Ano ang Poknat?

Ang poknat ay tinatawag na “bald spot” sa wikang Ingles. Kapag ang isang tao ay may poknat, may mga bahagi ng kanyang ulo na walang buhok, kaya naman nakikita na ang kanyang anit. Kadalasan, ang itsura ng poknat ay pabilog na patsi-patsi sa ulo. Sa sukat naman, puwedeng mas malaki o mas maliit ang poknat sa baryang piso depende sa lala ng kondisyon.

Bukod sa mga katangiang ito, ang ulo na may poknat ay kadalasang makinis ang itsura na para bang napapanot. Subalit, hindi lamang ang ulo ang maaaring magkaroon ng poknat. Puwede rin itong mangyari sa iba pang mga bahagi ng katawan na may buhok, katulad ng kilay, balbas, braso, at hita.

Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng poknat ang isang tao. Maaaring ito ay namana mula sa pamilya, o kaya’y dulot ng stress, paglalagay ng mga hair treatment, o pabagu-bagong hormone levels. Mayroon ding kondisyon na tinatawag na alopecia areata na puwedeng maging sanhi ng mga poknat. Posible rin na ang poknat ay sintomas ng ibang mga sakit, gaya ng sakit sa balat, impeksyon, at marami pang iba.

Panghuli, maaari ring malagas ang buhok na kalaunan ay nagiging poknat kung ang isang tao ay sumasailalim sa iba’t ibang mga uri ng cancer treatment, gaya ng radiation therapy at chemotherapy.

Batay sa sanhi ng poknat, maaari pa namang tubuan ng mga buhok ang mga bahaging nakalbo. Kapag natukoy na ng doktor kung ano ang sanhi nito, puwedeng bigyan ang may sakit ng mga gamot na pampatubo ng buhok o mga gamot na pampabagal ng paglalagas ng buhok. Bukod sa medikasyon, puwede ring sumailalim ang pasyente sa mga makabagong pamamaraan, gaya ng hair transplant at laser therapy.

Mga Posibleng Sanhi ng Poknat

Image Source: www.freepik.com

Puwedeng magkaroon ng poknat ang sinuman. Maaaring ito ay nasa lahi na ng pamilya o kaya naman ay dulot ng iba’t ibang gawain o sakit, gaya ng mga sumusunod:

  • Androgenetic alopecia. Ang androgenetic alopecia o pagkapanot ay isang namamanang kondisyon. Ang karaniwang naaapektuhan nito ay ang mga kalalakihan sa pamilya. Kapag napapanot ang isang lalaki, mapapansin na magkakaroon siya ng isang malaking poknat sa bumbunan o kaya naman ay malapit sa kanyang noo. Maaaring maagang mapanot ang isang lalaki at makitaan ng mga sintomas habang nagbibinata pa lamang.
  • Alopecia areata. Isa rin sa mga pangunahing sanhi ng poknat ay ang alopecia areata. Isa itong autoimmune condition kung saan ang immune system ng katawan ay inaatake ang mga malulusog na buhok sa ulo, pati na rin sa kilay, pilikmata, ilong, at iba pang mga bahagi ng katawan na may buhok. Dahil dito, unti-unting nalalagas ang buhok hanggang sa magkaroon ng maraming poknat o tuluyang makalbo ang isang pasyente.
  • Pagkaranas ng matinding Kapag nakararanas ng stress ang isang tao, puwedeng maapektuhan ang kalusugan ng kaniyang buhok. Bukod dito, napipilitan ang mga hair follicle na duman sa kanilang “resting phase.” Sa resting phase, tumitigil o nagpapahinga ang katawan sa paggawa ng mga bagong buhok. Ibig sabihin, kapag nalagasan ng buhok ang isang tao ay walang tumutubong kapalit.
  • Paggamit ng iba’t ibang mga produkto sa buhok. Pwede ring magdulot ng poknat ang paggamit ng marami at iba-ibang mga produkto o treatment sa buhok. Kung ang shampoo na ginagamit ay may mataas na porsyento ng sodium lauryl sulfate, laureth sulfate, sodium chloride, o propylene glycol, maaaring makaranas ng pagkalagas ng buhok ang isang taoo. Bukod sa mga shampoo, maaari ring magdulot ng poknat ang masyadong mahigpit na pagtatali ng buhok, gayundin ang mga kemikal na ginagamit sa pagkukulay, pagtutuwid, o pagkukulot ng buhok.
  • Pagkakaroon ng hormonal imbalance. Maaari ring maging sanhi ng poknat ang pagkakaroon ng hormonal imbalance. Kadalasan, paiba-iba ang antas ng mga hormone sa katawan kapag ang isang tao ay mayroong mga thyroid problem, polycystic ovarian syndrome (PCOS), nagbubuntis, gumagamit ng birth control, o umabot na sa edad menopause. Dahil sa paiba-ibang antas ng mga hormones, minsan ay hindi nakasasabay ang kakayahan ng katawan na patubuin muli ang nalagas na mga buhok.
  • Pagsasailalim sa cancer treatment. Ang mga cancer treatment gaya ng radiation therapy at chemotherapy ay maaaring magdulot ng poknat. Ito ay dahil maaaring mapatay ng mga treatment na ito ang mga selulang tumutulong sa pagpapatubo ng mga buhok. Dahil sa side effect na ito, maaaring makaranas ang pasyente ng pagnipis ng buhok o kaya naman ay magkaroon ng mga poknat. Gayunpaman, maaaring tubuan ulit ng panibagong buhok ang mga bahaging nalagasan kapag natapos na ang
  • Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Kung ang poknat ay hindi dulot ng alinman sa mga nabanggit sa itaas, maaaring indikasyon o sintomas na ito ng ibang mga karamdaman. Halimbawa ng mga sakit na may ganitong sintomas ay impeksyon, sakit sa balat, vitamin deficiency, hyperthyroidism, hypothyroidism, ketong, mineral deficiency, at marami pang iba.

Mga Sakit na Kaakibat ng Poknat

Gaya ng nabanggit noong una, ang poknat ay maaaring sintomas ng ibang mas nakababahalang sakit kaya hindi ito dapat ipagsawalang-bahala. Kung may poknat sa ulo o anumang bahagi ng katawan at hindi matukoy ang dahilan, maaaring ang pasyente ay mayroong alinman sa mga sumusunod na kondisyon:

  • Alopecia. Ang alopecia ay ang pangkahalatang tawag sa malalang pagkalagas o pangangalbo ng buhok. Ilan lamang sa mga uri ng alopecia ang mga sumusunod:
    • Alopecia areata
    • Androgenetic alopecia
    • Alopecia totalis
    • Alopecia universalis
  • Mga impeksyon sa balat. Kapag ang isang tao ay may impeksyon sa balat, maaaring malagas ang mga buhok katawan at maging samhi poknat. Halimbawa ng mga impeksyon na puwedeng sintomas ang poknat ay:
    • Bacterial infection
    • Fungal infection
    • Parasitic infection
  • Mga sakit sa balat. Ang poknat ay puwede ring indikasyon ng pagkakaroon ng sakit sa balat. Kapag ang pasyente ay may ganitong kondisyon, maaaring mangaliskis ang balat at matanggal ang mga buhok. Dahil dito, nagkakaroon ang pasyente ng mga poknat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ilang halimbawa ng mga sakit sa balat na puwedeng magdulot ng poknat ay ang mga sumusunod:
      • Eczema
      • Seborrheic dermatitis
      • Psoriasis
      • Tineas capitis
      • Ketong
  • Kakulangan sa tamang nutrisyon. Maaari ring sintomas ng kakulangan sa bitamina, mineral, o iba pang mahahalagang nutrients ang pagkakaroon ng poknat. Dahil hindi sapat ang nutrisyon sa katawan, pati ang kalusugan ng mga buhok ay naaapektuhan. Kabilang ang mga sumusunod na nutrient deficiency sa mga sakit na puwedeng magdulot ng poknat:
    • Vitamin A, B7, B12, C, D, at E Deficiency
    • Iron deficiency
    • Zinc deficiency
    • Anorexia
    • Bulimia
  • Iba pang mga sakit. Bukod sa mga nabanggit, puwede ring makitaan ng mga poknat ang mga taong may sumusunod na kondisyon:

Kung agad na matutukoy at malulunasan ang sanhi ng poknat, puwede pang tubuan muli ng buhok ang pasyente. Sa katunayan, kapag ang sanhi ng pagkakaroon ng poknat ay stress, matatapang na hair treatment, at hormonal imbalance, maaaring panandalian lamang ang pagkalagas ng buhok o pagkakalbo.

Subalit kung ang poknat ay dulot ng ibang mas malalang kondisyon, kailangan munang pagalingin ang pasyente sa nararamdamang sakit. Dagdag dito, kung ang poknat naman ay namana sa lahi ng pamilya, maaaring malunasan lamang ito sa pamamagitan ng hair transplant at laser therapy.

Sanggunian: