Ano ang Pananakit ng Paa?

May dalawang pangunahing papel ang mga paa ng isang tao: (1) ang pagsalo o pagsuporta sa timbang (weight) upang mapanatili ang balanse at (2) ang propulsion o forward movement para sa paglakad at pagtakbo. Dahil sa mga gampaning ito, isang pangkaraniwang karanasan para sa maraming tao ang pananakit ng isa o parehong paa.

Ang bawat isang paa ng isang tao ay binubuo ng 26 na buto na pinagdurugtong ng mga muscle at litid (tendon). Nahahati rin ang paa sa tatlong bahagi. Ang forefoot ang unahang bahagi ng paa, kung saan matatagpuan ang mga daliri. Ang midfoot ang gitnang bahagi ng paa, kung saan matatagpuan ang arch. Ang hindfoot naman ang likurang bahagi ng paa, kung saan naroon ang sakong (heel) at bukong-bukong (ankle).

Kapag nagkaroon ng injury ang alinman sa mga bahagi ng paa o kaya ay nagkaroon ng isang karamdaman na nakaaapekto sa mga buto o muscle paa, nagdudulot ito ng pananakit ng paa.

Ano ang mga Sanhi ng Pananakit ng Paa?

Maraming puwedeng maging sanhi ang pananakit ng paa, kasama na ang overuse at over-exertion na katulad ng mga sumusunod:

  • Pagtayo sa loob ng mahabang oras
  • Matagal na paglalakad o pagtakbo
  • Pagsasagawa ng high-impact exercise, katulad ng pagtakbo o paggamit ng jumping rope
  • Paglalaro ng sports, katulad ng football o soccer at track and field, kung saan kailangan ng mga manlalaro na tumakbo o tumalon

Marami ring uri ng injury ang maaaring magdulot ng pananakit ng paa, katulad ng:

  • Pagkakaroon ng sprain dahil natapilok o nadapa
  • Pagkakaroon ng fracture sa alinmang buto sa paa

Puwede ring magdulot ng pananakit ng paa ang pagtanda. Ito ay dahil kusang nababawasan ang muscle mass at bone density ang isang tao pagdating sa edad na 40.

Marami ring uri ng karamdaman at foot problem ang puwedeng maging sanhi ng pananakit ng paa. Ilan sa mga halimbawa ng mga ito ang:

Plantar Fasciitis

May bahagi sa ilalim ng paa na tinatawag na plantar fascia, isang malaki at makapal na tissue na tila rubber band. Pinagdurugtong ng plantar fascia ang sakong at mga daliri ng paa; ito rin ang bahagi na nagpapanatili sa hugis ng arko ng paa.

Kapag nagkaroon ng pamamaga ang plantar fascia, tinatawag itong plantar fasciitis. Madalas itong maranasan ng mga atletang tumatakbo ng malalayong distansya o kaya ay sa mga hindi patag na lugar. Karaniwan din ang plantar fasciitis sa mga taong may problema sa arko ng paa. Puwede ring sumakit ang plantar fascia ng isang tao kung labis ang kanyang timbang, o kaya ay kung hindi sapat ang arch support ng kanyang sapatos.

Achilles Tendon Injury

Ang Achilles tendon ang nagdurugtong sa mga muscle ng binti (calf) sa sakong. Kapag sumailalim sa matinding stress at strain ang Achilles tendon dahil sa paulit-ulit na pagtakbo at pagtalon, puwede itong magkaroon ng injury at magdulot ng pananakit ng paa sa bandang sakong.

May mga malubhang kaso kung saan napupunit ang Achilles tendon. Puwede itong makaapekto sa kakayahan ng isang tao na tumayo, lumakad, at tumalon. Sa kabutihang palad, may surgical at non-surgical treatment option upang maibalik sa dati ang Achilles tendon.

Heel Spurs

May mga pagkakataon na may tumutubong maliit na buto na hugis tari (spur) sa sakong. Ang tawag dito ay heel spur at nagdudulot ito ng matinding pananakit kapag nakatayo o naglalakad. Ayon sa mga pagsasaliksik, isang stress response ang paggawa ng katawan ng labis na bone tissue na siyang nagiging heel spur sa pagtagal ng panahon.

Karaniwang nagkakaroon ng ganitong kondisyon ang mga taong may plantar fasciitis at problema sa arko ng paa. Marami ring atleta ang nagkakaroon ng heel spurs, lalo na sa mga sports na kailangan ang pagtakbo at pagtalon.

Morton’s Neuroma

Sa Morton’s neuroma, kumakapal ang mga tissue sa paligid ng mga ugat papunta sa mga daliri ng paa. Nagdudulot ito ng pananakit sa bahagi ng paa kung saan nakadugtong ang mga daliri papunta sa unahang bahagi ng midfoot. Minsan din ay nagiging mahapdi o namamanhid ang mga apektadong daliri.

Maraming pag-aaral ang nag-uugnay sa pagsusuot ng high heels at masisikip na sapatos ang pagkakaroon ng ng Morton’s neuroma. Kung kaya naman, upang maiwasan ang kondisyong ito, mainam na magsuot ng sapatos na mababa lamang ang takong at mas malapad ang toe box.

Bunions

Kapag may bunion ang isang tao, ibig sabihin nito ay may nakausling buto sa gilid ng malaki o maliit na daliri sa paa. Nangyayari ito kapag naging misaligned ang mga buto sa paa, kadalasan dahil sa pagsusuot ng masikip na sapatos. Ito ang nagiging sanhi naman ng pagkakaipit ng mga daliri sa paa.

Sa malulubhang kaso ng bunion, puwedeng mabaliko nang husto ang hinlalaki sa paa at magkaroon ng karagdagang misalignment ang mga buto nito. Ang tawag sa kondisyong ito ay hammer toe, dahil ang nakabaluktot na daliri ay hugis martilyo.

Ingrown na Kuko

Ang ingrown toenail ay isang kondisyon kung saan tumutubo ang gilid ng kuko papasok sa balat sa tabi nito. Nagdudulot ito ng pananakit ng apektadong daliri at kuko, lalo na kapag nadidiinan ang daliri. Sa kabutihang palad, kung minor pa lamang ang kaso ng ingrown na kuko, madali lamang itong alisin. Subalit, kung nagkaroon na ng impeksyon ang kuko, kailangan na nito ng antesiyong medikal.

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng ingrown toenail, gupitin nang diretso sa halip na pakurba ang mga kuko sa paa. Magsuot din ng tamang sukat ng medyas, stockings, at sapatos upag hindi maipit ang mga daliri sa paa.

Flat Footedness

Kapag nakatayo ang isang tao nang walang sapatos, hindi lumalapat ang kanyang buong talampakan sa sahig o lupa. Ito ay dahil sa arko ng paa o foot arch, na tumutulong sa paa na suportahan ang timbang ng tao habang siya ay nakatayo o naglalakad. Kung hindi sapat o walang arko ang paa ng isang tao, ibig sabihin ay mayroon siyang flat feet o pes planus. Tinatawag din itong fallen arch.

Madalas ay nagdudulot ng pananakit ng gitnang bahagi ng paa ang flat footedness. Dahil sa kakulangan ng balanse at tamang suporta sa bigat ng katawan, madalas ding makaranas ng pananakit ng balakang, ibabang bahagi ng likod, at tuhod ang mga may flat feet.

Diabetic Neuropathy

Kapag may diabetes ang isang tao, mas mataas ang kanyang risk na magkaroon ng neuropathy o pinsala sa mga ugat. Dahil mas malayo ang mga ito sa spinal cord, madalas na unang naaapektuhan ng diabetic neuropathy ang mga paa. Karaniwang nagdudulot ang kondisyong ito ng pananakit, pamamanhid, at pamumulikat (cramping) ng mga paa at binti. Minsan din ay nagiging napakasensitibo ang mga apektadong bahagi, kung saan kahit bahagyang pressure lamang ay nagdudulot na ng matinding pananakit.

Gout

Ang gout ay isang kondisyon kung saan naiipon sa katawan ang uric acid. Nagdudulot ito ng pagmamanas, pamamaga, at pananakit ng mga kasukasuan, lalo na sa mga paa at bukong-bukong. May mga tinatawag na “flare-up” ang gout, kung saan nagkakaroon ng biglaan at matinding pananakit ang mga apektadong bahagi.

Arthritis

Ang arthritis ay isang uri ng karamdaman sa mga kasukasuan, kung saan nababawasan o nagkakaroon ng pinsala ang mga cartilage na nagsisilbing cushion sa dugtungan ng mga buto. Dahil dito, nagkikiskisan ang mga buto; ito ang nagdudulot ng pananakit. Tandaan na iba ang arthritis sa rheumatoid arthritis, na isang autoimmune disease.

Paano Maiiwasan ang Pananakit ng Paa?

Sa kabutihang palad, maraming simpleng bagay ang puwedeng gawin upang maiwasan ang pananakit ng paa. Narito ang ilang payong magandang sundin

  • Magsuot ng tamang sukat ng sapatos. Sa mga kababaihan, huwag dalasan ang pagsuot ng high heels at pointed-toe shoes.
  • Magsuot ng sapatos na may sapat na cushioning para sa talampakan at foot arch.
  • Magsuot ng footwear na angkop sa gawain. Halimbawa, huwag magsuot ng tsinelas para sa pag-eehersisyo.
  • Maglaan ng oraspara magpahinga kung matagal nang nakatayo, naglalakad, o tumatakbo.
  • Magbawas ng timbang o panatilihin ang tamang timbang para sa iyong edad at tangkad.
  • Mag-warm-up muna bago magsimulang mag-ehersisyo o maglaro ng aktibong sports.
  • Gumamit ng athletic tape o medyas na may karagdagang suporta sa paa kung mag-eehersisyo o maglalaro ng aktibong sports.
  • Iwasan ang madalas na paglalakad o pagtakbo sa mga steep incline.
  • Mag-ingat sa paglalakad upang hindi aksidenteng matapilok o madapa.

Sa kasamaang palad, kung mayroon kang karamdaman na nagdudulot ng pananakit ng paa, mahirap na itong maiwasan. Ang pinakamabuting gawin ay sundin ang payo ng iyong doktor pagdating sa maintenance ng iyong kondisyon.

Ano ang Gamot sa Pananakit ng Paa?

Para sa pananakit ng paa dulot ng overuse at over-exertion, puwedeng uminom ng mga over the counter pain reliever upang mabawasan ang pananakit. Kung sprain ang dulot ng pananakit, magandang gawin ang RICE method o rest, ice, compress, at elevate. Puwede ring bigyan ng banayad na masahe ang apektadong bahagi upang ma-relax ang mga muscle.

Para sa mga mayroong karamdaman na nagdudulot ng pananakit ng paa, sundin ang payo ng iyong doktor tungkol sa pag-inom ng gamot, lifestyle changes, at iba pang treatment advice upang maibsan o mabawasan ang dalas ng pananakit ng paa.

Panghuli, may mga kaso ng pananakit ng paa na kailangan na ng surgery. Kabilang sa mga ito ang malulubhang kaso ng bunions, hammer toe, plantar fasciitis, at pagkapunit ng Achilles tendon.

Kapag mayroong injury o anumang pananakit na nararamdaman sa paa, mahihirapang kumilos ang isang tao. Kung kaya naman, mabuting alamin ang mga posibleng sanhi ng pananakit ng paa upang maiwasan ang mga ito hangga’t maaari at bantayan mabuti ang kalusugan upang bumaba ang panganib na magkaroon ng kondisyon na nakaaapekto sa mga paa.

Sanggunian