Ang “ingrown” na kuko sa paa ay tumutukoy sa hindi normal na pagtubo ng kuko kung saan ang matalim na sulok ng kuko ay tumutubo nang pasiksik sa ilalim ng balat. Ang ganitong kondisyon ay nagdudulot ng matinding pananakit, ‘di komportableng pakiramdam lalo na sa paglalakad, at pagsusugat. Bagaman kadalasan, ang pagkakaroon ng ingrown na kuko ay madaling masolusyonan sa tulong ng maayos na paggugupit sa humahabang kuko sa paa, hindi pa rin nawawala ang panganib na ito ay muling tutubo at maaaring magdulot ng komplikasyon kung sakaling maimpeksyon ang sugat na natamo mula dito.
Upang matulungan ang kondisyong ito at maiwasang humantong sa malalang komplikasyon, maaaring gawin ang mga sumusunod na hakbang.
Image Source: coronafootandankle.com
1. Ibabad ang paa sa tubig.
Isa sa mga pinakamainam na paraan para maibsan ang pananakit ng paa dahil sa ingrown na kuko ay ang pagbababad ng paa sa tubig. Maaaring gumamit ng mainit na tubig o kaya naman malamig na tubig depende sa kagustuhan. Makabubuti din sa pakiramdam ng namamaga at nananakit na paa kung lalagyan ng asin ang tubig na pagbababaran.
2. Gamutin ang sugat na natamo.
Kung sakaling nagkaroon ng sugat ang mga paa dahil sa ingrown, huwag itong pabayaan at agad na gamutin nang maiwasan ang impeksyon. Laging tatandaan na ang sugat ay lalong mananakit at maaaring lumala pa kung ito ay maiimpeksyon.
3. Gupitin nang maayos ang kuko.
Tiyaking pantay at walang matalim na sulok kag ginugupit ang kuko. Gumamit ng matalim na panggupit at kiskisin ng nail file ang mga matatalim na sulok. Maaaring ibabad muna ng ilang minuto ang paa bago gupitin upang lumambot ang kuko at ang balat sa paligid nito.
4. Iwasang pudpurin ang kuko.
Kapag gugupitin ang kuko, iwasan din na gupitin ito nang husto sa puntong pudpud na ito. Ito’y sapagkat mas lalong tumitiklop paharap ang balat ng daliri sa paa kung pinudpod ang kuko at mas lumalaki ang posibilidad na magkaroon ng ingrown.
5. Magpalit ng bagong sapatos.
Isa rin sa nakakapagpalaki ng posibilidad ng pagkakaroon ng ingrown ay ang masikip o maling sukat na sapatos. Gumamit ng ibang sapatos lalo na kung nakararanas ng pananakit sa paa o ‘di kumportableng pakiramdam habang naglalakad.
6. Magpa-pedicure
Ang pinakamadaling paraan para mawala ang problema sa ingrown na pagtubo ng kuko ay ang pagpapapedicure. Tiyakin lamang na ang gagawa ng pedicure sa paa ay propesyonal o marunong talaga sa pagpe-pedicure.