Ano ang Pananakit ng Leeg at Batok?

Ang pananakit ng leeg ay may medical term na cervicalgia. Ito ay dahil ang mga buto sa leeg ay tinatawag na cervical spine.

May dalawang uri ang pananakit ng leeg, batay sa kung saan ito nararamdaman. Kung ang leeg lamang ang bahaging masakit, ang tawag dito ay axial neck pain. Kung kumakalat naman ang pananakit sa iba pang bahagi, katulad ng batok at mga balikat, ang tawag dito ay radicular neck pain. Puwede ring ituring ang pananakit ng leeg at batok bilang acute neck pain o chronic neck pain. Ang acute neck pain ay tumatagal ng ilang araw lamang hanggang 6 na linggo; samantala, ang chronic neck pain naman ay tumatagal ng 7 linggo hanggang 3 buwan o higit pa.

Ang pananakit ng leeg at batok ay sintomas ng maraming uri ng injury at iba pang mga sakit, katulad ng muscle strain, arthritis, at herniated disk. Kung hindi magagamot kaagad, puwedeng maging sagabal sa pang-araw-araw na gawain ang pananakit ng leeg at batok. Nakaka-apekto rin ito sa quality of life.

Sa kabutihang palad, kung hindi ito dulot ng malubhang sakit, madali lamang gamutin ang pananakit ng leeg at batok. Sa maraming kaso, pahinga, pag-inom ng painkiller, at ehersisyo lamang ang kailangan para mawala ang pananakit.

Kung dulot naman ng iba pang sakit ang pananakit ng leeg at batok, puwedeng sumailalim sa iba-ibang treatment option ang pasyente. Ilan sa mga ito ang physical therapy, pag-inom gamot laban sa pananakit, at steroid injections. Mayroon ding surgery para mabawasan ang compression sa spinal cord at sa mga ugat sa paligid ng leeg.

Ano ang Stiff Neck?

May iba-ibang uri ng pananakit ang puwedeng maramdaman sa leeg at batok. Ilan sa mga ito ang shooting pain o iyong biglaang pananakit na kumakalat papunta sa ibang bahagi; stabbing pain o iyong pananakit na parang tinutusok o sinasaksak; at dull pain o iyong tumatagal na pananakit ngunit kayang tiisin.

Isa pang karaniwang uri ng pananakit ng leeg at batok ang stiff neck, kung saan naninigas ang mga muscle at nagdudulot ng hirap sa paggalaw ng leeg. Kasabay nito, puwede ring maranasan ang pananakit ng ulo, mga balikat, at maging ng mga braso.

Ilan sa mga sanhi ng paninigas ng mga muscle sa leeg ang pagkaka-strain ng levator scapulae, o ang muscle na nagdurugtong sa cervical spine sa mga balikat. Matatagpuan ang levator scapulae sa likod at gilid ng leeg. Mabilis itong mapinsala, kung kaya naman madalas ding maranasan ng maraming tao ang stiff neck.

Kadalasan, ang stiff neck ay sanhi ng pangit o maling posture sa pag-upo at pagtulog, mga sports injury, paulit-ulit na pagkilos ng leeg, at stress. Kung hindi matukoy ang dahilan nito, magpunta sa doktor para magpakonsulta.

Ano ang Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Leeg at Batok?

Maraming puwedeng maging sanhi ng pananakit ng leeg at batok. Kasama na rito ang mga sumusunod:

  • Physical strain dahil sa paulit-ulit na pagkilos. Halimbawa, sa pag-freestyle stroke sa swimming, kailangang paulit-ulit na igalaw ang leeg upang mapanatili ang ulo sa ibabaw ng tubig.
  • Physical strain dahil sa maling posture. Halimbawa, kung hindi maayos ang iyong pag-upo at nakatingala ka habang nanonood ng telebisyon, puwedeng sumakit ang iyong leeg at batok.
  • Kasama sa pagtanda ang paghina ng mga buto at muscle, kasama na rito ang cervical spine. Tumataas din ang panganib ng mga nakatatanda na magkaroon ng degenerative diseases, katulad ng osteoarthritis, na nakakaapekto sa mga buto at nagdudulot ng pananakit.
  • Iba’t ibang mga injury. Maraming uri ng injury ang puwedeng magdulot ng pananakit ng leeg at batok. Halimbawa, sa isang car accident, isang pangkaraniwang injury ang whiplash. Ito ay ang pananakit o minsan ay paninigas ng leeg dahil sa mabilis na pagbuwelta ng ulo na parang latigo.
  • Pagkakaroon ng mga tumor, cyst, at iba pang bukol sa leeg o malapit sa leeg. Dahil sa mga bukol na ito, puwedeng maipit ang mga ugat sa leeg at magdulot ng pananakit.
  • Kapag naii-stress ang isang tao, hindi niya namamalayan na naiipon na pala ang tension sa kanyang leeg, mga balikat, at likod. Kapag nagtagal, namumuo ang tightness sa mga muscle sa mga bahaging ito ng katawan at siyang nagiging sanhi ng pananakit.
  • Iba’t ibang kondisyong medikal. Ang pananakit ng leeg at batok ay sintomas ng maraming uri ng karamdaman, katulad ng rheumatoid arthritis, iba-ibang uri ng kanser, meningitis, at pagkipot ng spinal canal (cervical stenosis).

Mayroon ding pag-aaral na nagsasabing may kinalaman ang mataas ng cholesterol levels sa paghina at pagkasira ng cervical spine. Ibig sabihin, puwedeng indikasyon ng hypercholesterolemia ang pananakit ng leeg at batok. Upang makatiyak sa estado ng iyong kalusugan, magpakonsulta sa iyong doktor at magpasuri ng dugo.

Sa kabilang banda, wala pang tiyak na kaugnayan ang pananakit ng leeg at batok sa hypertension. Tandaan din na ang pananakit ng anumang bahagi ng katawan ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyon. Kagaya ng unang nabanggit, mas mabuting magpunta at magpakonsulta sa iyong doktor upang makasigurado sa tunay na sanhi ng anumang pananakit sa katawan at magamot ito kaagad.

Ano ang Iba Pang Puwedeng Maramdaman Kasabay ng Pananakit ng Leeg at Batok?

Maliban sa pananakit ng mismong leeg at batok, puwede ring makaramdam ng iba pang sintomas ang pasyente. Kasama na rito ang mga sumusunod: pananakit ng ulo, pamamanhid ng mga balikat at braso, paninigas ng leeg at mga balikat, at limitadong range of motion o kaya ay hirap sa paggalaw ng leeg.

Paano Maiiwasan ang Pananakit ng Leeg at Batok?

Kahit sino ay puwedeng makaranas ng pananakit ng leeg at batok, subalit mas pangkaraniwan ito sa mga mas nakakatanda. Sa kabutihang palad, maaaring maiwasan ang sintomas na ito sa maraming paraan. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

  • Gumamit ng karagdagang unan sa pagtulog upang mabigyan ng suporta ang ulo, leeg, at likod.
  • Iwasan ang matulog nang nakadapa o kaya ay nakatihaya subalit nakabaling ang ulo sa kaliwa o kanan.
  • Sikaping mapanatili ang good posture, lalo na habang nakaupo at gumagamit ng computer. Gumamit ng ergonomic na upuan, ituwid ang likod, ipantay ang mga balikat, at ilapat ang mga paa sa sahig. Sikapin ding ilagay sa angkop na posisyon ang mga screen katulad ng monitor o TV upang hindi na kailangang tumingala para makita ang naka-display sa mga ito.
  • Tumayo at mag-unat matapos ang mahabang oras ng pagkakaupo.
  • Gumamit ng lumbar support pillow habang nakaupo sa opisina o kaya ay nagmamaneho upang mapanatili ang magandang posisyon ng likod at maiwasan ang pananakit ng gulugod.
  • Bawasan ang oras sa paggamit ng cellphone. Ang matagal na pagyuko ay nagdudulot ng muscle strain sa batok.
  • Iwasan ang pagpasan ng mabibigat na bagay sa iyong mga balikat. Halimbawa, sa halip na gumamit ng backpack para mag-empake ng gamit para sa isang bakasyon, gumamit na lamang ng maletang may gulong.
  • Mag-ehersisyo. Para sa iyong leeg, mabisa ang stretching, neck tilts, neck turns, at iba pa. Makatutulong rin ang mga ehersisyo para sa mga balikat at likod, lalo na ang mga workout para sa mga back extensor muscle. Nakakabit kasi ang mga muscle na ito sa gulugod; kung mas malakas ang iyong mga back extensor muscle, mas masususportahan ng mga ito ang iyong leeg.

Ano ang mga Posibleng Komplikasyon Pananakit ng Leeg at Batok?

Hindi isang sakit o karamdaman ang pananakit ng leeg at batok, kundi isa lamang sintomas. Gayunpaman, kung hindi ito maaagapan, puwede itong magdulot ng mga hindi kanais-nais na epekto. Ilan sa mga ito ang:

  • Pagbaba ng quality of life. Kapag palaging masakit ang iyong leeg at batok, mas nabibigyan mo ito ng atensyon sa halip na mas makabuluhang bagay.
  • Pagbaba ng productivity. Ang anumang chronic pain ay puwedeng makaapekto sa productivity ng isang tao, lalo na kung physically demanding ang gawain. Gayundin, ang pananakit ng leeg at batok ay puwedeng makaapekto sa pagtutok at maging dahilan ng mga pagkakamali.
  • Pagkasira ng mga ugat sa leeg at balikat. Maaari itong mauwi sa paghina ng mga muscle, pamamanhid, o chronic pain.

Kailan Dapat Magpakonsulta sa Doktor o Pumunta sa Ospital Dahil sa Pananakit ng Leeg at Batok?

Kung dulot lamang ng muscle strain ang pananakit ng leeg at batok, hindi na kailangan pang pumunta sa doktor o ospital dahil posibleng mawala ang pananakit sa loob ng ilang oras o araw. Subalit, may mga pagkakataon na kailangan ng madaliang atensyong medikal ang pananakit ng leeg at batok. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

  • Sumakit ang leeg o batok pagkatapos ma-injure ng ulo
  • Hindi nawawala ang pananakit kahit uminom ng mga over-the-counter painkiller
  • Umabot ng higit pa sa isang linggo ang pananakit
  • Kumakalat ang pananakit pababa sa isang braso
  • Namamanhid ang mga braso at kamay
  • Nanghihina ang mga binti
  • Nawawalan ng koordinasyon ang mga braso at binti
  • Hindi tiyak kung ano ang sanhi ng pananakit ng leeg o batok

Sa kasamaang palad, ang pananakit ng leeg o batok na dulot ng isang chronic condition ay hindi na rin mawawala. Sa halip, kailangan ng pasyente ng maintenance treatment upang hindi maging sagabal ang pananakit ng leeg at batok sa kanyang pang-araw-araw na buhay.

Sanggunian