang pananakit. Sa ibang mga kaso naman, ang pasyente ay nangangailangang sumailalim sa physiotherapy o occupational therapy.

Mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Balakang

Maraming mga posibleng sanhi ng pananakit ng balakang at kabilang dito ang mga sumusunod:

Rayuma. Ang rayuma ay mayroong iba-ibang mga uri subalit, ang pinakalaganap na mga uri nito ay osteoarthritis at rheumatoid arthritis. Sa mga kondisyong ito, ang pasyente ay nakararanas ng pamamaga ng hip joint at pagnipis ng mga cartilage ng mga hip bone. Dahil sa mga ito, ang pasyenteng may osteoarthritis at rheumatoid arthritis ay nakararamdam ng pananakit sa balakang at nahihirapang kumilos.

Pinsala o injury. Puwede ring magkaroon ng pananakit ng balakang kung ang pasyente ay nadapa, nahulog, o nauntog at natamaan ang balakang. Kung hindi naman nabali ang mga buto ng apektadong bahagi, mabilis namang mawala ang pananakit na dulot ng ganitong injury.

Pagkakaroon ng problema sa likod. Puwedeng manakit ang balakang kung nananakit ang likod dahil magkarugtong ang mga bahaging ito ng katawan. Ilan sa mga dahilan ng pananakit ng likod ay ang biglaang pagbuhat ng mabigat na bagay o kaya naman ay hindi magandang postura.

Pagkabali ng mga buto ng hita. Isa rin sa mga sanhi ng pananakit ng balakang ang pagkakaroon ng fracture o pagkabali ng mga buto ng hita. Puwedeng mabali ang mga buto dahil sa matinding pagkakahulog o kaya ay aksidente sa kalsada. Upang mawala ang pananakit ng balakang, kailangan munang maayos ang nabaling mga buto ng hita sa pamamagitan ng operasyon, external fixation, physical therapy, at iba pa.

Pagkakaroon ng muscle straine. Ang mga muscle o kalamnan sa balakang ay puwedeng mapunit o mabugbog dahil sa madalas at labis na paggamit. Isa sa mga pangunahing sanhi ng muscle strain sa balakang ay mga sports injury kung saan nabubugbog nang husto ang mga kalamnan. Puwede ring magdulot ng pananakit kung nabangga o kaya naman ay napabigla ang pag-unat ng mga muscle.

Impeksyon. Puwedeng manakit ang balakang kung ang mga buto o hip joint nito ay napasukan ng mga bacteria at virus. Ayon sa mga pag-aaral, ang Staphylococcus aureus ay ang pangunahing uri ng bacteria na nagdudulot ng joint infection lalo na sa mga bata. Kung mapabayaan ang impeksyon, puwedeng magresulta ito sa mga malubhang komplikasyon, katulad ng joint degeneration at joint dislocation.

Naipit na mga nerve. Kung minsan, ang pananakit ng balakang ay dulot ng naipit na mga nerve sa mismong balakang o sa mga kalapit na bahagi. Kasama sa mga karaniwang dahilan ng pagkaipit ng mga nerve o ugat ang matagal na pag-upo, pagiging buntis, at labis ang katabaan.

Mga Sakit na Kaakibat ng Pananakit ng Balakang

Ang pananakit ng balakang ay puwede ring senyales ng isang karamdaman, katulad ng mga sumusunod:

Rayuma. Ang rayuma ay puwedeng makaapekto sa mga bata at matanda. Subalit, mas karaniwan ito sa mga taong may edad na. Ito ay dahil ang mga hip joint ay gamit na gamit na pagsapit ng advanced age at numinipis na rin ang mga cartilage nito.

Bursitis. Sa loob ng mga hip joint ay mayroong tinatawag na mga bursae. Para itong mga supot na naglalaman ng likido at nagsisilbing kutson ng mga joint. Kapag ang mga bahaging ito ay nairita at namaga, puwedeng magkaroon ng bursitis at manakit ang balakang.

Tendinitis. Sa tendinitis naman, ang mga tendon ang nagkaroon ng pamamaga. Ang mga tendon o litid isang uri ng tissue na siyang nagkakabit ng mga muscle sa mga buto. Maaaring magkaroon ng tendinitis kapag ang mga tendon ay nabugbog dahil sa labis at paulit-ulit na paggamit.

Developmental dysplasia of the hip (DDH). Ang DDH ay sakit na namamana. Sa kondisyong ito, ang sanggol ay ipinanganak ng may mababaw na hip socket kaya naman ang hip joint ay natatanggal at hindi napipirmi sa isang lugar. Sa paglaki ng bata, puwede itong magdulot ng chronic o paulit-ulit na pananakit ng balakang.

Perthes disease. Ang Perthes disease ay isang uri ng sakit sa balakang na nakaaapekto sa mga batang may edad na 6 hanggang 10 taon. Sa kondisyong ito, paminsan-minsang nawawalan ng dugo ang ulo ng buto ng hita. Dahil sa kakulangan ng dugo, ang ulo ng buto ng hita ay nagiging marupok at naiiba ang hugis kalaunan. Dahil sa iba na ang hugis nito, hindi na ito tugma sa hip joint at nagdudulot ng pananakit ng balakang.

Kanser. Sa ibang mga kaso naman, ang pananakit ng balakang ay sintomas na pala ng kanser. Kapag ang mga tumor ay kumalat hanggang sa hip joint, tiyak na makararanas ng pananakit ng balakang. Upang mawala ang pananakit, kailangang sumailalim ang pasyente sa iba’t ibang uri ng cancer treatment katulad ng chemotherapy, radiation therapy, at iba pa.

Kadalasan, ang pananakit ng balakang ay puwedeng mawala sa pag-inom ng pain reliever at pagmamasahe. Subalit, agad na magpakonsulta sa doktor kung nakararanas ng mga sumusunod:

  • Pagsakit ng balakang sa hindi malamang dahilan
  • Labis at hindi nawawalang pananakit ng balakang kahit uminom na ng pain reliever
  • Pananakit ng balakang kahit nakahiga lamang o walang ginagawa
  • Hirap sa paggalaw ng balakang at mga paa
  • Hindi makayanan ang sakit kapag nilalagyan ng bigat ang balakang
  • May naririnig na tunog o pagputok sa balakang habang iginagalaw
  • Pagkakawala ng porma o normal na hugis ng balakang
  • Pagdurugo ng balakang at mga kalapit na bahagi
  • Pamamaga ng balakang at mainit-init kapag hinawakan

Ang mga nabanggit ay puwedeng senyales na ng mas malubhang kondisyon. Kung ipagsasawalang-bahala lamang ang nararamdaman, puwede itong magresulta sa mga komplikasyon gaya ng permanenteng pagkapinsala ng balakang, hip joint dislocation, pagkalumpo, at iba pa.

Sanggunian: