Ano ang Pananakit ng Tuhod?
Ang pananakit ng tuhod o knee pain ay kadalasang hinanaing ng mga taong may edad na 60 pataas. Kadalasang dulot na rin ito ng katandaan, subalit maari rin itong maranasan ng mga taong may edad na 45 pababa. Sa edad kasi na ito, sila ang mga taong nakararanas ng matinding stress at pagod mula sa trabaho at mga pang-araw-araw na gawain. Bukod sa katandaan at labis na paggamit ng mga tuhod, maaaring ang pananakit ng tuhod ay dulot din ng maling postura, labis na katabaan, o labis na pag-eehersisyo. Sa ibang mga pagkakataaon naman ay kaakibat ito ng ibang mga sakit, gaya ng rayuma.
Anuman ang sanhi ng pananakit ng tuhod, maaaring hindi lang pananakit ang maranasan ng pasyente. Sa pananakit ng tuhod, maari ring magkaroon ng pamamaga at paninigas sa mga bahaging ito. Dahil dito, maaaring mahirapan din ang pasyente na maidiretso at maibaliko ang kanyang mga tuhod. Bukod sa mga ito, mapapansin din na mukhang mamula-mula at mainit-init hawakan ang mga tuhod. Kung minsan naman, ang pananakit ng tuhod ay may kaakibat ding tila pagputok o paglangutngot ng mga buto.
Ang paggamot sa pananakit ng tuhod ay nababatay sa kung ano ang naging sanhi nito at mga resulta ng isinagawang pagsusuri sa pasyente. Upang higit na matukoy ng doktor ang pinaka-angkop na lunas, maaaring isailalim ang pasyente sa physical examination, X-ray, CT scan, MRI, at iba pang mga uri ng pagsusuri. Kadalasan, ang doktor ay magrereseta ng mga gamot kontra pananakit at pamamaga. Maaari ring magbigay ang doktor ng injection o gamot na itinuturok upang mas mabilis na bumisa ito. Bukod sa mga gamot, maaaring sumailalim din ang pasyente sa physical therapy nang sa gayon ay mas mabilis na manumbalik ang sigla ng mga tuhod. Sa ibang mga kaso naman, ang pananakit ng tuhod ay maaari lamang malunasan sa pamamagitan ng pagpapa-opera.
Mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Tuhod
Maraming mga posibleng sanhi ang pananakit ng tuhod. Kaya naman, bata man o matanda ay maaaring maapektuhan nito. Upang higit na magkaroon ng kaalaman tungkol sa sintomas na ito, narito ang mga pangunahing dahilan ng pananakit ng tuhod:
Image Source: www.freepik.com
- Katandaan. Sa pagtanda, maaaring lumiit at numipis ang mga kalamnan at cartilage ng mga tuhod, dulot na rin ng labis na paggamit. Ang mga bahaging ito ay tila nagsisilbing harang at kutson upang hindi direktang mag-untugan ang mga buto ng mga tuhod kapag ikaw ay tumayo, naglakad, o nagsagawa ng iba pang mga gawain. Subalit sa unti-unting pagliit at pagnipis ng mga kalamnan at cartilage, ang mga buto ng mga tuhod ay nawawalan na rin ng sapat na proteksyon kaya naman nagdudulot na ito ng pananakit.
- Pagkakaroon ng injury o pinsala. Ang mga tuhod ay maaari ring manakit kapag ang mga bahaging ito ay nagkaroon ng pinsala. Ang pinsala ay maaaring makuha maging sa mga pang-araw-araw na gawain, gaya ng matagal na pagtayo o paglalakad, palagiang pagsusuot ng high heels, pagbubuhat ng mabigat, palagiang pagpanhik-panaog sa hagdan, at marami pang iba. Kapag ang isang tao ay ginagawa ang mga ito nang walang angkop na pagpapahinga, maaaring magkaroon ng sprain ang mga tuhod at makaranas ang pasyente ng pananakit. Sa ibang mga kaso naman, ang pinsala ay maaaring mas malubha at magmula sa malakas na pagkakauntog o pagkakahampas, pagkahulog, o kaya naman ay aksidente. Maaaring hindi lang pagkakaroon ng pasa ang abutin ng mga tuhod, kung hindi pati na rin pagkabali o pagkapilay ng mga ito.
- Maling postura. Isa rin sa mga posibleng sanhi ng pananakit ng tuhod ay ang pagkakaroon ng maling postura sa mga ginagawa. Karaniwang nananakit ang mga tuhod kapag mali ang postura habang nagbubuhat o tuwing nag-eehersisyo. Sa maling postura, ang mga tuhod ay nakatatanggap ng labis na bigat, pagod, at stress kaya naman nananakit ang mga ito.
- Labis na katabaan. Kung napapansin na sumasakit ang mga tuhod sa mga simpleng pagtayo at paglakad, tingnan kung hindi ba labis ang iyong timbang. Sa pagbigat ng timbang, nadadagdagan ang pressure at stress sa mga tuhod kaya naman kahit hindi gumagawa ng mga mabibigat na gawain ay nakararanas pa rin ang isang tao ng pananakit.
- Labis na pag-eehersisyo. Maaari ring manakit ang mga tuhod kapag napasobra ang pag-eehersisyo. Kadalasan, ang mga atleta ang nakararanas nito. Dahil sa labis na pag-eehersisyo, masyadong napapagod at naii-stress ang mga tuhod, o kaya naman ay nagkakaroon ng pagkapunit sa mga kalamnan at cartilage ng mga ito. Kung walang angkop na pahinga sa pag-itan ng pag-eehersisyo, maaari pa itong magresulta sa pinsala.
- Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Kung minsan, ang pananakit ng tuhod ay sintomas na pala ng isang sakit, gaya ng rayuma, impeksyon, tumor, at iba pa. Sa mga ganitong sanhi, hindi basta-basta mawawala ang pananakit ng tuhod kapag hindi napapagaling ang mismong sakit.
Mga Sakit na Kaakibat ng Pananakit ng Tuhod
Gaya ng nabanggit noong una, ang pananakit ng tuhod ay maaaring sintomas na ng isang uri ng sakit. Halimbawa ng mga sakit na may kaakibat na pananakit ng tuhod ay ang mga sumusunod:
Pagkakaroon ng rayuma. Ang rayuma ay may humigit-kumulang na 100 uri. Sa kondisyong ito, nagkakaroon ng pamamaga ang mga kasu-kasuan ng mga tuhod kaya naman nakararanas ang pasyente ng pananakit. Ilan lamang sa mga pinakakilala at pangunahing uri ng rayuma ay ang mga sumusunod:
- Osteoarthritis
- Rheumatoid arthritis
- Gout
- Pseudogout
Pagkakaroon ng bukol o tumor. Posible ring makaranas ng pananakit ng tuhod kung ang pasyente ay may mga bukol o tumor. Sa pagtubo ng mga bukol sa mga tuhod, nadadagdagan ng pressure ang mga ito at hindi nagiging kaaya-aya ang pakiramdam dahil sa nagsisiksik ang mga bukol sa mga bahaging hindi nila dapat pagkalagyan. Kaya naman, kung may ganitong uri ng bukol o tumor ang isang tao, maaari siyang makaramdam ng pananakit ng tuhod:
- Baker’s cyst
- Bone tumor
Pagkakaroon ng sakit sa dugo. Kung ang isang tao ay may sakit sa dugo, maaari rin siyang makaranas ng pananakit ng tuhod. Halimbawa ng mga sakit sa dugo na maaaring may kasamang pananakit ng tuhod ay ang mga sumusunod:
- Hemophilia
- Leukemia
Pagkakaroon ng impeksyon. Maaari ring makaranas ng pananakit ng tuhod kung ang apektadong bahagi ay nagkaroon ng impeksyon. Kadalasan, sa mga sakit na gaya ng septic arthritis at osteomyelitis, ang mga mikrobyo na gaya ng bacteria ay nakapapasok sa balat at kalamnan ng mga tuhod.
- Septic arthritis
- Osteomyelitis
Pagkakaroon ng injury. Sa pagkakaroon ng injury o pinsala, maaaring magkaroon ng punit ang mga bahaging nakapalibot sa mga tuhod, gaya ng kalamnan, cartilage, o mismong mga buto. Kapag napinsala ang mga ito, maaaring magresulta sa mga sumusunod na kondisyon:
- Tendinitis
- Bursitis
- Chrondromalacia patella
- Kneecap dislocation
- Meniscus tear
- Torn ligament
Ang pananakit ng tuhod na dulot ng labis na stress o pagkapagod ay madali lamang gamutin. Maaaring gumaling ito sa pamamagitan ng paglalagay lamang ng hot o cold compress o pag-inom ng pain reliever upang mawala ang anumang pamamaga at pananakit. Subalit, kung ang pananakit ng tuhod ay sintomas na ng isang malubhang sakit at pinsala, mas mainam na magpakonsulta sa doktor upang malaman ang tamang lunas na dapat gawin.
Sanggunian:
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/knee-pain/symptoms-causes/syc-20350849
- https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/knee-pain-and-problems
- https://www.healthline.com/health/chronic-knee-pain
- https://www.philstar.com/opinyon/2011/02/10/655624/masakit-ang-tuhod-basahin-ito
- https://www.medicinenet.com/knee_pain_facts/article.htm