Ano ang Pananakit ng Dede?
Sa larangan ng medisina, tinatawag na “mastalgia” ang pananakit ng dede (breast). Madalas itong maranasan ng mga kababaihan ilang araw bago dumating ang kanilang monthly period, subalit puwede ring makaramdam ng pananakit ng dede ang mga babae, mga transgender na babae at lalaki, at maging mga lalaki bunsod ng iba pang dahilan.
Maraming uri ng pananakit at pakiramdam ang puwedeng maranasan sa dede. Isa sa mga karaniwang sensation ay tightness, kung saan naninigas ang apektadong bahagi at tila ba may puwersang pumipisil o dumadagan dito. Ilan pa sa mga pagsasalarawan sa iba-ibang uri ng pananakit ng dede ang burning pain o hapdi at throbbing pain o kirot. Mayroon ding tinatawag na “sharp pain” o iyong matinding pananakit na biglaang nararamdaman.
Ano ang Mga Uri ng Pananakit ng Dede?
Kapag nakararanas ng pananakit ng dede ang isang tao, puwedeng mild hanggang severe ang tindi nito, Gayundin, puwedeng maramdaman ang pananakit sa isa o parehong dede.
Maliban sa mga ito, may dalawang pangunahing uri ang pananakit ng dede. Ito ay ang cyclic breast pain at noncyclic breast pain. Ang cyclic breast pain ay ang pananakit ng dede na may kaugnayan sa menstruation. Ibig sabihin, kung menopause na ang isang babae, hindi na siya makararanas ng ganitong pananakit. Mas pangkaraniwan ding nararanasan ng mga babaeng nasa edad 20 hanggang 40 ang kondisyong ito.
Kadalasang nagsisimula ang cyclic breast pain ilang araw bago magsimula ang period ng isang babae. Nararamdaman ito sa itaas at gilid na bahagi ng dede, at nawawala kapag dumating na ang regla. Sa susunod na buwan, kapag malapit na ang susunod na menstruation, mararamdaman ulit ang pananakit ng dede.
Samantala, ang noncyclic breast pain naman ay ang uri ng pananakit ng dede na walang kahit anong kinalaman sa menstruation. Mas madalas itong maranasan ng mga babaeng nasa edad 40 hanggang 50 taong gulang.
Mayroon ding tinatawag na “extramammary pain.” Ito ay ang uri ng pananakit na sa umpisa ay tila sa dede nararamdaman, ngunit ibang bahagi pala ang tunay na masakit. Halimbawa, ang costochondritis ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng pamamaga sa mga cartilage na nagdurugtong sa mga tadyang sa sternum o breastbone. Kapag nagkaroon ng pain flare-up ang isang pasyenteng may costochondritis, puwede siyang makaramdam ng extramammary pain dahil napakalapit lamang ng mga tadyang at sternum sa mga dede.
Nagdudulot ba ng Pananakit ng Dede ang Breast Cancer?
Madalas isipin ng karamihan na ang pananakit ng dede ay isang sintomas ng kanser sa suso. Subalit, sa maraming pagkakataon, ang pangunahing sintomas ng breast cancer ay ang pagkakaroon ng mga bukol o tumor sa dede. Puwedeng magdulot ng pananakit ang mga bukol o tumor na ito; subalit, kung tanging pananakit lamang ng dede ang nararamdaman, hindi ito indikasyon ng breast cancer.
Ano ang Sanhi ng Pananakit ng Dede?
Maraming dahilan kung bakit sumasakit ang dede ng isang babae. Nangunguna na rito ang pagbubuntis, dahil naglalabas ang katawan ng mas maraming estrogen hormones bilang paghahanda sa pagdating ng sanggol. Ilan sa mga naidudulot ng dagdag na estrogen production ay ang stimulation ng milk glands, na siya namang nagdudulot ng paninigas at pananakit ng mga dede.
Pagkapanganak ng isang babae at nagsimula na siyang magpasuso ng kanyang sanggol, puwede rin siyang makaramdam ng pananakit ng dede. Ilan sa mga dahilan nito ay ang mga sumusunod:
- Pagdaloy ng gatas mula sa dibdib papunta sa bibig ng sanggol (letdown)
- Pananakit ng mga utong o nipple dahil sa maling latch na sanggol
- Pamamaga ng mga nipple dahil sa panunuyo at pagkakaroon ng sugat ng balat
- Sobrang production ng gatas, na puwedeng mauwi sa mastitis o impeksyon sa dede
Kung nahihirapang magpasuso, makatutulong ang pagpunta sa iyong doktor at sa isang lactation consultant upang mabigyan ng gamot at iba pang tips upang maging mas matagumpay ang breastfeeding.
Samantala, narito naman ang ilan pang mga posibleng sanhi ng pananakit ng dede:
- Puberty
- Paggamit ng birth control pills
- Pagasa-ilalim sa hormone therapy o kaya ay infertility treatment
- Radiation therapy para sa kanser sa dede
- Pagkakaroon ng mga cyst at mga non-cancerous lump sa dede
- Costochondritis
- Pag-inom ng antidepressant
Puwede ring magdulot ng pananakit ng dede ang pagkakaroon ng peklat dulot ng operasyon, katulad ng mastectomy (pagtatanggal ng breat tissue) o kaya ay breast augmentation. Mas mataas din ang risk ng mga babaeng may mas malaking dede ang makaranas ng pananakit, lalo na matapos ang matinding physical exertion katulad ng ehersisyo.
Sa mga kababaihan, isa ring sanhi ng pananakit ng dede ang pagsusuot ng maling sukat ng bra. Kapag masyadong maliit ang sukat ng bra, naiipit ang mga tissue ng dede at nagdulot ng pananakit. Kapag naman hindi sapat ang suporta ng bra, puwedeng ma-stretch ng husto ang mga tissue na nagdidikit sa mga dede at dibdib (chest). Upang maiwasan ito, siguraduhing tama ang sukat ng iyong bra.
Para naman sa mga transgender, may dalawang posibleng sanhi ng pananakit ng dede. Kung ikaw ay transgender woman, puwedeng magdulot ng pananakit ang HRT o hormone replacement therapy kapag nagsimula nang lumaki ang mga suso. Kung ikaw naman ay transgender man, puwedeng sumakit ang iyong dede kapag may naiwang breast tissue matapos ang mastectomy.
Panghuli at kagaya ng unang nabanggit, puwede ring sumakit ang dede ng mga kalalakihan. Madalas ay dahil ito sa gynecomastia, isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng hormonal imbalance sa katawan. Ito ang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng labis na breast gland tissue at nagdudulot ng pananakit.
Ano ang mga Puwedeng Maging Sanhi ng Extramammary Pain?
Katulad ng naunang nabanggit, may tinatawag na extramammary pain. Tinatawag din itong referred pain dahil hindi naman talaga ang mga dede ang masakit. Sa halip, ibang bahagi ng katawan ang masakit at kumalat na lamang ang pananakit sa mga dede.
Maliban sa nabanggit na costochondritis, ilan pa sa mga puwedeng maging dahilan ng extramammary pain ay ang mga sumusunod:
- Acid reflux o GERD – pag-akyat ng mga laman ng sikmura pabalik sa esophagus
- Angina – pananakit ng dibdib dahil sa kakulangan ng dugong dumadaloy papunta sa puso
- Bornholm disease o pleurodynia – isang uri ng sakit na nagdudulot ng mga sintomas na katulad ng sa trangkaso
- Trauma malapit sa dede – halimbawa, kung nabugbog ang katawan dahil sa isang car accident o sports injury
- Fibromyalgia – isang kondisyon na nagdudulot ng pananakit ng buong katawan
- Coronary artery disease – pagkipot ng mga coronary artery, ang mga ugat na nagdadala ng dugo papunta sa puso
- Herpes zoster o shingles – ang tawag sa sakit kapag muling naging aktibo ang varicella-zoster virus (VZV) sa katawan; ang VZV ang nagdudulot ng sakit na bulutong
- Pleurisy – pamamaga ng pleura, ang lining na nasa pagitan ng mga baga at chest wall
- Peptic ulcer – pagkakaroon ng mga ulcer o maliit na mga sugat sa lining ng esophagus, maliit na bituka, at sikmura
- Pulmonary embolism – pamumuo ng dugo (blood clot) sa isa o higit pang artery sa baga, na nagdudulot ng mas mababang antas ng oxygen sa dugo
- Pananakit ng dibdib (chest), likod, at balikat
Puwedeng mabawasan ang extramammary pain sa pag-inom ng painkiller. Subalit, bago ito gawin, humingi muna ng payo sa iyong doktor. Kapag gumaling na ang karamdaman, kasabay na ring gagaling o mawawala ang pananakit ng dede. Sa kasamaang palad, kung chronic disease ang sanhi ng breast pain, malaki ang posibilidad na pangmatagalan na rin ang nararamdamang pananakit ng dede.
Ano Iba Pang Sintomas na Puwedeng Maramdaman Kasabay ng Pananakit ng Dede?
Kapag masakit ang iyong dede, puwede kang makaramdam o makaranas ng marami pang ibang sintomas na batay sa uri ng pananakit. Narito ang ilang halimbawa:
Cyclic Breast Pain
- Pag-abot ng pananakit hanggang sa kilikili, balikat, at likod
- Pakiramdam na mabigat o puno ang mga dede
- Pananakit ng dede kapag hinawakan ito
- Pagkakaroon ng maliliit na bukol sa dede
- Tumitinding pananakit habang papalapit na ang menstruation, at unti-unting nawawala simula sa unang araw ng period
- Iba-ibang mga sintomas ng dysmenorrhea
Noncyclic Breast Pain
- Pakiramdam na parang naninikip, mahapdi, o kumikirot ang dede
- Tuloy-tuloy na pananakit ng dede
- Lagnat
Kung ang noncyclic breast pain ay dulot ng isang underlying condition, mararanasan din ng pasyente ang mga sintomas ng naturang karamdaman.
Puwede ba Akong Sumailalim sa Mastectomy Upang Makaiwas sa Pananakit ng Dede?
Ang mastectomy o pagtatanggal sa lahat ng breast tissue ay inirerekomenda lamang bilang treatment sa breast cancer. Puwede ring sumailalim sa mastectomy ang isang babae kung mataas ang kanyang risk na magkaroon ng breast cancer.
Ilan sa mga nagpapataas ng risk ng breast cancer ang:
- Pagkakaroon ng kamag-anak na nagkaroon ng breast o kaya ay ovarian cancer
- Pagkakaroon ng menstruation sa maagang edad
- Late na pagme-menopause (edad 55 pataas)
- Pagiging edad 50 pataas
May mga test din para malaman kung may risk ang isang babae na magkaroon ng breast cancer. Tinitingnan sa test na ito kung mayroong BRCA1 at BRCA2 gene mutations ang pasyente.
Kung walang breast cancer o hindi at-risk ang isang tao sa breast cancer, hindi ipinapayo ang pagsailalim sa mastectomy.
Kadalasan, hindi mapanganib sa kalusugan ang pananakit ng dede. Puwede itong mawala sa paglipas lamang ng panahon o sa pag-inom ng gamot, lalo na kung hormonal fluctuations ang sanhi nito. Gayunpaman, kung hindi mawala ang pananakit ng dede sa loob ng 2 buwan o higit pa, mas makabubuting magpakonsulta sa doktor upang ma-diagnose at mabigyan ng tamang treatment. Pumunta rin sa doktor kung sa iyong palagay ay walang kinalaman sa hormones ang nararamdamang pananakit ng dede.
Sanggunian:
- Breast pain – Symptoms and causes – Mayo Clinic
- Breast Pain (Mastalgia): Causes, Treatment & Prevention (clevelandclinic.org)
- Breast pain: Causes, symptoms, and treatments (medicalnewstoday.com)
- Breast pain Information | Mount Sinai – New York
- Breast Pain and Your Menstrual Period (verywellhealth.com)
- Breast Pain: 10 Reasons Your Breasts May Hurt | Johns Hopkins Medicine
- Breast Pain – Causes and Symptoms – National Breast Cancer Foundation