Ano ang Pananakit ng Ulo (Headaches)?
Ang pananakit ng ulo ay isa sa mga pinakakaraniwang sintomas na kaakibat ng maraming karamdaman. Maaari itong maramdaman sa buong ulo o sa isang bahagi lamang; kung minsan ay kumakalat rin ang pananakit sa mukha at iba pang kalapit na bahagi, katulad ng batok.
Iba-iba ang pakiramdam ng pananakit ng ulo, batay sa uri at sanhi nito. Halimbawa, maaaring ilarawan ng pasyente na kumikirot, pumupukpok (pounding), o tumitibok (throbbing) ang uri ng pananakit. Pagdating naman sa intensity, may pananakit ng ulo na mild lamang at mayroon din namang matindi at nakapanghihina. May mga pagkakaoton ding unti-unti ang pagtindi ng pananakit ng ulo o kaya ay biglaan itong maramdaman. Panghuli, may pananakit ng ulo na panandalian lamang at mayroon ding tumatagal ng ilang araw o higit pa.
Karamihan sa mga kaso ng pananakit ng ulo ay hindi naman mapanganib at kusang nawawala pagkalipas lamang ng ilang oras at sa tulong ng pahinga. Marami ring lunas sa pananakit ng ulo, katulad ng pag-inom ng over-the-counter pain medications para mabawasan ang sakit. Sa kabilang banda, maaari ring senyales na ng mas malubhang kondisyon ang pananakit ng ulo.
Ano ang mga Uri ng Pananakit ng Ulo?
May dalawang uri ng pananakit ng ulo: primary headache at secondary headache.
Primary Headache
Ang primary headache ay dulot ng pamamaga ng mga pain-sensitive na bahagi ng katawan sa loob at paligid ng leeg at ulo, katulad ng nerves, blood vessels, at muscles. Sa kabutihang palad, hindi mapanganib o sanhi ng malubhang karamdaman ang ganitong uri ng pananakit ng ulo. Ilan sa mga pangkaraniwang uri ng primary headache ang mga sumusunod:
Migraine Headache
Ang migraine ay ang matinding pananakit at pagpintig ng ulo na kadalasan ay nararamdaman sa isang bahagi lamang. Kaakibat nito ang pagkahilo, pagduduwal at pagsusuka, at pagiging sensitive sa ingay at liwanag. Ang migraine ay maaaring tumagal ng ilang oras hanggang ilang araw at, batay sa tindi ng pananakit na dulot nito, maaaring makasagabal sa mga pang-araw-araw na gawain.
Halos one-third ng mga taong may migraine ay nakakaranas ng kaguluhan sa paningin at pakiramdam, o migraine aura, bago magsimula ang pananakit ng ulo.
Tension Headache
Ang tension headache o tension-type headache ay isang pangkaraniwang uri ng pananakit ng ulo, subalit hindi lubos na nauunawaan ang sanhi nito. Mild to moderate ang pananakit na dulot nito at pumupulupot sa buong ulo. Sa maraming pagkakataon, kaakibat ng tension headache ang pananakit ng leeg, noo, anit, at mga balikat.
Cluster Headache
Ang cluster headache ay karaniwang tumatagal mula 20 minuto hanggang 2 oras. Maaaring maraming beses makaramdam ng cluster headache sa isang araw; gayundin, maaaring magpabalik-balik ang pananakit ng ulo ng ilang linggo at pagkatapos ay bigla na lamang mawawala.
Matindi ang sakit na dulot ng cluster headache at karaniwang nararamdaman ito sa isang bahagi ng ulo lamang. Kasabay ng cluster headache ang iba pang sintomas, katulad ng pagkabarado ng isang butas ng ilong, pagluluha, paglaki ng pupil o balintataw, at pagbagsak ng talukap.
Hypnic Headache
Ang hypnic headache ay bihirang uri ng pananakit ng ulo na kadalasan ay nararanasan ng mga taong nasa edad na 40 hanggang 80. Natatangi ang pananakit ng ulo na ito dahil nangyayari lamang ito sa iisang oras ng gabi, at karaniwang tumatagal ng 15 minuto hanggang 1 oras.
Secondary Headache
Ang secondary headache ay sintomas ng ibang karamdaman na maaaring mag-activate ng mga sensitibong nerves sa ulo. Mas bihira ang secondary headache kaysa sa primary headache, at kadalasan ay senyales ito ng mas malalang kondisyon. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga halimbawa ng secondary headache.
Post-Traumatic Headache
Ang post-traumatic headache ay kadalasang nararanasan matapos ang concussion o iba pang head injury. Karaniwang nangyayari ito sa loob ng 8 araw matapos magtamo head injury, at maaaring maging mild to moderate ang pananakit na dulot nito o katumbas ng migraine ang pakiramdam.
Rebound Headache
Ang rebound headache ay tinatawag ding medication overuse headache. Dulot ito ng matagalang paggamit ng mga gamot para sa sakit ng ulo. Karaniwang nawawala ang rebound headache sa pagtigil ng pag-inom ng pain relievers. Tandaan lamang na gradual ang pagkawala ng ganitong sakit ng ulo. Sa katunayan, puwedeng umabot ng hanggang 2 buwan bago ito tuluyang humupa.
Thunderclap Headache
Ang thunderclap headache ay nagdudulot ng matindi at nakapamimilipit na sakit ng ulo. Biglaan itong dumarating na parang isang kulog, kung kaya naman thunderclap ang ibinigay na pangalan rito. Bihira itong mangyar at isa ito sa mga pinakamalubhang sakit ng ulo na maaaring maramdaman ng tao.
Ang thunderclap headache ay tumatagal ng mahigit 5 minuto at kusang nawawala matapos ang ilang oras. Kaakibat ng thunderclap headache ang ibang sintomas katulad ng pamamanhid, panghihina, hirap sa pagsasalita, pagkahilo o pagsusuka, kombulsyon, pagkalito, at kaguluhan sa paningin.
Sinus Headache
Ang sinus headache ay kadalasang dulot ng migraine na may nasal symptoms. Sa katunayan, mahigit 80% ng tao na nag-aakalang mayroon silang sinus headache ay may migraine pala.
Kung ang sinus headache ay tumagal ng 1 araw o higit pa, ito ay dulot na ng impeksyon sa sinus o sinusitis na nagdudulot ng pananakit at pagtaas ng presyon sa sinuses. Anumang kondisyong nagdudulot ng pagtitipon ng uhog sa mga sinus, katulad ng sipon, seasonal allergies, nasal polyps, o deviated septum, ay maaaring humantong sa impeksyon.
Spinal Headache
Ang spinal headache ay sanhi ng pagkakaroon ng butas sa membrane na nakabalot sa gulugod o spinal cord (dura matter), na siyang nagiging sanhi ng pagtagas ng spinal fluid. Dahil sa pagtagas na ito, bumababa ang presyon na ibinibigay ng spinal fluid sa utak at spinal cord. Ito ang sanhi ng pananakit ng ulo.
Pangkaraniwang nararamdaman ang spinal headache mula 48 to 72 oras matapos ang spinal anesthesia o spinal tap. Kapag mali ang pagbibigay ng epidural anesthesia at hindi sinasadyang nabutas ang dura matter, maaaring magkaroon ng spinal headache ang pasyente.
Ano ang mga Posibleng Sanhi ng Pananakit ng Ulo?
Maraming posibleng sanhi ng pananakit ng ulo, batay sa uri nito. Ang primary headache ay kadalasang dulot ng overactivity o problema sa mga pain-sensitive structure na matatagpuan sa ulo. Ang chemical activity sa utak ng isang tao, ang mga nerve o ugat, o ang kalamnan sa ulo at leeg ay maaaring may kinalaman din sa pagkakaroon ng primary headache. Minsan ay batay rin sa genes ng isang tao ang pagkakataon na magkaroon siya ng primary headache.
Ilan sa mga dahilan ng primary headache ay mga pagkain, inumin, o gawain, katulad ng:
- alak
- kakulangan sa pagkain
- pagkain ng processed meats na may nitrates
- kakulangan sa tulog o pagbabago ng oras ng tulog
- stress
- maling posture
Ang secondary headache naman ay senyales ng ibang sakit, katulad ng:
- acute sinusitis
- brain aneurysm
- brain tumor
- carbon monoxide poisoning
- COVID-19
- altapresyon
- dehydration
- panic attacks at panic disorder
- problema sa ngipin
- impeksyon sa tenga
- sobrang pag-inom ng gamot para sa pananakit at pamamaga
- trangkaso
- meningitis
Ano ang Maaaring Maging Komplikasyon ng Pananakit ng Ulo?
Ang mga karaniwang komplikasyon ng primary headache ay hindi tuwirang dulot ng pananakit ng ulo, kundi dahil sa paraan ng paggamot nito. Halimbawa, ang sobrang pag-inom ng painkillers o nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) ay maaaring magdulot ng pananakit ng tiyan at pagdurugo ng bituka.
Isa pang karaniwang komplikasyon ay ang rebound headache, o ang pananakit ng ulo dahil sa sobrang pag-inom ng painkillers. Kadalasan ay nalulunasan ito sa pagtigil ng pag-inom ng gamot, ngunit maaaring makaranas ng withdrawal ang isang tao kung biglaang ihihinto ang treatment. Sa ganitong pagkakataon, nararapat na kumausap ng doktor bago gumawa ng anumang susunod na hakbang.
Bihirang mangyari ang iba pang komplikasyon ng primary headaches, katulad ng:
- migrainous infarction: kapag nagka-stroke ang isang tao kasabay ang migraine aura
- status migrainosus: kapag tumagal ang migraine ng lagpas 72 oras.
- migraine-associated seizure: kappag nagdulot ng seizure ang migraine
- persistent aura without infarction (PMA): kapag tumagal ang migraine aura ng isang linggo o higit pa
Sanggunian
- https://tgp.com.ph/gamot-sa-sakit-ng-ulo/
- https://www.unilab.com.ph/rexidol-forte/articles/articles/sakit-ng-ulo-alamin-ang-ibat-ibang-sanhi-uri-at-gamot-para-dito#:~:text=Stress%20o%20Tension%20Headaches&text=Ang%20mga%20maaaring%20sanhi%20ay,sa%20leeg%20at%20sa%20anit.
- https://www.unilab.com.ph/rexidol-forte/articles/articles/sakit-ng-ulo-alamin-ang-ibat-ibang-sanhi-uri-at-gamot-para-dito#:~:text=Stress%20o%20Tension%20Headaches&text=Ang%20mga%20maaaring%20sanhi%20ay,sa%20leeg%20at%20sa%20anit.
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/9639-headaches
- https://www.mayoclinic.org/symptoms/headache/basics/causes/sym-20050800
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/migraine-headache/symptoms-causes/syc-20360201
- https://www.ritemed.com.ph/headache/paano-lalabanan-ang-sakit-ng-ulo
- https://www.healthline.com/health/headache/types-of-headaches#secondary-headaches
- https://www.verywellhealth.com/headache-symptoms-1719563#toc-complications
- https://www.webmd.com/migraines-headaches/guide/headaches-migraine-complications
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/spinal-headaches/symptoms-causes/syc-20377913#:~:text=Spinal%20headaches%20are%20caused%20by,which%20leads%20to%20a%20headache.