Ano ang Pananakit ng Katawan Kapag Buntis?

Sa simula pa lamang ng kanyang pagbubuntis, marami na kaagad ang mga nangyayaring pagbabago sa katawan ng isang babae. Ito ay upang mapanatiling malusog ang fetus sa sinapupunan hanggang sa araw ng kapanganakan ng sanggol.

Dahil sa mga pagbabagong ito, puwedeng makaramdam ang isang babaeng buntis ng iba-ibang klase ng pananakit, discomfort, at iba pang mga sintomas sa buong katawan.

Ano ang Pinakakaraniwang Uri ng Pananakit na Nararamdaman Kapag Buntis?

Maraming babaeng buntis ang nakararanas ng pananakit ng tiyan o kaya ay ng puson. Normal lamang na mag-alala kapag nakaranas nito, lalo na sa mga unang 3 buwan, dahil puwede itong senyales ng pagkalaglag (miscarriage).

Sa kabutihang palad, madalas ay hindi naman mapanganib ang pananakit ng tiyan o puson ng isang babaeng buntis. Sa katunayan, ang pangunahing sanhi nito ay ang unti-unting paglaki ng matris o bahay-bata, upang magkaroon ng sapat na espasyo ang fetus. Puwede ring magdulot ng bahagyang pananakit ang pagkakabatak ng mga ligament habang lumalaki ang tiyan at puson kasabay ng paglaki ng bata sa sinapupunan.

Gayunpaman, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa iyong obstetrician-gynecologist (OB-GYN) o magpunta sa ospital kung (1) may kakaibang nararamdaman kasabay ng pananakit ng tiyan o puson, (2) hindi nawawala ang pananakit matapos uminom ng ligtas na gamot para sa mga buntis, o (3) hindi nawawala ang pananakit matapos ang kaunting pahinga o pagpapalit ng postura.

Ano ang mga Sanhi ng Pananakit ng Tiyan o Puson Kapag Buntis?

Maliban sa pisikal na pagbabago ng katawan, marami ring internal na dahilan kung bakit sumasakit ang tiyan ng isang babaeng buntis. Isa sa mga dahilan na ito ang constipation o pagtitibi, na nararanasan ng halos lahat ng nagdadalantao.

Ang pagtitibi ng mga buntis ay sanhi ng paggawa ng katawan ng mas maraming progesterone. Ito ay isang hormone na nagpapabagal sa paggalaw ng mga bituka, upang magkaroon ng mas maraming oras ang katawan na makakakuha ng tubig at mga nutrient mula sa pagkain. Subalit, habang tumatagal ang pagkain sa loob ng mga bituka, natutuyo at naninigas ito; kung kaya naman, mas mahirap itong ilabas bilang dumi.

Nagiging dahilan din ng pagtitibi ang paglaki ng fetus sa loob ng sinapupunan. Ito ay dahil nadidiinan ng sanggol ang mga bituka, kung kaya naman nahihirapan ang laman nito na makagalaw papalabas ng katawan.

Isa naman din ang kabag sa mga sanhi ng pananakit ng tiyan kapag buntis. Katulad ng naunang nabanggit, bumabagal ang paggalaw ng mga bituka ng isang babaeng nagdadalantao dahil sa karagdagang progesterone na ginagawa ng katawan. Nagiging dahilan ito ng gas build up, na siyang nauuwi sa kabag o kaya ay sa mas madalas pag-utot at pagdighay.

Ilan pa sa mga karaniwang sanhi ng pananakit ng tiyan o puson sa mga babaeng buntis ay ang mga sumusunod:

Urinary Tract Infection

Habang lumalaki ang fetus sa loob ng sinapupunan, maraming organ sa bandang tiyan at puson ang naiipit. Kasama na rito ang pantog at daluyan ng ihi. Dahil dito, naiipon ang ihi sa loob ng katawan at tumataas ang risk na magkaroon ng urinary tract infection o UTI ang isang babae.

Dahil din sa pag-iiba ng hormone levels ng isang babaeng buntis, tumataas ang concentration ng asukal, asin, at protein sa kanyang ihi. Ang kondisyong ito ay puwede ring magpataas ng risk ng UTI.

Ilan sa mga senyales ng UTI ay ang:

  • Pananakit ng puson
  • Pagiging cloudy ng itsura ng ihi
  • Pag-ihi na may kasamang dugo
  • Mas madalas na pag-ihi kahit kaunti lamang ang lumalabas

Kung sakaling maranasan ang mga sintomas na ito, pumunta kaagad sa doktor at magpa-urine test upang malaman ang tamang diagnosis. Sa kabutihang palad, madali lamang gamutin ang UTI gamit ang antibiotics.

Ectopic Pregnancy

Sa isang normal pregnancy, sa loob ng uterus tumutubo o nai-implant ang fertilized egg cell. Sa isang ectopic pregnancy, sa labas ng uterus nangyayari ang implantation ng fertilized egg cell. Kadalasan, sa fallopian tube ito nangyayari; ang tawag dito ay tubal pregnancy. Habang tumatagal at nade-develop ang fertilized egg, puwedeng pumutok ang fallopian tube at magdulot ng internal bleeding at impeksyon.

Upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng buntis, mas mabuti kung malalaman kaagad kung mayroon siyang ectopic pregnancy. Ilan sa mga sintomas na dapat bantayan ay ang pananakit ng puson, pananakit ng likod, pamumulikat ng balakang, at pananakit ng lower back.

Ang treatment para sa ectopic pregnancy ay nakabatay sa kung gaano na ito ka-advanced. Kung maagang na-detect ang kondisyon, puwedeng bigyan ang pasyente ng gamot na pumipigil sa patuloy na development ng mga cell ng fetus. Mahihinto ang pagbubuntis ng babae at ang mga cell ay naa-absorb pabalik sa katawan.

Kung advanced na ang ectopic pregnancy o kaya ay pumutok na ang fallopian tube, kailangan na nito ng surgery. Kung hindi pa pumuputok ang fallopian tube, puwedeng ang tanggalin lamang ay ang mga cell ng fetus. Kung sakali namang pumutok na ang fallopian tube, kailangan na rin itong tanggalin.

Braxton-Hicks Contractions

Kapag nasa third trimester na ng pagbubuntis ang isang babae, puwede siyang makaramdam ng tinatawag na Braxton-Hicks contractions. Isa itong paraan ng katawan upang ihanda ang babae sa darating na labor; para itong exercise o practice para sa mga muscle ng uterus upang mas maging madali ang panganganak. Kung kaya naman, minsan ay tinatawag na false labor ang Braxton-Hicks contractions.

Habang nararanasan ng isang babaeng buntis ang Braxton-Hicks contractions, puwede siyang makaramdam ng pananakit ng tiyan at puson na nawawala sa tulong ng paglalakad o pag-iiba ng posisyon.

Upang malaman kung labor contractions at hindi Braxton-Hicks contractions ang nararanasan, bantayan ang tindi at dalas nito. Ang tunay na labor contractions ay mas matindi kumpara sa Braxton-Hicks. May predictable pattern din ang true labor at madalas na tumatagal ng 1 minuto ang bawat contraction.

Preterm Labor

Isa pa sa mga puwedeng magdulot ng pananakit ng tiyan o puson kapag buntis ang isang babae ay ang tinatawag na preterm labor. Ito ay ang panganganak nang mas maaga sa ika-37 na linggo o ika-9 na buwan ng pagbubuntis. Ang tawag sa mga sanggol na ipinanganak sa ganitong paraan at panahon ay “premature baby” o “preemie.”

Maliban sa pananakit ng tiyan o puson, ilan pa sa mga sintomas ng preterm labor ang mga sumusunod:

  • pamumulikat ng tiyan
  • pag-iiba ng itsura at dami ng vaginal discharge
  • pananakit ng ibabang bahagi ng likod

Kung wala pang 37 linggo ang pagbubuntis at nakaramdam ng mga sintomas ng labor, pumunta o tumawag kaagad sa iyong doktor.

Ano ang mga Kaakibat na Sintomas ng Pananakit ng Tiyan o Puson Kapag Buntis?

Marami pang ibang sintomas na puwedeng maranasan ang isang babaeng buntis, kasaba y ng pananakit ng tiyan o puson. Narito ang ilang halimbawa:

Pananakit ng Ulo

Maraming kababaihan ang nakararanas ng pananakit ng ulo sa unang 3 buwan ng kanilang pagbubuntis, bunsod ng biglaang hormonal changes. Subalit, tandaan na puwedeng sintomas din ng preeclampsia o mataas na presyon habang buntis ang pananakit ng ulo. Kung hindi kaagad mawala ang pananakit ng ulo matapos uminom ng paracetamol, magpunta kaagad sa iyong doktor.

Pagduduwal at Pagsusuka

Isa pang sintomas na dulot ng hormonal changes sa pagbubuntis ang pagduduwal at pagsusuka (nausea at vomiting). Minsan ay tinatawag itong morning sickness dahil karamihan sa mga babaeng buntis ay sa umaga ito nararanasan. Hindi naman delikado ang minor case ng pagduduwal at pagsusuka sa pagbubuntis, subalit puwede itong magdulot ng discomfort.

Ang tawag sa matinding morning sickness ay hyperemesis gravidarum. Kailangan nito ng tamang treatment upang maiwasan ang dehydration at iba pang kondisyon na puwedeng makaapekto sa kalusugan ng ina at ng kanyang sanggol.

Pananakit ng Likod

Habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, nagdudulot ito ng strain sa mga muscle sa likod. Puwede itong maging sanhi ng pananakit at kung minsan ay hindi magandang posture, na siya namang nagpapatindi pa lalo ng pananakit ng likod.

Pananakit o Pamamanhid ng mga Binti

Ang average weight ng isang sanggol bago ito ipanganak ay 3 hanggang 4 na kilo. Ang karagdagang timbang na ito na dinadala ng isang babaeng buntis ay puwedeng magdulot ng pananakit at pamumulikat ng mga binti.

Gayundin, sa patuloy na paglaki ng sanggol, puwedeng maipit ang mga ugat patungo sa mga binti at paa. Ito naman ang siyang nagdudulot ng pamamanhid ng lower extremities.

Pananakit ng Ngipin

Lahat ng mga nutrient na kailangan ng sanggol ay nanggagaling sa kanyang ina, kasama na rito ang calcium. Dahil dito, kung hindi sapat ang calcium sa diet ng isang babaeng buntis, puwedeng sumakit ang kanyang mga ngipin. Puwede rin siyang makaranas ng iba pang dental at mouth issues, katulad ng pagdurugo ng gilagid.

Heartburn

Dahil sa pressure na naidudulot ng lumalaking sanggol sa sikmura at mga bituka, madalas makaranas ng heartburn ang mga babaeng buntis. Sa kabutihang palad, madaling maiwasan ang kondisyong ito sa pamamagitan ng mas madalas ngunit unti-unting pagkain sa halip na tatlong full meals sa isang araw.

Ilan pa sa mga sintomas na nararanasan ng mga babaeng buntis ang mga sumusunod:

Marami sa mga pananakit at iba pang mga sintomas na nararamdaman habang buntis ay normal lamang. Kung sakaling hindi sigurado kung ano ang sanhi ng mga nararanasang sintomas o kung may kasamang vaginal bleeding ang mga sintomas, magpunta kaagad sa doktor.

Sanggunian: