Ano ang Pananakit ng Daliri?

Ang pananakit ng daliri ay isang pangkaraniwang kondisyon. Kadalasan, ito ay sanhi ng mga pinsala sa kamay, katulad ng nabaling daliri, mga sugat, o nasirang kuko. Maaari rin itong sanhi ng isang karamdaman, katulad ng osteoarthritis, rheumatoid arthritis, at carpal tunnel syndrome.

Iba-iba ang pakiramdam ng pananakit ng daliri. Halimbawa nito ang pagpintig (throbbing pain) at pamumulikat (cramps); puwede ring mamaga ang masakit na daliri. Gayundin, maaaring maranasan ang mga nabanggit na sintomas sa alinmang daliri, kabilang ang hinlalaki. Kapag hindi natugunan ang pananakit ng daliri, maaari itong makaapekto sa maayos na pagkilos ng kamay at sa mga pang-araw-araw na gawain.

Sa kabutihang palad, ang karamihan sa mga kaso ng pananakit ng daliri ay hindi malubha at kusang nawawala sa paglipas ng panahon. Gayunpaman, ang hindi maipaliwanag na pananakit ng daliri ay maaaring maging senyales ng mas malubhang kondisyon.

Maaaring mabawasan ang pananakit at pamamaga ng daliri sa tulong ng pag-inom ng over-the-counter (OTC) medications, katulad ng ibuprofen, naproxen, at acetaminophen. Gayunpaman, dapat iwasan ng mga taong may nabali o nalinsad (dislocated) na daliri ang labis na paggalaw ng kanilang kamay at agarang pumunta sa ospital upang maisayaos ang nabaling buto at lagyan ito ng cast.

Ano ang mga Uri ng Pananakit ng Daliri?

Ang pananakit ng daliri ay maaaring maging mahapdi, matalim (sharp pain), o namumulikat. Maaari rin itong magsimula nang biglaan, dahan-dahang lumala, mawala nang mabilis, o tumagal ng ilang buwan o taon. Ang sumusunod ay ang mga karaniwang uri ng panananakit ng daliri.

Pananakit na may Kasamang Pamamaga

Kadalasan, ang pananakit ng daliri na may kasamang pamamaga ay sanhi ng bali o fracture. Maaaring maging kulay lila o asul ang naapektuhang daliri at maging malubha ang pananakit. Sa ilang kaso, maaaring humiwalay nang tuluyan ang buto at lumitaw ito sa balat.

Tumitibok na Panananakit o Pananakit Kapag Ginagalaw ang Daliri

Maaaring ito ay sanhi ng carpal tunnel syndrome at iba pang kondisyong na may kinalaman sa mga ugat o nerves at kalamnan ng kamay at braso. Ang ilan sa mga sintomas nito ay ang pumipintig na sakit sa kamay at daliri, pananakit kapag ginagalaw ang apektadong daliri, kahirapan sa pagsusulat o pag-type, at panginginig ng kamay.

Matalas na Pananakit

Ang matalas na pananakit o sharp pain ay maaaring sanhi ng pagkalinsad o pagka-dislocate ng daliri, o kaya ay ang pagkabali ng mga buto mula sa kanilang mga kasukasuan.

Pananakit sa Mismong Lugar ng Pinsala

Kapag nahiwa o nagkasugat ang daliri, maaari itong magdulot ng pananakit sa mismong bahagi ng pinsala. Batay sa laki o lalim ng hiwa, maaari ring makaramdam ng sakit na kumakalat papunta sa ibang bahagi ng kamay.

Pananakit na May Kasamang Pagbukol

Kung mayroon kang bukol sa kamay, katulad ng pigsa o nodule, maaari kang makaramdam ng ilang sintomas kasabay ng pananakit ng daliri. Kabilang na rito ang pagbubukol na may tubig sa loob, paninigas ng isang bahagi ng balat, bukol na gumagalaw sa ilalim ng balat, o bukol na masakit kapag hinahawakan.

Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Daliri?

Ang sumusunod ay ang ilan lamang sa mga pangkaraniwang sanhi ng pananakit ng daliri.

Iba-ibang Uri ng Pinsala

Karaniwang pangyayari ang pagkakaroon ng pinsala sa kamay at daliri, lalo na sa mga atleta at mga taong madalas magbuhat ng mabigat na mga kagamitan. Ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pinsala sa kamay ay ang pagkahulog na una ang kamay, pagka-ipit ng daliri, overextension ng daliri, o ang labis na pagbaluktot patalikod ng daliri.

Ilan sa mga partikular na pinsala sa daliri ang mga sumusunod:

  • Mallet finger. Isa itong injury sa pinakadulong knuckle tendon ng daliri. Sa kondisyong ito, nahihirapan ang pasyenteng ituwid ang dulo ng daliri. Nangyayari ang mallet finger kapag ang dulo ng isang daliri o hinlalaki ay bumaluktot matapos tumama o bumangga sa isang bagay, katulad ng bola o pader.
  • Jammed finger. Ang jammed finger ay isang masakit na pinsala sa buto at ligaments na bumubuo sa proximal interphalangeal (PIP) joint, o ang kasukasuan sa gitna ng daliri. Kasama sa mga sintomas nito ang pamamaga, pananakit, pamumula, at deformity ng apektadong daliri.
  • Dislocation o pagkalinsad ng daliri. Kapag na-dislocate o nalinsad ang iyong daliri, maaaring matigil ang pagdaloy ng dugo papunta rito at masira ang nerves
  • Boxer’s fracture. Ang boxer’s fracture ay ang pagkabali ng isa or ilan sa mga daliri, dulot ng pagsuntok.

Trigger Finger

Nangyayari ang trigger finger kapag ang tendon sheath ng apektadong daliri ay namamaga. Kapag may trigger finger ang isang tao, nagiging mas mahirap para sa litid na dumausdos sa sheath nito; ito ang dahilan kung bakit nahihirapan o nawawalan ng kakayahan ang pasyente na baluktutin ang kanyang mga daliri.

Kadalasan ay walang paliwanag kung bakit nagsisimula ang trigger finger, ngunit mas karaniwan ito sa mga babae, mga taong may edad na 40 hanggang 60, mga nagkaroon na ng pinsala sa kamay, o may diabetes o rheumatoid arthritis. Ang mga paulit-ulit na pagkilos, tulad ng paghawak sa manibela o pagtugtog ng gitara, ay maaari ring magdulot ng trigger finger.

Carpal Tunnel Syndrome

Ang carpal tunnel syndrome (CTS) ay isang masakit na kondisyon na dulot ng compression o pagka-ipit ng median nerve ng pulso. Maaari itong magdulot ng pananakit, pamamanhid, at panginginig ng kamay at mga daliri. Ang mga sintomas na ito ay nararamdaman sa hinlalaki, hintuturo, hinlalato, at sa kalahati ng palasingsingan. Maaari ring umabot ang CTS sa natitirang bahagi ng kamay at sa bisig.

Ang paulit-ulit na paggalaw ng pulso ang kadalasang sanhi ng CTS, kaya’t kadalasan ay naiuugnay ito sa sobrang paggamit ng computer. Kapag hindi nalunasan carpal tunnel syndrome, maaari itong magkaroon ng negatibong epekto sa kalidad ng buhay ng isang tao. Sa kalaunan, ang median nerve ay maaaring masira nang tuluyan.

Ganglion Cysts

Ang ganglion cyst ay isang bukol na puno ng tubig na maaaring mamuo malapit sa mga kasukasuan o litid ng pulso at kamay, lalo na sa paanan ng mga daliri. Bagama’t hindi ito mapanganib at hindi rin cancerous, maaari itong magdulot ng pananakit o panginginig. Sa kasalukuyan, hindi pa tiyak ng mga dalubhasa kung ano ang sanhi ng ganglion cyst, ngunit maaari silang mamuo sa kahit sinong tao sa anumang edad.

Impeksyon

Ang mga hiwa at sugat sa mga kamay o daliri ay maaaring humantong sa mga impeksyon. Kabilang sa mga sintomas ng impeksyon sa daliri ay ang pananakit na nagiging mas malubha sa pagtagal ng panahon, pamamaga, pamumula o pag-iinit ng balat, nana o discharge mula sa hiwa o sugat, at lagnat.

  • Bacterial. Ang paronychia ay ang pinakakaraniwang bacterial infection na makikita sa kamay. Ito ay karaniwang matatagpuan sa balat sa paligid ng kuko.
  • Viral. Ang isang uri ng viral infection na nakakaapekto sa mga daliri ay ang herpetic whitlow, na karaniwang nagdudulot ng pananakit sa mga dulo ng daliri.

Osteoarthritis

Ang osteoarthritis ay ang pinakakaraniwang uri ng rayuma. Nangyayari ito kapag ang cartilage na nagsisilbing proteksyon sa dugtungan ng mga buto ay nasisira. Ang osteoarthritis ay maaaring makaapekto sa anumang kasukasuan, ngunit mas madalas itong mangyari sa mga daliri at kamay. Mas karaniwan din ito sa mga matatanda at sa mga nakaranas na ng pinsala sa kasukasuan.

Ang ilan sa mga sintomas ng osteoarthritis ay ang pananakit na maaaring lumala habang kumikilos, pamamaga, pamumula ng balat sa ibabaw ng apektadong bahagi, paninigas at hirap sa paggalaw, at bony knots malapit sa kasukasuan ng daliri. Malaki ang posibilidad na lumubha ang osteoarthritis sa paglipas ng panahon.

Rheumatoid Arthritis

Ang rheumatoid arthritis ay isang pangmatagalang kondisyon kung saan inaatake ng immune system ang mga tissue sa kasukasuan. Ito ay maaaring magdulot ng pananakit, pamamaga, paninigas, at deformity.

Karaniwang naaapektuhan ng rheumatoid arthritis ang mga pulso at daliri, lalo na sa mga gitnang kasukasuan. Minsan, maaari rin nitong maapektuhan ang ibang bahagi ng katawan.

Ilan sa mga sintomas ng rheumatoid arthritis ay ang pananakit at pag-iinit ng kasukasuan, deformity ng mga daliri, pamamanhid, pagkapagod, at lagnat. Ang sanhi ng rheumatoid arthritis ay hindi pa rin malinaw hanggang sa ngayon, ngunit mas karaniwan ito sa mga kababaihan. Maaari rin na genetic o namamana ang sanhi nito.

Dupuytren’s Contracture

Ang Dupuytren’s contracture ay ang pagkapal ng mga tissue sa palad ng kamay. Dahil dito, maaaring mamuo ang mga nodules at cords na pinipigilan ang maayos na pagkilos ng daliri. Maaari rin itong maging sanhi ng hindi tamang pagbaluktot ng mga daliri patungo sa palad.

Ang ilan pang sintomas ng Dupuytren’s contracture ay ang pananakit sa palad at daliri kapag iginagalaw ang kamay, mga bukol at hukay sa palad, at ang kawalan ng kakayahang mailapat ang kamay sa isang flat surface. Hindi malinaw kung ano ang sanhi ng Dupuytren’s contracture, ngunit karaniwang nangyayari ito sa mga lalaking may edad na 40 pataas na may lahing European. Kadalasan ay lumalala ang sintomas nito sa paglipas ng panahon.

Ano ang Maaaring Maging Komplikasyon ng Pananakit ng Daliri?

Iba-iba ang komplikasyon ng pananakit ng daliri, batay sa sanhi nito. Halimbawa, mahihirapan ang isang tao sa kanyang mga araw-araw na gawain kapag malubha ang kanyang rayuma sa mga kamay at daliri.

Ang nabaling daliri na hindi nalunasan ay maaari namang magdulot ng mas malubhang sakit o kondisyon. Ang isang posibilidad ay ang pagkasira ng tamang pagkakahanay ng mga buto, na humahantong sa malalignment ng mga kasukasuan o malunion.

Ang paronychia naman na isang bacterial infection ay maaaring magdulot ng nail dystrophy, kung saan nagiging baku-bako, naninilaw o nagiging berde, at mas madaling masira ang kuko. Matapos gumaling, umaabot ng hanggang isang taon para bumalik sa dating anyo ang mga kuko.

Sanggunian