Ano ang Pananakit ng Tadyang (Rib Pain)?

Ang mga tadyang o ribs ay bahagi ng chest wall na tumutulong upang maprotektahan ang puso at mga baga. Bukod sa mga organ na ito sa didbdib, nabibigyan din ng proteksyon ng ibabang bahagi ng tadyang ang mga organ gaya ng atay at spleen o pali. Sa bawat magkabilang tagiliran, mayroong 12 tadyang na sumasakop sa ilalim ng batok, buto ng balikat, at breastbone (sternum o ang gitnang buto ng dibdib).

Mayroong mga cartilage ang mga tadyang na nagdudugtong sa mga ito sa breast bone. Ang cartilage ay isang uri ng tissue na nagbibigay ng flexibility sa mabubutong bahagi ng katawan. Sa mga tadyang, tumutulong ang mga cartilage upang maayos na umalsa o mag-expand ang mga tadyang habang humihinga.

Bukod sa mga cartilage, mayroon ding tinatawag na mga intercostal muscle sa tadyang. Ito naman ay ang mga kalamnan na nasa pagitan ng mga tadyang na may halos kaperahas na tungkulin gaya ng mga cartilage.

Kung ang pasyente ay nakararanas ng pananakit ng tadyang o rib pain, malaki ang posibilidad na alinman sa mga nabanggit na organ, buto, o mga kalamnan ng tadyang ang sanhi nito.

Kadalasang inilalarawan ng isang pasyenteng may rib pain ang nararanasang pananakit na parang tinutusok o sinusuntok ang alinmang bahagi ng tadyang. Bukod dito, maaari ring makaranas ang pasyente ng isa o higit pang mga sumusunod na sintomas:

  • Pagkakaroon ng pasa sa tadyang
  • Hindi normal o pag-iba ng hugis ng chest wall
  • Hirap sa paghinga nang malalim
  • Pananakit ng tadyang habang humihinga nang malalim
  • Pananakit ng mga kasu-kasuan na malapit sa tadyang
  • Pagkakaroon ng depresyon
  • Hirap sa pagtulog

Puwedeng magkaroon ng pananakit ng tadyang dahil sa hindi wastong postura, pisikal na pinsala o injury, pagkapunit o pagkabugbog ng mga kalamnan ng tadyang, labis na pag-ubo, o pagkakaroon ng ibang karamdaman.

Mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Tadyang

Maraming mga posibleng sanhi ng pananakit ng tadyang. Puwede itong dulot ng injury, muscle strain, pamamaga ng mga kasu-kasuan, at iba pa. Ang pananakit ng tadyang ay puwede ring sintomas ng ibang mas nakababahalang kondisyon, kaya naman mas mainam na magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng wastong diagnosis at karampatang lunas.

Ilan sa mga pangkaraniwang sanhi ng rib pain ay ang mga sumusunod:

  • Hindi wastong postura. Ang maling postura ay isa sa mga pinaka-karaniwang dahilan kung bakit nananakit ang tadyang. Kung hindi tuwid ang likod at tagiliran habang nakaupo o nakatayo, puwedeng mangalay ang tadyang at manakit. Ganunpaman, nawawala ang ganitong uri ng pananakit sa loob lamang ng ilang araw.
  • Injury. Mayroong iba-ibang uri ng injury sa tadyang na puwedeng matamo ang isang tao, gaya ng rib fracture at clavicle/sternal fracture. Ang pagkabali ng mga buto ng tadyang ay puwedeng maghilom sa loob ng 6 na linggo o kaya naman ay abutin ng kalahating taon batay sa kung gaano kalubha ang naging injury. Puwedeng ang mga ganitong uri ng fracture ay makuha sa pagkakahulog, pagkakadulas, o aksidente sa sasakyan.
  • Muscle strain. Puwede ring manakit ang tadyang dahil sa muscle strain. Kung napapabigla ang pagbuhat ng mabibigat na bagay, napapihit nang bigla ang katawan, o kaya naman ay labis ang nag-eehersisyo, puwedeng mapunit o mabugbog ang mga kalamnan ng tadyang at magdulot ng pananakit.
  • Labis na pag-ubo. Kung ang isang tao ay may ubo at hindi agad ito gumaling, ang paulit-ulit na pag-ubo ay puwedeng magdulot ng pananakit ng tadyang. Ito ay dahil nabubugbog at nahihirapan ang mga intercostal muscle ng tadyang habang umuubo. Kapag mas mapuwersa ang pag-ubo, mas nababanat ang mga intercostal muscle at puwedeng magdulot ng pagkapunit ng mga ito.
  • Stress at anxiety. Maging ang stress at anxiety ay puwedeng maging sanhi ng masakit na tadyang. Sa mga kondisyong ito, mas nagiging tensyonado ang katawan at nagdudulot ng hyperventilation. Kapag nagha-hyperventilate ang isang tao, mas mabilis ang kanyang paghinga at nagdudulot ito ng strain sa mga kalamnan ng tadyang.
  • Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Hindi lamang pag-ubo at anxiety ang mga kondisyon na puwedeng magdulot ng pananakit ng tadyang. Maaaring ito ay sintomas ng iba pang mas nakababahalang karamdaman, gaya ng mga sumusunod:

Mga Komplikasyon ng Pananakit ng Tadyang

Ang pagsasawalang-bahala sa nararamdamang pananakit ng tadyang ay puwedeng magdulot ng mga komplikasyon. Halimbawa, ang simpleng pananakit ng tadyang na dulot ng maling postura ay puwedeng magresulta sa mga komplikasyong kagaya ng spinal dysfunction, joint degeneration, at iba pa.

Puwede ring magkaroon ang pasyente ng mga komplikasyong katulad ng hemothorax, pneuomothorax, punctured aorta, punctured lung, at lacerated spleen/liver/kidney kung nabali ang isa o maraming tadyang at hindi agarang nalunasan ang injury.

Kung ang pananakit ng tadyang ay dulot naman ng muscle strain, puwedeng mas tumindi ang pananakit na nararamdaman at magresulta sa mas matinding pamamaga ng mga intercostal muscle ng tadyang. Kahit ang labis na pag-ubo ay nagdudulot ng mga pangmatagalang komplikasyon katulad ng insomnia, urinary incontinence, hika, at hindi mawala-walang pananakit ng ulo.

Kapag ang sanhi naman ng pananakit ng tadyang ay stress, anxiety, at iba pang katulad na mga karamdaman, ang pasyente ay mas madaling dapuan ng ibang mga sakit, gaya ng ubo, trangkaso, at iba’t ibang mga uri ng bacterial at viral disease.

Kaya naman upang hindi na humantong pa sa ganitong mga komplikasyon, magpakonsulta agad sa doktor kung may nararamdamang pananakit ng tadyang. Bukod sa mga naunang nabanggit, maaaring ito ay senyales na pala na malapit nang atakihin sa puso ang isang tao. Ito ay lalo na kung may nararamdamang mabigat na pressure sa dibdib.

Tandaan din na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon ang rib pain kung ang pasyente ay nahihirapan huminga o kaya naman ay hindi na matiis ang nararamdamang sakit kapag humihinga o iginagalaw ang katawan.

 

Upang makaiwas sa pagkakaroon ng masakit na tadyang, ugaliing mag-ehersisyo nang tama. Mag-warm-up muna bago gawin ang mas mabibigat na uri ng ehersisyo. Huwag ding magbuhat ng mabibigat na bagay kapag nasa maling posisyon ang katawan o kaya naman ay walang tamang suporta. Nakatutulong din ang pag-inom ng maraming tubig upang ma-flush ang mga dumi at acid na pwuedeng mamuo at maipon sa mga buto at kalamnan ng tadyang. At higit sa lahat, kumain ng masusustansyang pagkain, gaya ng mga prutas, gulay, at karne upang lumusog at tumibay ang mga tadyang.

Sanggunian: