Ano ang Pananakit ng Puson
Ang anumang pananakit na nararamdaman sa pagitan ng dibdib at singit ay puwedeng matawag na “abdominal pain.” Ito ay dahil malaki ang bahaging sinasakop ng tiyan sa katawan. Dagdag pa rito, maraming organs ang matatagpuan sa tiyan. Kasama na rito ang:
- tiyan (stomach) at mga bituka
- appendix
- ovaries, fallopian tubes, at uterus ng mga kababaihan
- pantog at daluyan ng ihi
- spleen o pali
- pancreas o lapay
- gallbladder o apdo
- atay
- mga bato o kidneys
Upang mapadali ang diagnosis ng mga sakit, hinahati ng mga healthcare providers ang buong abdomen sa apat na magkakaibang region: ang right upper quadrant, left upper quadrant, right lower quadrant, at left lower quadrant. Ang dalawang upper quadrant ay tinatawag na upper abdomen at ang dalawang lower quadrant naman ay tinatawag na lower abdomen. Sa Filipino o Tagalog, tinatawag ang bahaging ito na puson.
Ang pananakit ng puson ay kadalasang sintomas ng isa o higit pang medical condition na nakaka-apekto sa mga organ na nasa lower quadrant ng tiyan. Kabilang sa mga ito ang mga bituka, reproductive organs ng mga kababaihan, at ang appendix.
Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Puson
Iba-iba ang posibleng sanhi ng pananakit ng puson. Sa maraming pagkakataon, dulot ito ng indigestion, kabag, constipation o pagtitibi, diarrhea o pagtatae, at iba pang minor digestive issues. Puwede ring magdulot ng pananakit ng puson ang alerhiya o intolerance sa mga pagkain. Halimbawa, ang mga taong may lactose intolerance ay maaaring makaranas ng kabag pagkatapos kumain o uminom ng dairy products.
May mga kaso rin kung saan hindi mismo ang puson ang tunay na masakit, kundi ibang bahagi ng katawan na malapit sa puson. Halimbawa, kapag masakit ang iyong mga kidney dahil sa impeksyon, may posibilidad na umabot ang pananakit sa puson. Sa mga kalalakihan, puwedeng makaramdam ng pananakit ng puson kasabay ng testicular pain. Ang tawag sa ganitong pananakit ay referred pain.
Kasama rin sa mga pangkaraniwang sanhi ng pananakit ng puson ang mga sakit sa bituka (gaya ng diverticulitis), dahil nasa ibabang bahagi ng abdominal cavity ang mga ito. Ilan sa mga halimbawa ng sakit sa bituka na nagdudulot ng pananakit ng puson ang:
- Pamamaga o inflammation ng maliit na bituka (enteritis)
- Pamamaga o inflammation ng malaking bituka (colitis)
- Mga impeksyon sa bituka
- Ulcer
- Inflammatory bowel disease o IBD
- Celiac disease
- Pagkakaroon ng bara sa mga bituka
- Kanser sa bituka
Marami pang ibang uri ng sakit ang puwedeng magdulot ng pananakit ng puson, katulad ng:
Appendicitis
Ang appendicitis ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng impeksyon ang appendix, isang organ na matatagpuan sa dulo ng large intestine. Kapag nagkaroon ng pagbabara sa lining ng appendix, mabilis na naiipon ang bacteria na siyang nagdudulot ng impeksyon, pamamaga, at pagka-ipon ng nana (pus).
Madalas, nakakaranas ng pananakit sa bandang pusod ang mga may appendicitis. Habang lumulubha ang impeksyon at pamamaga, unti-unting tumitindi at kumakalat ang pananakit papunta sa puson at sa ibabang kanan (lower right) ng tiyan. Isang senyales din ng pananakit ng puson na dulot ng appendicitis ang pagtindi ng sakit na nararamdaman kapag umuubo o bumabahing.
Delikado ang appendicitis at kailangang magamot ito kaagad para hindi pumutok ang appendix at maging sanhi ng pagkalat ng pagkalat ng impeksyon sa buong katawan. Ang tawag sa kondisyong ito ay sepsis at puwede itong maging sanhi ng pagkamatay ng pasyente kapag hindi naagapan.
Bukod sa pananakit ng puson at ibabang kanan ng tiyan, ilan pa sa mga sintomas ng appendicitis ang pagduduwal at pagsusuka, kawalan ng ganang kumain, at bahagyang pamamaga ng tiyan. Mayroon ding mga pasyente na nakakaranas ng lagnat at hindi pag-utot kahit may pakiramdam na puno na ng hangin ang tiyan.
Urinary Tract Infection
Nagkakaroon ng UTI o urinary tract infection ang isang tao kapag may nakapasok na bacteria sa kanyang urethra o daanan ng ihi. Maliban sa pananakit ng puson, ilan pa sa mga sintomas ng UTI ang hirap sa pag-ihi, paghapdi o pananakit ng ari, kakaunting ihi, at pakiramdam na tila ba naiihi kahit wala namang laman ang pantog. Isa ring senyales ng UTI ang maulap o cloudy na itsura ng ihi.
Impeksyon sa Kidney
Sa maraming pagkakataon, ang impeksyon sa isa o parehong kidney ay nagsisimula sa pagkakaroon ng impeksyon sa pantog o bladder na dulot ng bacteria o fungi. Kapag hindi nagamot, pwedeng kumalat ang impeksyon papunta sa mga bato.
Madalas, ang mga sakit na nakakaapekto sa mga kidney ay nagdudulot ng pananakit ng likod. Gayunpaman, sa ibang mga kaso, puwede ring makaranas ang isang taong may impeksyon sa bato ng pananakit ng puson at singit. Ito ay lalo na kung nahihirapan na sa pag-ihi ang pasyente.
Kung sa iyong palagay ay meron kang kidney infection, agad na magpakonsulta sa doktor upang ma-diagnose at mabigyan ng treatment. Kapag hinayaang lumala ang kondisyon, puwede itong magdulot ng permanenteng pagkapinsala ng mga bato.
Kidney Stone
Ang kidney stone o bato sa bato ay ang mga naipong asin at iba pang mineral sa bato. Madalas ay hindi napapansin ng mga tao na meron na pala sila nito, dahil maliit lang at madaling sumama sa ihi ang mga namuong asin at mineral crystals. Subalit, kapag lumaki na ang mga bato sa bato, nagdudulot na ito ng pananakit ng puson at impeksyon.
Acute Urinary Retention
Kapag ang isang tao ay nawalan ng kakayahang umihi o kaya ay hindi mailabas ang lahat ng laman ng kanyang pantog sa isang pag-ihi, mayroon siyang kondisyon na tinatawag na urinary retention. Kadalasang dulot ito ng blockage sa daanan ng ihi. Halimbawa, kung may enlarged prostate ang isang lalaki, pwede nitong maipit o maharangan ang pagdaloy ng ihi.
Maliban sa unang nabanggit, kasama rin sa mga sintomas ng ng acute urinary retention ang pananakit ng tiyan at puson. Kailangang magamot kaagad ang kondisyong ito dahil puwede itong maging sanhi ng kidney damage at urinary incontinence.
Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Puson ng mga Babae
Para sa mga kababaihan na mayroong female reproductive organs, maraming mga kondisyon ang puwedeng magdulot ng pananakit ng puson. Madalas, may kinalaman ito sa menstrual cycle at reproductive system. Isa sa mga karaniwang sanhi ng pananakit ng puson sa mga babae ang dysmenorrhea, o menstrual cramps. Puwede namang uminom ng painkiller para mawala ang pananakit na dulot nito, ngunit may mga kondisyon kung saan napakatinding sakit, pagkahilo, at pagsusuka ang nararamdaman ng pasyente.
Bukod sa dysmenorrhea, ilan pa sa mga kondisyon na puwedeng magdulot ng pananakit ng puson sa mga kababaihan ang mga sumusunod:
Endometriosis
Sa endometriosis, nagkakaroon ng pamumuo ng tissue na katulad ng endometrium o uterine lining sa labas ng uterine cavity. Karamihan sa mga kababaihang may endometriosis ay sa mga ovary at fallopian tube namumuo ang tissue. Subalit, sa mga malubhang kaso, puwedeng makarating hanggang sa pantog ang kondisyon.
Kapag kumapal na ang endometrium-like tissue na ito, nagdudulot ito ng pamamaga at pananakit. Subalit, hindi katulad ng endometrium sa loob ng matres, hindi nailalabas ng katawan ang tissue na namuo dahil sa endometriosis kasabay ng regla. Sa halip, naiipon ito at nagiging sanhi ng fertility issues, scarring, at matinding pananakit tuwing may menstruation. Sa mga malubhang kaso, nagiging parang glue ang namuong tissue at nagdidikit sa mga pelvic organ.
Pelvic Inflammatory Disease
Ang pelvic inflammatory disease o PID ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng impeksyon ang female reproductive organs, katulad ng ovaries, fallopian tubes, at uterus o matres. Madalas ay dulot ng bacteria na siya ring sanhi ng mga sexually transmitted infection (STI) ang PID.
Delikado ang PID kapag kumalat na ang impeksyon sa dugo papunta sa ibang bahagi ng katawan. Kung mayroon kang STI o hindi ka nakasisigurado kung may STI ba ang iyong sexual partner, magpunta kaagad sa iyong doktor para sa tamang diagnosis.
Ectopic Pregnancy
Kapag normal ang pagbubuntis ng isang babae, ang na-fertilize na egg cell ay kumakabit sa uterus. Sa ilang mga kaso, hindi sa uterus napupunta ang fertilized egg, kundi sa fallopian tubes, cervix, o maging sa tiyan. Ang tawag sa kondisyong ito ay ectopic pregnancy.
Para maiwasan ang komplikasyon sa ganitong uri ng pagbubuntis, kailangan ang regular check-ups para mabantayan ang kalusugan. Dapat ding magpunta sa doktor ang isang babaeng buntis oras na makaranas siya ng matinding pananakit sa puson at pagdurugo (vaginal spotting).
Ilan pa sa mga sakit ng mga kababaihan na maaaring maging sanhi ng pananakit ng puson ang kanser sa matres, kanser sa obaryo o ovary, at mga cyst.
Dahil magkalapit lamang ang mga bituka at ang uterus, mahirap malaman kung may kinalaman ba sa repdouctive system ang pananakit ng puson ng isang babae. Kung kaya naman, mas mabuting magpunta sa doktor kung madalas at matindi ang nararanasang pananakit ng puson.
Ano ang Kaibahan ng Lower Abdominal Pain sa Pelvic Pain
Halos pareho lamang ang lower abdominal pain sa pelvic pain. Subalit, sa larangan ng medisina, ginagamit ang “pelvic pain” para tukuyin ang mga kondisyon na may kinalaman sa urinary tract at reproductive organs.
Kailan Dapat Magpunta sa Ospital Kapag Nananakit ang Puson
Maraming kaso ng pananakit ng puson ang minor lamang at hindi kailangan ng immediate medical attention. Subalit, marami ring pagkakataon na malubhang sakit ang dahilan ng pananakit at dapat na mabigyan kaagad ng treatment. Magpunta sa ospital kapag sumasakit ang puson at ikaw ay:
- nakakaranas ng paglobo ng tiyan
- may dugo sa ihi o dumi
- may mataas na lagnat
- nakakaranas ng pagduduwal at pagsusuka
- nahihilo
- nakakaranas ng jaundice o paninilaw ng mga mata at balat
- walang ganang kumain
- hindi nadudumi sa loob ng maraming araw
- buntis
- nagtamo ng pinsala o injury
Gayundin, kung hindi nawawala ang pananakit ng puson o kaya ay biglaan at matindi ang nararanasang pananakit, huwag mag-atubiling pumunta sa doktor para makapagpa-check up.
Sanggunian
- Lower Abdominal Pain: Common Causes & Treatment (clevelandclinic.org)
- Lower Abdominal Pain: Symptoms, Causes, Diagnosis, Treatment (verywellhealth.com)
- Lower Abdominal Pain: Symptoms And Causes – Forbes Health
- Abdominal pain: MedlinePlus Medical Encyclopedia
- Abdominal Bloating and Lower Abdominal Pain (healthline.com)
- Abdominal Pain: Causes, Types & Treatment (clevelandclinic.org)