Ano ang Pananakit ng Likod?

Ang pananakit ng likod o back pain, na kilala rin sa pangalang “dorsopathy” sa larangan ng medisina, ay isang kondisyon kung saan nakararamdam ng pananakit sa anumang bahagi ng likod. Sa maraming kaso ng pananakit ng likod, ang ibabang bahagi o lower back ang naaapektuhan. Gayunman, halos lahat ng bahagi ng likod and puwedeng makaramdam ng pananakit, kabilang na ang mga talim ng balikat o shoulder blades at maging ang gilid ng gulugod o spine.

Maraming puwedeng maging sanhi ang pananakit ng likod, katulad na lamang ng injury na dulot ng aksidente (halimbawa, pagkadulas o pagkahulog), hindi magandang postura sa pag-upo, at pagbubuhat ng mabibigay na bagay. Puwede ring magdulot ng pananakit ng likod ng mga babae ang pagbubuntis, lalo na kung nasa third trimester na.

Sa kabutihang palad, kusang nawawala ang maraming kaso ng pananakit ng likod. Minsan ay kailangan lamang ipahinga o i-masahe ang mga muscle na naapektuhan. Kung matindi ang nararamdamang pananakit, may mga over-the-counter painkiller na puwedeng inumin.

May ilang pagkakataon din na ang pananakit ng likod ay dulot ng ibang karamdaman, katulad na lamang ng arthritis, rayuma, o maging bone cancer. Kung matagal na ang nararamdamang pananakit ng likod at hindi nakakatutulong ang pagpapahinga at pag-inom ng painkiller, mas makabubuting magpakonsulta na sa doktor upang mabigyan ng tamang diagnosis at treatment.

Ano ang mga Sintomas na Nararamdaman Kasabay ng Pananakit ng Likod?

May iba-ibang uri ng pananakit ang puwedeng maramdaman ng isang pasyente sa kanyang likod, batay sa kung ano ang sanhi nito. Halimbawa, puwedeng makaramdam ng squeezing pain o tila pinipiga ang mga kalamnan kung dulot ng overexertion ang pananakit ng likod. Kung naaksidente naman ang pasyente, halimbawa ay sa isang car crash, puwedeng throbbing pain o tila kumikibot na pananakit ang kaniyang maramdaman.

Gayundin, may iba pang mga sintomas and puwedeng maramdaman kasabay ng pananakit ng likod. Ito ay dahil malaking bahagi ng katawan ang likod, at maraming iba pang bahagi ng katawan ang malapit o nakadikit dito. Ilan sa mga sintomas ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng isa o parehong balikat
  • Pananakit ng isa o parehong shoulder blades
  • Pananakit ng gulugod o spine
  • Pananakit ng leeg
  • Pananakit ng tailbone o kuyukot
  • Pagkalat ng pananakit sa balakang, hita, at binti
  • Pananakit ng likod tuwing tumatayo o lumalakad lamang
  • Pagkawala ng pananakit tuwing nadidiinan ang likod (halimbawa, kapag nakahiga)

Ano ang mga Uri ng Pananakit ng Likod

Batay sa kung gaano katagal ang nararamdamang pananakit ng likod, puwede itong maituring na acute, subacute, o kaya ay chronic.

Ang acute back pain ay puwede ring tawaging short-term back pain dahil mabilis lamang itong humupa. Sa maraming kaso, biglaang nararamdaman at hindi tumatagal nang higit sa isang buwan ang ganitong uri ng pananakit ng likod. Pagdating naman sa uri ng pananakit, stabbing pain o parang tinutusok ang kadalasang paglalarawan sa ganitong kondisyon.

Ang subacute back pain ay isang uri ng pananakit ng likod na hindi hihigit sa tatlong buwan. Halos katulad lamang ito ng acute back pain, lalo na pagdating sa uri ng pananakit.

Panghuli, ang chronic back pain ay kung saan long-term ang pananakit. Tumatagal ito ng higit pa sa tatlong buwan, o kung minsan ay habambuhay na depende sa sanhi nito. Maraming kaso rin ng chronic back pain ay nagsisimula bilang mild o moderate pain lamang, ngunit sa pagtagal ng panahon ay tumitindi na ang pananakit.

Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Likod

 

Maraming iba’t ibang sanhi ang pananakit ng likod, kabilang na ang mga sumusunod:

Labis na timbang

Kung labis ang timbang ng isang tao, nahihirapan ang likod na panatilihing upright o tuwid ang katawan kung kaya naman nauuwi ito sa back pain. Sa kalaunan, puwedeng makuba ang isang taong obese o overweight. Puwede ring magkaroon ng injury ang kanyang spine.

Maling postura

May tamang posturang dapat sundin sa pag-upo at pagtayo upang mapanatili ang tamang pagkakahanay o alignment ng mga buto sa likod. Kung patuloy na pangit ang postura sa pag-upo at pagtayo, puwede itong magdulot ng pananakit ng likod. Puwede ring kumalat ang pananakit sa mga balikat o kaya naman ay sa balakang.

Pagbubuntis

Maraming kababaihang buntis ang nakararamdam ng pananakit ng likod pagdating ng third trimester. Ito ay dahil lumalaki na ang sanggol sa sinapupunan, na nagdudulot ng karagdagang pressure sa likod at balakang.

Injury

Kapag nakaranas ng injury ang likod, halimbawa na lamang ay sa sports o kaya ay sa isang aksidente, pwede itong magdulot ng pananakit. Batay sa uri ng injury, puwedeng maging acute o chronic ang pananakit na dulot nito.

Pagbubuhat ng mabibigat na bagay

Kapag nagbuhat ng mabigat na bagay ang isang tao, napupuwersa ang kanyang mga muscle. Nagkakaroon din ng dagdag na pressure sa likod kapag nagbubuhat ng mabibigay, kung kaya naman nananakit at nangangalay ang likod.

Mga Karamdamang May Kinalaman sa Buto

Maraming sakit katulad ng scoliosis, osteoporosis, at arthritis ang puwedeng magdulot ng pananakit ng likod. Ito ay dahil nakatuon ang epekto ng mga sakit na ito sa mga buto.

Vertebral tumor

Ang vertebral tumor ay isang kondisyon kung saan may tumutubong tumor sa mga buto ng gulugod o spine na siyang nagdudulot ng pananakit. Madalas ay benign lamang ang mga ganitong tumor, ngunit mayroon ding mga kaso na cancerous ang mga ito. Gayunman, mahalagang magamot ang vertebral tumor, cancerous man ito o hindi, dahil puwede itong magdulot ng permanent disability kung hindi maagapan.

Ano ang Maaaring Maging Komplikasyon ng Pananakit ng Likod

Kapag masakit ang likod ng isang tao, nahihirapan siyang kumilos. Dahil dito, puwedeng maapektuhan ang kanyang level of activity. Dahil dito, tumataas ang panganib na magkaroon siya ng mga sakit katulad ng diabetes, cardiovascular disease, at arthritis.

Puwede ring magdulot ng nerve damage ang pananakit ng likod kung hindi ito maagapan. Kung tuluyang masira ang mga nerve o ugat, puwedeng mauwi ang kondisyon sa mas malalang mga injury, pagkadisporma ng likod, at maging problema sa tiyan o bowel movement.

Sanggunian:

  • https://www.philstar.com/opinyon/2011/09/22/729254/masakit-ang-likod-anong-dahilan
  • https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/back-pain/symptoms-causes/syc-20369906
  • https://www.medicalnewstoday.com/articles/172943.php
  • https://www.philstar.com/headlines/2019/05/08/1916020/1-million-pinoys-afflicted-chronic-back-pain-group
  • https://www.philstar.com/business/2015/11/01/1517272/back-pain-most-common-work-illness-psa-survey
  • https://www.sciencedaily.com/terms/back_pain.htm
  • https://www.tandfonline.com/doi/pdf/10.3109/17453678909153916
  • http://owensborohealthse3.adam.com/content.aspx?productId=75&isArticleLink=false&pid=75&gid=000001
  • https://www.ibji.com/back-pain-types-causes-and-treatment/
  • https://www.spine.org/KnowYourBack/Conditions/Low-Back-Pain/Acute-Low-Back-Pain
  • https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/back-pain/diagnosis-treatment/drc-20369911
  • https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC486942/
  • https://www.medicalnewstoday.com/articles/284869.php
  • https://consumer.healthday.com/encyclopedia/back-care-6/backache-news-53/back-pain-and-smoking-645336.html