Isang pangkaraniwang kondisyon ang makaranas ng mabahong hininga, o halitosis sa terminong medikal. Kadalasan, ang kondisyon ito ay dahil sa mga kinakaing pagkain o kaya naman sa kakulangan ng pangangalaga sa hygiene ng bibig. Bagaman wala namang seryosong epekto sa kalusugan, tiyak na makakaapekto ito sa relasyon sa ibang tao at maging sa kumpyansa sa sarili.
Upang masolusyonan ang ganitong problema, maaaring kailanganing sundin ang mga sumusunod na tips.
Image Source: drlinhart.com
1. Panatilihing malinis ang bibig
Isa sa mga pinaggagalingan ng mabahong amoy sa bibig ay ang paninirahan ng mga bacteria bibig. Kaya’t marapat lamang na panatilihin itong malinis s pamamagitan ng regular na pagsisipilyo. Tangalin din ang mga nakasiksik na pagkain sa pagitan ng mga ngipin sapagkat dito kadalasang nananatili ang mga bacteria.
Basahin ang iba’t ibang paraan ng pagpapanatili ng kaliisan ng bibig: Mga paraan ng pangangalaga sa bibig.
2. Linisin din ang dila
Huwag din siyempre kaligtaan ang dila sa pagsisipilyo sapagkat mayroon ding mga bacteria sa bahaging ito. Gamit ang kutsara, kiskisin ang ibabaw na bahagi ng dili. Maigi rin na daanan ito ng sipilyo upang mas tiyak na malinis.
3. Laging basain ng laway ang bibig.
Ang nanunuyong bibig ay mas pinamumugaran ng bacteria na nagdudulot ng mabahong hininga. Hayaang mabasa ng laway ang buong bibig sapagkat ang laway ay may natural na antibiotic na lalaban sa mga mikrobyo sa bibig.
4. Regular na magmumog
Ang regular na pagmumumog ay epektibong paraan din para manatiling malinis ang bibig ay malayo sa mabahong amoy. Gumamit ng mabangong mouth wash na mabibili sa mga pamilihan. Maaari din ang tubig kung walang mouth wash.
Basahin ang benepisyong makukuha sa pagmumumog ng tubig na may asin: Mabuting epekto ng pagmumumog ng tubig na may asin.
5. Ngumuya ng dahon ng Yerba Buena.
Ang mabangong dahon ng yerba buena ay mabisang pang-alis sa matapang na amoy ng mga kinain. Maaari din nguyain ang parsley na karaniwang dinaragdag sa pagkain bilang pampaganda.
Basahin ang mabubuting epekto ng halamang Yerba Buena sa kalusugan: Halamang Gamot Yerba Buena.
6. Huwag magpapagutom
Isa pang madalas na dahilan ng pagkakaroon ng mabahong hininga ay ang pagiging gutom. Iwasang humarap sa mga tao nang kumakalam ang sikmura nang sa gayon ay hindi mapansin ang pagkakaroon ng ‘di kanaisnais na amoy ng hininga.