Solusyon para sa Body Odor

Mahirap ang masabihan nang mayroong “anghit”, “putok”, o “mabahong amoy”. Bagaman wala namang seryosong epekto sa kalusugan, ito ay maaaring makaapekto sa kumpyansa sa sarili at maging sa relasyon sa ibang tao.

Ang hindi kanaisnais na amoy ng katawan o body odor ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring maranasan ng sinuman lalo na kung kulang sa pangangalaga sa pansariling hygiene. Kadalasan, ito ay nag-uugat sa pawis, partikular sa kili-kili, na kung hindi lilinisin ay maaaring pamahayan ng bacteria na siyang nagdudulot ng amoy na masakit sa ilong.

Image Source: howtosurviveschool.com

Payo ng mga eksperto, sundin ang sumusunod na tips para maiwasang magkaroon ng mabahong amoy.

1. Panatilihin ang kalinisan sa sarili.

Ang pagiging malinis sa sarili ang pangunahing paraan para maiwasan ang mabahong amoy ng katawan. Gawin nang regular ang paliligo, lalo na kung mainit ang panahon o kaya ay nagpapapawis sa paglalaro ng sports o pag-eehersisyo. Tiyakin din na masasabon nang maayos ang buong katawan lalo na sa kili-kili.

2. Labahang mabuti ang mga damit.

Ang pinaghubarang damit, lalo na yung napagpawisan ay agad na labahan. Gumamit ng detergent na maasahan upang makatiyak na malilinis nang mabuti ang mga damit. Hanggat maaari, huwag nang umulit ng damit lalo na kung ito ay napagpawisan na sapagkat dito rin nagsisimula ang pagkakaroon ng mabahong amoy ng katawan.

3. Gumamit ng deodorant

Pagkatapos maligo, gumamit ng deodorant nang maiwasan din ang pagkakaroon ng amoy sa katawan. Maaring gumamit ng tawas o iba pang produkto na mabibili sa mga pamilihan na mabisang pangontra sa body odor.

4. Gumamit din ng antiperspirant

Dahil nga pawis ang ugat ng mabahong amoy ng katawan, isang mabisang paraan din ng pag-iwas sa body odor ay ang pagpigil sa sobrang pagpapawis sa pamamagitan ng paggamit ng antiperspirant. Kadalsan, ang mga nabibiling deodorant sa pamilihan ay may antiperspirant na epekto na din.

5. Iwasan ang mga pagkaing may matapang na lasa

Ang mga pagkain na may matapang na lasa gaya ng mga pampaanghang (spices), bawang, at sibuyas ay isang dahilan din kung bakit nagkakaroon ng amoy ang katawan. Maaari kasing mapunta sa pawis ang amoy ng mga pagkaing ito at magdulot din ng body odor.