Ano ang Pananakit ng Balikat?

Ang mga balikat ay isa sa mga pinakamalaking kasukasuan (joint) sa katawan. Dito nagdurugtong ang humerus o ang buto ng pang-itaas na braso (upper arm) at ang scapula o shoulder blade.

Hindi katulad ng ibang mga kasukasuan, may kaluwagan ang pagkakadugtong ng humerus sa scapula. Ito ang nagbibigay sa mga balikat at braso ng malaki at malawak na range of motion. Subalit, ito rin ang dahilan kung bakit madaling magkaroon ng pinsala o injury ang mga balikat na nagdudulot ng pamamaga, pananakit, dislocation, at iba pa.

Ano ang mga Sanhi ng Pananakit ng Balikat?

Maraming iba-ibang bahagi ang mga balikat. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Scapula o shoulder blade. Ang scapula ay isang hugis tatsulok na buto. Nakadikit ito sa kabuuan ng kalansay sa pamamagitan ng mga muscle, at sa clavicle sa pamamagitan ng isang maliit na nakausling bahagi na tinatawag na acromion.
  • Humerus. Ang humerus ang buto ng pang-itaas na braso, sa pagitan ng siko at balikat. Nakakabit ang itaas na dulo ng humerus sa scapula sa pamamagitan ng glenoid, isang tila bokilya o socket. Sa loob ng glenoid ay mayroong cartilage na tinatawag na labrum, na siyang sumasalo sa humerus upang hindi ito kumiskis sa scapula.
  • Clavicle o collar bone. Ito ang butong nagdurugtong sa pang-itaas na braso papunta sa dibdib.
  • Rotator cuff. Ang rotator cuff ay binubuo ng mga muscle at cartilage. Pinapalibutan at sinusuportahan nito ang mga balikat.
  • Bursa. Ang mga bursa ay mga maliliit na bag ng likido na nagsisilbing proteksyon para sa rotator cuff.

Kapag nagkaroon ng injury ang alinman sa mga bahagi ng balikat, pwede itong magdulot ng pananakit. Kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pananakit ng balikat ang mga sumusunod:

  • Mga sports injury
  • Manual labor
  • Repetitive motion
  • Madalas na pagdadala ng mabigat na bag
  • Bursitis, o ang pamamaga ng mga bursa dahil sa sobrang paggamit ng mga balikat
  • Tendinitis, o ang pamamaga ng mga tendon (litid) sa balikat
  • Capsulitis, na tinatawag ding frozen shoulder, kung saan naninigas ang mga balikat
  • Pagkapunit ng mga tendon, cartilage, at rotator cuff
  • Pagkabali (fracture) ng buto sa balikat
  • Pagka-dislocate o pagkawala sa posisyon ng mga buto sa balikat
  • Arthritis sa balikat
  • Hindi magandang postura habang nakaupo
  • Hindi magandang posisyon kapag natutulog
  • Pagkaka-ipit ng ugat

Meron ding tinatawag na referred pain sa balikat, kung saan hindi ang mismong mga balikat ang masakit. Sa halip, may ibang bahagi ng katawan ang nakararanas ng pananakit at kumakalat o umaabot lamang ito sa mga balikat.

Ilan sa mga kondisyon o sakit na maaaring magdulot ng referred pain sa mga balikat ay ang:

  • Iba-ibang sakit sa baga, katulad ng pneumonia. Maliban sa mga balikat, puwede ring maramdaman ang referred pain na dulot ng mga sakit sa baga sa leeg, kilikili, at mga braso.
  • Iba-ibang mga sakit sa puso, katulad ng angina (kakulangan ng blood flow patungo sa puso) at atake sa puso.
  • Mga kondisyon sa digestive at reproductive system, katulad ng pancreatitis o kaya ay ovarian cyst.

Panghuli, puwede ring makaramdam ng tinatawag na phantom pain sa balikat kung na-amputate ang isa o parehong braso.

Ano ang Gamot sa Pananakit ng Balikat?

Ang gamot sa pananakit ng balikat ay nakabatay sa kung ano ang sanhi nito. Halimbawa, sa mga kaso ng chronic disease na katulad ng arthritis, kailangang patuloy na uminom ng maintenance medication upang ma-control ang pananakit. Samantala, ang mga fracture naman sa balikat ay puwedeng gumaling nang kusa sa loob ng 6 hanggang 12 na linggo kung hairline o simple fracture lamang ito. Kailangan naman ng surgery ng mga complete fracture, o iyong uri ng pagkabali ng buto kung saan nahati ang buto sa dalawa o higit pang bahagi.

Kung mga minor injury naman ang nagdulot ng pananakit ng balikat, maraming home remedy ang puwedeng gawin. Para sa muscle strain, mainam na ipahinga ang apektadong bahagi. Mabisa rin ang paglalagay ng yelo o cold compress sa apektadong bahagi nang hanggang 15 minuto, 3 hanggang 4 beses sa isang araw sa loob ng hanggang 3 araw. Kung yelo ang gagamitin, ibalot ito sa tuwalya o tela upang hindi madulot ng frostbite. Puwede ring uminom ng mga over the counter pain relievers, katulad ng ibuprofen, paracetamol, at mefenamic acid upang mabawasan ang pananakit.

Malaki rin ang maitutulong ng pagmamasahe at physical therapy upang maibalik ang dating range of motion ng mga balikat. Siguraduhin lamang na tama ang pressure sa pagmamasahe, upang hindi lalong mabugbog ang mga muscle. Gayundin, dapat ay dahan-dahanin ang pagpapanumbalik sa mga dating gawain upang hindi mabigla ang mga muscle at kasukasuan.

Samantala, pagdating sa mga sitwasyong nakalista sa ibaba, mas mabuting pumunta kaagad sa ospital o magpakonsulta sa doktor upang malaman ang tunay na sanhi ng pananakit ng balikat.

  • Pananakit ng balikat na may kasamang pamamaga at lagnat
  • Pananakit ng balikat na tumatagal nang higit sa 4 linggo, kahit na ginagamitan ng gamot at home remedies
  • Pamumula o pangangasul ng balat sa apektadong bahagi
  • Kahirapan sa paghinga o matinding paninikip ng dibdib
  • Pananakit ng leeg at panga
  • Biglaang pananakit ng balikat na hindi matukoy ang tunay na sanhi
  • Injury sa balikat na nagdudulot ng pagdurugo at pagkalantad (expose) ng laman

Hadlang sa napakaraming gawain ang pananakit ng balikat. Puwede rin itong maging senyales ng iba pang health condition. Kung kaya naman, mabuting alamin kaagad ang sanhi nito upang hindi magdulot ng mas malaking problema sa kalusugan at pang-araw-araw na buhay.

Sanggunian: