Ano ang Pananakit ng Sikmura?

Ang sikmura o tiyan ay isang organ na bahagi ng digestive system, kung saan tinutunaw ng katawan ang pagkain sa pamamagitan ng paggiling (grinding) at paghahalo nito sa mga stomach acid. Pagkatapos ng prosesong ito ay ipadadala na ng sikmura ang natunaw na pagkain sa small intestine para naman ma-absorb ang nutrisyon.

Dahil sa function na ito ng sikmura, madalas na may kinalaman sa pagkain at digestion ang pananakit nito. Marami sa mga ito ang hindi naman kailangan ng medical intervention, katulad ng constipation o pagtitibi. Subalit mayroon ding mga kaso na sintomas na pala ng isang chronic digestive disease o mas malubha pang sakit ang pananakit ng sikmura. Tandaan din na puwedeng magdulot ng pananakit ng sikmura ang mga sakit sa bituka.

Ano ang mga Uri Pananakit ng Sikmura?

Maraming uri ng pananakit ng sikmura, batay sa kung paano ito maisasalarawan. Halimbawa nito ang ang sharp pain o iyong pakiramdam na tila tinutusok ang sikmura, o kaya ay burning pain o hapdi na kadalasang dulot ng labis na stomach acid.

Subalit, sa kabuuan, may dalawang pangunahing uri ng pananakit ng sikmura. Ito ay ang acute pain at chronic pain. Ang acute pain ay ang uri ng pananakit na tumatagal lamang ng ilang oras hanggang ilang araw. Ang chronic pain naman ay paulit-ulit o episodic at kadalasang dulot ng mga chronic digestive disease.

Mayroon ding tinatawag na generalized pain at localized pain sa sikmura. Ang generalized pain ay iyong pananakit na nararamdaman sa halos kabuuan ng tiyan, at ang localized pain naman ay ang pananakit sa iisang bahagi lamang ng tiyan. Madalas, ang localized pain ay sintomas ng problema sa isang organ, katulad ng sikmura o appendix (appendicitis).

Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Sikmura?

May dalawang pangunahing sanhi ang pananakit ng sikmura: functional at structural. Kapag functional disorder ang sanhi ng pananakit ng sikmura, ang ibig sabihin nito ay normal o tama ang hitsura ng mga digestive organ ngunit hindi nakagagalaw nang maayos ang mga ito. Dahil dito, hindi natutunaw nang maayos ang pagkain at nagkakaroon ng problema sa kabuuan ng digestive process. Minsan din ay tinatawag “motility disorder” ang mga functional disorder.

Samantala, kapag naman structural disorder ang sanhi ng pananakit ng sikmura, mayroong abnormality sa hugis o kaanyuan ang isa o higit pang digestive organ na siyang nagiging sanhi ng hindi tamang paggana ng mga ito. Isang magandang halimbawa ng structural disorder ay ang pagkakaroon ng colon polyps, kung saan may namumuong mga cell sa malaking bituka na nagiging sanhi ng pagbabara.

Ilan sa mga functional at structural disorder na nagdudulot ng pananakit ng sikmura ang mga sumusunod:

GERD

Ang gastroesophageal reflux disease o GERD ay isang functional disorder kung saan tumatagas ang mga stomach acid at iba pang laman ng sikmura paakyat ng esophagus. Nagdudulot ang GERD ng tinatawag na heartburn, o iyong mahapding pakiramdam sa dibdib at lalamunan.

Maliban sa heartburn, ilan pa sa mga sintomas ng GERD ang pananakit ng sikmura, hirap sa paglunok o dysphagia, at pagka-irita ng lalamunan.

Food Poisoning

Kapag nakakain ang isang tao ng panis na pagkain o kaya ay pagkain na contaminated ng germs, maaari siyang magkaroon ng food poisoning. Ilan sa mga senyales ng kondisyong ito ang pananakit ng sikmura, pagduduwal at pagsusuka, pagtatae o diarrhea, at pakiramdam ng pagkapagod.

Sa kabutihang palad, maraming kaso ng food poisoning ay minor lamang. Pagkalipas ng ilang araw, mawawala na ito nang kusa. Ang pinakamahalagang gawin kapag may food poisoning ay agapan ang dehydration sa pamamagitan ng pag-inom ng malinis at sapat na dami ng tubig.

Pagtatae

Ang diarrhea o pagtatae ay ang pagdumi nang madalas ng matubig at malambot na dumi. Kadalasan ay dulot ito ng bacteria o virus, o kaya ay ng pagkakaroon ng alerhiya (allergy) o sensitivity sa ilang mga pagkain. Karaniwang tumatagal ang diarrhea ng isa hanggang tatlong araw; kung umabot ng mas matagal ang kondisyon o kaya ay paulit-ulit ito, maaaring sintomas na ito ng iba pang sakit.

Maliban sa pagkakaroon ng matubig at malambot na dumi, ilan pa sa mga sintomas ng pagtatae ang pananakit ng sikmura. Puwede ring makaranas ng pagkahilo ang pasyente, lalo na kung nagdudulot na ng dehydration ang sobrang dalas na pagdumi.

Pagtitibi

Ang pagtitibi o constipation ay isang functional disorder sa sikmura na madalas nangyayari kapag kulang ang fiber sa diet o kaya a biglang nag-iba ang diet ng isang tao. Ang mga karaniwang senyales ng pagtitibi ay ang pagkakaroon ng maliit at matigas na dumi, at pananakit ng sikmura. Kapag napasobra ang pag-iri sa pagdumi habang constipated, puwede itong magdulot ng isang structural problem: ang hemorrhoids o almoranas.

Almoranas

Kapag may almoranas ang isang tao, namamaga ang mga daluyan ng dugo sa paligid ng butas ng puwit o anal opening. May dalawang uri ng almoranas: internal at external. Walang gaanong naidudulot na pananakit ang internal hemorrhoids, pero puwede itong magdulot ng pagdurugo habang dumudumi.

Samantala, maaaring magdulot ng matinding pananakit sa puwitan ang external hemorrhoids. Dahil dito, puwedeng mahirapan sa pagdumi at pag-utot ang pasyente. Ang dalawang kondisyong ito ang siya namang nagdudulot ng pamumulikat o kaya ay pananakit ng sikmura.

Kabag

Ang kabag o gas pain o flatulence ay isang kondisyon kung saan naiipon o nata-trap ang hangin sa sikmura. Madalas ay dulot ito ng paglunok ng hangin habang kumakain o umiinom, lalo na kapag mabilis ang pagkain o gumagamit ng straw sa pag-inom. Puwede ring maging sanhi ng kabag ang pangnguya ng chewing gum at pag-inom ng mga carbonated na inumin, katulad ng softdrinks.

Isa ring karaniwang sanhi ng kabag ang pagkakaroon ng excess carbohydrates na hindi natunaw o na-digest. Kapag kinain ito ng mga bacteria sa tiyan at bituka, naglalabas sila ng mga gas na siyang naiipon sa sikmura.

Sa kabutihang palad, maliban sa manaka-nakang pananakit ng sikmura at pakiramdam na punong-puno ang tiyan, madalas na harmless ang kabag.

Impatso (Indigestion o Dyspepsia)

Dyspepsia ang medical term para sa impatso o indigestion. Madalas na dulot ito ng labis na pagkain, subalit puwede ring hind matunawan ang isang tao kung siya ay buntis, naninigarilyo, o umiinom ng mga gamot na nakakaapekto sa tiyan. Ilan sa mga sintomas ng dyspepsia ang pananakit ng sikmura, paulit-ulit na pag-utot at pagdighay, at pagduduwal.

Diverticulitis

Pagdating ng isang tao sa edad na 40 pataas, puwede siyang magkaroon ng mga bulsa o pouch sa mga digestive lining, lalo na sa malaking bituka. Ang tawag sa mga pouch na ito ay diverticula. Wala namng health risk ang pagkakaroon ng diverticula sa sikmura at bituka. Subalit, may posibilidad na magkaroon ang mga diveriticula ng impeksyon at mamaga. Ang kondisyong ito ay tinatawag na diverticulitis.

Ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ang pananakit ng sikmura, pagduduwal at pagsusuka, pagtitibi, at lagnat. Kung mild lamang ang kaso ng diverticulitis, puwede itong gamutin sa bahay gamit ang antibiotic na inireseta ng doktor. Subalit, kung matindi ang impeksyon, kailangan nito ng intensive treatment. May mga kaso ng diverticulitis na kailangang tanggalin ang apektadong bahagi ng bituka, ngunit sa kabutihang palad ay madalang lamang itong mangyari.

Irritable Bowel Syndrome

Ang irritable bowel syndrome o IBS ay isang sakit kung saan nagkakaroon ng madaling mairita ang sikmura at mga bituka. Hindi pa tiyak ng mga dalubhasa ang sanhi ng sakit na ito, ngunit may mga pag-aaral na nagsasabing may kinalaman ito sa nervous system at stress.

Kasama sa mga sintomas ng IBS ang pananakit ng sikmura, pamumulikat ng simura (stomach cramps), diarrhea, constipation, at pakiramdam na parang puno ang tiyan (bloating). Dapat ding tandaan na maraming food trigger ang IBS, kung kaya dapat ay maging maingat sa pagpili at dami ng kinakain ang mga taong mayroong sakit na ito.

Ilan pa sa mga sakit na maaaring magdulot ng pananakit ng sikmura ang kanser sa tiyan at bituka, peptic ulcer, Crohn’s disease, gastroenteritis, pancreatitis, hepatitis, at iba-ibang uri ng malabsorption syndrome.

Kung hindi ka sigurado kung ano ang sanhi ng pananakit ng iyong sikmura o hindi nawawala ang pananakit sa loob ng ilang araw, magpakonsulta na sa doktor para makakuha ng tamang diagnosis.

Kailan Dapat Magpunta sa Ospital Kapag Nananakit ang Sikmura?

Sa maraming pagkakataon, hindi kailangan ng medical intervention ang pananakit ng sikmura. Sa katunayan, puwede itong mawala nang kusa o kaya ay ma-manage sa pamamagitan lamang ng pag-inom ng over-the-counter na gamot.

Subalit, may mga pagkakataon din na senyales na ng malubhang sakit ang pananakit ng sikmura. Magpunta kaagad sa doktor o ospital kung ikaw ay buntis, may kanser, o may injury sa tiyan at nakaranas ka ng pananakit ng sikmura.

Ilan pa sa mga sitwasyon kung saan kailangan ng medical attention ng pananakit ng sikmura ang mga sumusunod:

  • pagsusuka ng dugo o pagdumi na may kasamang dugo
  • hindi makadumi, kasabay ng pagsusuka
  • intense sharp pain sa anumang bahagi ng tiyan, na biglaang naramdaman
  • pananakit ng likod ng balikat (shoulder blades), kasabay ng pagsusuka
  • paninigas ng tiyan
  • hirap sa paghinga o kakapusan ng paghinga
  • higit sa isang linggo na pananakit ng tiyan
  • kawalan ng ganang kumain
  • hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
  • paghapdi ng ari o puson habang umiihi
  • lagnat
  • vaginal bleeding

Isang karaniwang sintomas ang pananakit ng sikmura. Sa katunayan, halos lahat ng tao ay nakakaranas nito sa kanilang buhay. Mahalagang malaman kung ano ang tunay na sanhi ng pananakit ng sikmura upang maagapan ito at magamot ang anumang underlying condition na nagdudulot nito.

Sanggunian