Ano ang Pananakit ng Lalamunan (Sore Throat)?
Ang sore throat ay ang pananakit o pangangati ng lalamunan na karaniwang nararamdaman kapag lumulunok o nagsasalita. Maraming bagay ang nagdudulot ng sore throat, katulad na lamang ng bacterial infection, viral infection, alerhiya, o ang pagtulog nang nakabukas ang bibig.
Iba-iba ang pakiramdam ng sore throat, batay sa kung gaano ito kalubha. Kung mild sore throat lamang ang nararanasan ng pasyente, maaaring maging makati at tuyo ang pakiramdam ng lalamunan. Puwede ring maging mainit ang pakiramdam nito. Kapag lumala na ang sore throat, nagiging mas matindi ang pananakit nito, lalo na tuwing lumulunok o nagsasalita. Kung minsan ay umaabot rin ang pananakit sa tainga o gilid ng leeg.
Sa kabutihang palad, karamihan sa mga sanhi ng pananakit ng lalamunan ay hindi dapat ikatakot. Sa tulong ng sapat na pahinga at tamang pagkain, maaring humupa ang sore throat sa loob lamang ng ilang araw. Sa kabilang banda, ang sore throat na tumatagal ng ilang araw ay maaaring sintomas ng mas malubhang sakit katulad ng ng COVID-19 o throat cancer.
Mas mabuting makipag-ugnayan sa iyong doktor kung mayroon kang matinding pananakit ng lalamunan na hindi humuhupa matapos ang ilang araw, lagnat na nananatili sa 39°C o mas mataas pa, o lagnat na 38°C na tumatagal ng higit sa tatlong araw.
Ano ang Mga Uri ng Pananakit ng Lalamunan?
May iba’t ibang uri ng sore throat batay sa bahagi ng lalamunan na naaapektuhan nito.
Pharyngitis
Ang pharyngitis ay ang pamamaga ng pharynx sa likod na bahagi ng lalamunan. Ilan sa mga sintomas ng pharyngitis ay ang pangangati ng lalamunan at kahirapan sa paglunok. Karaniwang sanhi ng pharyngitis ang bacterial o viral infection. Dahil dito, marami pang ibang kaakibat na sintomas ang pharyngitis, katulad na lamang ng ubo, sipon, pagbahing, pagkapagod, pananakit ng katawan, at lagnat.
Gayundin, kapag viral o bacterial infection and sanhi ng pharyngitis, nakahahawa ito. Ang pharyngitis na dulot ng viral infection ay nakahahawa hanggang sa humupa lagnat. Samantala, ang pharyngitis na dulot ng isang bacterial infection ay maaaring makahawa mula sa simula ng sakit hanggang isang araw matapos uminom ang antibiotics.
Mayroon din namang noninfectious pharyngitis. Ito ay ang pamamaga at pananakit ng lalamunan na nagmumula sa mga bagay na hindi nakahahawa, katulad ng usok ng sigarilyo o acid reflux.
Tonsillitis
Ang mga tonsil ay ang dalawang lymph nodes na matatagpuan sa bawat gilid ng lalamunan. Bahagi ang mga ito ng immune system na pinipigilan ang pagpasok ng mikrobyo sa katawan mula sa bibig at ilong. Kapag nagka-impeksyon ang tonsils, tonsillitis ang tawag dito.
Bagama’t kahit sino ay maaaring magkaroon ng tonsillitis, mas karaniwan ang kondisyong ito sa mga kabataan. Ilan sa mga sintomas ng tonsillitis ay sore throat, namamagang mga tonsil, at lagnat.
Mga virus at bacteria ang karaniwang sanhi ng tonsillitis, kaya’t maaaring maipasa ito sa iba. Kapag mild lamang ang kaso ng tonsillitis, kadalasan ay hindi na ito kailangang ipagamot, lalo na kung isang virus tulad ng sipon ang sanhi nito. Samantala, ang mga severe na kaso ng tonsillitis ay kadalasang nangangailangan ng antibiotics o tonsillectomy (isang operasyon kung saan permanenteng tinatanggal ang mga tonsil).
May dalawang uri ng tonsillitis. Ang mga ito ay:
- Acute tonsillitis. Kung ang mga sintomas ng tonsillitis ay tumagal nang humigit-kumulang 10 araw, itinuturing itong acute tonsillitis. Ang acute tonsillitis ay maaaring gumaling sa pamamagitan ng mga home remedy lamang, ngunit may mga sitwasyon na kailangan ng antibiotics upang mawala ang impeksyon.
- Chronic tonsillitis: Ang mga sintomas ng chronic tonsillitis ay mas matagal kaysa sa acute tonsillitis. Maaari kang makaranas ng sore throat, mabahong hininga, at pamamaga ng lymph nodes ng 2 linggo o higit pa. Maaari ring magdulot ang chronic tonsillitis ng tonsil stone, kung saan ang dead cells, pagkain, at laway ay naiipon at namumuo sa mga siwang ng tonsils. Minsan ay kumakalas nang kusa ang tonsil stones; kung hindi, kailangang ipatanggal ang mga ito sa doktor.
Laryngitis
Ang laryngitis ay ang pamamaga ng voice box o vocal cords dahil sa sobrang paggamit, impeksyon, o irritation. Maaaring panandalian lamang ito o tumagal ng hanggang tatlong linggo.
Ilan sa mga sintomas ng laryngitis ang kawalan ng boses, panunuyo ng lalamunan, throat irritation, at dry cough. Kadalasan ay mild lamang ang mga sintomas na ito at maaaring gumaling sa pagpapahinga ng boses at lalamunan. Nakatutulong rin ang pag-inom ng tubig at ibang non-caffeinated fluids para ma-hydrate ang lalamunan.
Iba-ibang kondisyon ang maaaring maging sanhi ng laryngitis, katulad na lamang ng viral infection, mga environmental factors, o bacterial infection. Mayroon ding dalawang uri ng laryngitis. Ito ay ang:
- Acute laryngitis: Isang pansamantalang kondisyon na sanhi ng sobrang paggamit ng vocal cords, impeksyon, o sobrang paginom ng alak.
- Chronic laryngitis: Kumpara sa acute laryngitis, mas matagal at mas malala ang chronic laryngitis. Ito ay sanhi ng pangmatagalang pagkakalantad sa mga irritant, acid reflux, paninigarilyo o paglanghap ng usok nito, impkesyon sa sinus, o sobrang paggamit ng boses.
Ano ang Mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Lalamunan?
Iba-iba ang sanhi ng pananakit ng lalamunan. Ang karamihan sa mga kaso ng sore throat ay dahil sa virus na nagdudulot ng sipon at trangkaso, ngunit marami ring sitwasyon kung saan bacterial infection ang sanhi ng pananakit ng lalamunan.
Narito ang mga karaniwang sanhi ng sore throat:
Viral Infections
Kagaya ng unang nabanggit, mga virus ang pinakakaraniwang sanhi ng pananakit ng lalamunan. Ilan sa mga viral infection na nagdudulot ng pamamaga ng lalamunan ay ang trangkaso, common cold, bulutong (chickenpox), measles (tigdas), COVID-19, mononucleosis, at croup.
Bacterial Infections
Maraming bacteria ang maaaring maging sanhi ng pananakit ng lalamunan. Ang pinakakaraniwan ay ang Streptococcus pyogenes (group A streptococcus) na nagdudulot ng strep throat o strep. Ang Streptococcus pyogenes ay nabubuhay sa ilong at lalamunan. Maaaring makuha mo ito sa isang taong may strep A bacteria o mayroong sakit na dulot nito.
Isa sa mga pangunahing senyales ng strep throat ang pamamga ng lalalmunan. Isa rin itong pangkaraniwang sintomas ng sore throat dulot ng viral infection. Upang malaman kung strep throat ang sanhi ng sakit, pansinin kung may sipon o ubo ang pasyente. Kung wala, malaki ang posibilidad na strep throat ang sanhi ng pananakit ng lalamunan.
Kung ikukumpara rin sa viral infections, mas mabilis lumubha ang strep throat at kadalasan may kaakibat na ibang sintomas katulad ng:
- pananakit ng lalamunan kapag lumulunok
- mapula at namamagang lalamunan
- lagnat na umaabot ng 38.3 degrees Celsius o higit pa
- namamaga at masakit na lymph nodes sa harap ng leeg
- white patches sa lalamunan
- kawalan ng ganang kumain
- pananakit ng tiyan, ulo, o kalamnan
- pagkahilo at pagsusuka
- rashes
Iba Pang Dahilan
Ang iba pang mga sanhi ng pamamaga ng lalamunan ay:
- Allergies. Ang ilang allergic reactions dahil sa dust mites, pollen, o alagang hayop ay maaaring magdulot ng sore throat. Ang pamamaga ng lalamunan mula sa alerhiya ay dahil sa postnasal drip, kung saan ang uhog mula sa ilong ay tumutulo sa likod ng lalamunan at nagdudulot ng pananakit.
- Dryness. Ang tuyong hangin sa loob ng bahay o opisina ay maaaring magdulot ng makating lalamunan.
- Injury. Ang ilang uri ng injury ay maaaring magdulot ng pananakit ng lalamunan. Halimbawa, ang paglunok ng tinik o buto sa pagkain ay maaring makasugat at makairita ng lalamunan.
- Paghinga sa bibig. Ang paghinga sa pamamagitan ng iyong bibig, kadalasan dahil sa sobrang pagbabara ng ilong, ay maaaring maging sanhi ng pagkatuyo at pamamaga ng lalamunan.
- Mga irritant. Ang polusyon sa labas ng loob ng bahay, gaya ng usok ng sigarilyo o mga kemikal, ay maaaring magdulot ng pananakit ng lalamunan. Ang pagnguya ng tabako, pag-inom ng alak, at pagkain ng maanghang na pagkain ay maaari ring makairita sa iyong lalamunan.
- Sobrang pagsalita o pagsigaw. Maaring mapagod at sumakit ang mga muscle sa lalamunan dahil sa pakikipag-usap, pagkanta, o pagsigaw ng walang pahinga.
- Gastroesophageal reflux disease (GERD). Ang GERD ay isang digestive disorder kung saan umaakyat ang mga stomach acid papunta sa esophagus. Ang iba pang sintomas ng GERD ay heartburn, pamamaos, pagsusuka, at ang pakiramdam na may bukol ang iyong lalamunan.
- HIV. Ang pamamaga ng lalamunan ay isa sa mga unang sintomas ng HIV. Gayundin, ang isang taong may HIV ay maaaring magkaroon ng paulit-ulit na pananakit ng lalamunan dahil sa fungal infection na oral thrush o sa viral infection na cytomegalovirus.
- Mga tumor. Ang mga cancerous tumor sa dila, lalamunan, o voice box (larynx) ay maaaring magdulot ng sore throat. Kaakibat ng ganitong uri ng sore throat ng ilan pang sintomas, katulad ng pamamaos, maingay na paghinga, kahirapan sa paghiga, bukol sa leeg, at dugo sa laway o plema.
Ano ang Maaring Maging Komplikasyon ng Pananakit ng Lalamunan?
Ang mga komplikasyon ng sore throat ay maaaring dahil sa pamamaga mismo ng lalamunan o sa mga sanhi ng pamamaga nito. Halimbawa, kapag mayroon kang pamamaga ng lalamunan, maaaring makagambala ito sa iyong pagtulog at maging dahilan ng paglubha ng sleep apnea.
Samantala, dahil sa hirap ng paglunok na dulot ng pananakit ng lalamunan, puwede kang ma-dehydrate. Kapag nagtuloy-tuloy ang sore throat, maaaring maging hadlang ito sa tamang pagkain at pagkuha ng sapat na nutrisyon.
Kung ang pamamaga ng lalamunan ay dahil sa strep throat, kailangan itong gamutin ng antibiotics. Kung hindi magamot kaagad ang strep throat, maaari itong humantong sa rheumatic fever, kidney damage, sakit sa puso, o mga abscess sa tonsil.
Samantala, ang mga alerhiya na nagdudulot ng post-nasal drip at pamamaga ng lalamunan ay maaaring humantong sa iba’t ibang komplikasyon. Kapag mayroon kang alerhiya, mas mabilis kang tamaan ng hika na nakakaapekto naman sa iyong baga at paghinga. Dahil dito, puwedeng mas madali kang magkaroon ng sinusitis, impeksyon sa tenga, at impeksyon sa baga.
Ang mga impeksyon tulad ng Streptococcus pneumoniae, strep throat, at Haemophilus influenzae type B ay maaari namang magdulot ng epiglottitis, o ang pamamaga ng cartilage na tumatakip sa iyong windpipe. Dahil maaari nitong harangan ang mga daloy ng hangin, kailangan nito ng emergency treatment.
Sanggunian
- https://www.ritemed.com.ph/articles/ano-ang-sanhi-ng-sore-throat
- https://my.clevelandclinic.org/health/symptoms/8274-sore-throat-pharyngitis
- https://www.healthline.com/health/tonsillitis#diagnosis
- https://www.healthline.com/health/pharyngitis#prevention
- https://www.healthline.com/health/laryngitis-2#symptoms
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sore-throat/symptoms-causes/syc-20351635
- https://www.webmd.com/oral-health/understanding-strep-throat-basics
- https://www.webmd.com/cold-and-flu/sore-throat-causes