Ano ang Pananakit ng Tagiliran (Flank Pain)?

Ang pananakit ng tagiliran o flank pain ay ang pananakit ng mga bahaging nasa bandang tagiliran at likuran ng katawan. Puwede ring maranasan ang pananakit sa pagitan ng tadyang at balakang. Batay sa sanhi at tindi ng kondisyon, ang pananakit na nararamdaman ay puwedeng maihalintulad sa pangangalay. Kapag naman tinanong ang pasyente kung paano mailalarawan ang pananakit, pangkaraniwang sagot ang sinusuntok, tinutusok, o naninigas na pakiramdam sa kanilang tadyang.

Madalas, nananakit ang tagiliran dahil sa hindi wastong postura, dehydration, o pisikal na pinsala o injury. Maaari ring ito ay indikasyon na ng iba’t ibang uri ng sakit sa bato, pantog, tiyan, buto, at iba pa. Kung ang pananakit ng tagiliran ay may kasamang pamamantal, lagnat, pagkahilo, pagsusuka, pagtitibi o pagtatae, dugo sa ihi, o pananakit habang umiihi, malaki ang posibilidad na may iba nang uri ng sakit ang pasyente.

Ayon sa mga doktor, mas mainam na magpakonsulta agad kung nakararanas ng matinding pananakit ng tagiliran, hindi nawawala ang pananakit sa loob ng isang araw, o kaya ay may iba pang nararanasang mga sintomas. Ito ay upang mabigyan ang pasyente ng wastong diagnosis at karampatang lunas. Batay sa sanhi ng pananakit, maaaring ang pasyente ay resetahan ng antibiotic, pain reliever, at iba pang mga uri ng gamot. Puwede ring sumailalim ang pasyente sa operasyon kung kinakailangan.

Mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Tagiliran

Maraming mga posibleng sanhi ng pananakit ng tagiliran. Puwedeng ito ay dulot ng simpleng pangangalay lamang, ngunit puwede rin namang sintomas na pala ito ng ibang uri ng karamdaman. Ilan sa mga posibleng sanhi ng pananakit ng tagiliran ay ang mga sumusunod:

  • Hindi wastong postura. Kung ang isang tao ay madalas na nakakuba o nakayuko habang nakaupo, naglalakad, o nakatayo, puwedeng mangalay ang kanyang tagiliran at makaranas ng pansamantalang pananakit. Kadalasang nawawala ang pananakit ng tagiliran na dulot ng maling postura sa loob ng isa hanggang tatlong araw.
  • Dehydration. Puwedeng magdulot ng pananakit ng tagiliran ang dehydration o kakulangan ng tubig sa katawan. Kapag dehydrated ang isang tao, naiipon ang mga waste at acid sa mga kidney o bato. Dahil dito, puwede itong pagmulan ng pagbabara sa mga bato at daluyan ng ihi kaya naman nakararanas ng pananakit ng tagiliran.
  • Pisikal na pinsala o injury. Kung ang tagiliran ay nasuntok o nabugbog, o kaya naman ay nabagsakan o natamaan ng kung anumang bagay, ang pasyente ay tiyak na makararanas ng pananakit. Hangga’t ang injury ay hindi nagagamot o gumagaling, hindi mawawala ang pananakit ng tagiliran ng pasyente.
  • Pagkakaroon ng sakit sa bato. Isa rin sa mga pangunahing sanhi ng pananakit ng tadyang ay ang iba’t ibang mga uri ng sakit sa bato katulad ng mga sumusunod:
  • Pagkakaroon ng problema sa likod. Kung may problema sa likod ang pasyente, lalo na sa bandang ibabang bahagi nito, malaki ang posibilidad na manakit din ang tagiliran. Halimbawa ng mga kondisyon na nakaaapekto sa likod ay:
    • Rayuma, lalo na kung spinal arthritis
    • Pagkabali ng buto sa likod
    • Disc disease
    • Pagkaipit ng nerve o ugat ng likod
  • Pagkakaroon ng sakit sa tiyan. Puwede ring manakit ang tagiliran kung ang pasyente ay may sakit na iniinda sa kahit anong bahagi ng tiyan. Maaari kasing ang pananakit ng tiyan ay umabot hanggang tagiliran, lalo na kung may malubhang kondisyon. Ilang halimbawa ng mga sakit sa tiyan na puwedeng magdulot ng pananakit ng tagiliran ay:
    • Pancreatitis
    • Appendicitis
    • Inflammatory bowel disease na kagaya ng Crohn’s disease
    • Abdominal aortic aneurysm
    • Gallbladder disease
    • Liver disease
    • Gastrointestinal disease
  • Iba pang mga uri ng sakit. Bukod sa mga nabanggit, puwede ring makapagdulot ng pananakit ng tagiliran ang mga sumusunod na sakit o kondisyon:
    • Impeksyon sa pantog
    • Shingles
    • Tietze’s syndrome
    • Pulmonya

Upang malaman kung ano ang tiyak na sanhi ng pananakit ng tagiliran, puwedeng sumailalim ang pasyente sa mga diagnostic test katulad ng basic metabolic panel (BMP), complete blood count (CBC), CT scan, ultrasound, cystoscopy, spine x-ray, at magnetic resonance imaging (MRI).

Mga Komplikasyon ng Pananakit ng Tagiliran

Batay sa sanhi ng pananakit ng tagiliran, ang pasyente ay puwedeng magkaroon ng iba’t ibang mga komplikasyon lalo na kung ito ay mapapabayaan.

Komplikasyon ng pagkakaroon ng hindi wastong postura:

  • Pananakit ng likod
  • Spinal dysfunction
  • Joint degeneration
  • Rounded shoulders
  • Potbelly

Komplikasyon ng dehydration:

  • Heat injury
  • UTI
  • Kidney stones
  • Kidney failure
  • Seizure
  • Hypovolemic shock

Komplikasyon ng injury sa tagiliran:

  • Microscopic hematuria
  • Transient fever
  • Pneumothorax
  • Perirenal hematoma
  • Arteriovenous fistula
  • Urinoma
  • Impeksyon

Komplikasyon ng mga sakit sa bato:

  • Gout
  • Anemia
  • Secondary hyperparathyroidism
  • Pagkakaroon ng sakit sa buto
  • Pagkakaroon ng sakit sa puso
  • Pulmonary edema
  • Hyperkalemia
  • Pagkawala ng gana sa pakikipagtalik
  • Erectile dysfunction
  • Pagkabaog
  • Pagkakaroon ng pinsala sa utak
  • Seizure
  • Impeksyon
  • Pericarditis
  • Pagkakaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis
  • End-stage kidney disease

Komplikasyon ng pagkakaroon ng problema sa likod:

  • Pagkamanhid o pagkaparalisa
  • Bladder dysfunction
  • Bowel dysfunction
  • Saddle anesthesia
  • Bradyarrhythmia
  • Hypotension
  • Hypothermia
  • Hyperthermia
  • Spasticity
  • Autonomic dysreflexia

Komplikasyon ng mga sakit sa tiyan:

  • Malnutrisyon
  • Pagkakaroon ng problema sa mga buto
  • Pagkakaroon ng mga kondisyon sa utak at nervous system
  • Hirap makabuntis o makabuo ng anak
  • Pagbabara ng mga bituka
  • Hirap sa pagdumi
  • Duming may kasamang pagdurugo

Upang hindi na humantong pa sa mga mapapapanganib na komplikasyon ang pananakit ng tagiliran, agad na magpakonsulta sa doktor lalo na kung nakararamdam ng iba pang mga sintomas kagaya ng pag-ihi ng may dugo, pagtatae, pagtitibi, impatso, lagnat, pagkahilo, pananakit ng ulo, pagkakaroon ng pantal, at iba pa.

Upang makaiwas naman sa pagkakaroon ng masakit na tagiliran, ugaliing uminom ng maraming tubig sapagkat nakatutulong itong i-flush ang mga dumi at acid sa katawan. Tiyakin din na kumain ng masusustansyang pagkain, gaya ng mga prutas at gulay upang hindi madaling tamaan ng mga sakit. Mainam din ang pag-eehersisyo araw-araw upang mapanatili ang wastong timbang at hindi magdulot ng dagdag na bigat sa tadyang, balakang, tuhod, at iba pang mga bahagi ng katawan.

Sanggunian: