Solusyon para sa pagbibiyak ng labi

Ang pagbibiyak ng labi ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring maranasan ng sinuman lalo na sa panahon ng taglamig kung kailan ang hangin na umiihip ay tuyo. Dahil dito, maaaring magkaroon ng pagsusugat sa labi na magdudulot naman ng hindi kumportableng pakiramdam at hindi kaayaayang hitsura. Bukod pa rito, naroon din ang panganib ng impeksyon at pagkakaroon ng singaw.

Upang maiwasan ang kondisyong ng pagbibiyak ng labi, maaaring sundin ang mga sumusunod na tips.

1. Iwasang dilaan nang paulit-ulit ang labi

Kaiba sa paniniwala ng marami, ang madalas na pagdila sa tuyong labi ay nakadaragdag lamang sa panunuyo at pagbibiyak ng labi. Sa halip na matulungan ang kondsiyon ng panunuyo, mas lalo lamang gumagrabe ang kondisyon.

2. Iwasang tuklapin at balatan ang labi

Kung ang labi ay natutuklap o nagbabalat, iwasang kutkutin ito gamit ang daliri o mga ngipin nang hindi na madagdagan pa ang pagsusugat. Hayaan lamang ito na kusang matuklap.

3. Gumamit ng lip balm

Imbes na dilaan at basain ng laway ang tuyong labi, o kaya ay kutkutin ang mga natutuklap na balat sa labi, gumamit na lang ng lip balm. Ang lip balm ay pinapahid na produkto na magpapanatiling malambot at moist sa balat ng labi.

4. Gumamit ng petroleum jelly

Kung walang lip balm, maaring gumamit din ng petroleum jelly. Ito ay pinapahid lamang din sa labi.

5. Gumamit ng lipstick

Para sa mga kababaihan at ilang mga kalalakihan, ang paggamit ng lipstick ay mahusay din na paraan para maiwasan ang pagbibiyak ng labi.

6. Iwasan ang init ng araw

Dahil ang balat sa labi ay walang melanin na magpoprotekta mula sa nakakasamang ultraviolet ng araw, hindi malayong makaranas ng panunuyo at pagsusugat sa labi kung mabibilad sa init ng araw. Iwasang lumabas ng bahay sa katirikan ng init ng araw at gumamit ng proteksyon tulad ng payong o malapad na sumbrero.

7. Tignan ang ginagamit na toothpaste

May mga toothpaste at mouthwash na may matapang na kemikal na taglay kung kaya’t maaari itong magdulot ng iritasyon sa balat ng labi kung gagamitin. Piliin ang toothpaste na mild lamang at tiyakin na makapagmumumog nang husto sa tuwing magsisipilyo.

8. Bantayan din ang mga pagkaing kinakain

Kung dumaranas na ng pagsusugat at pagbibiyak sa labi, mabuting iwasan na rin ang ilang uri ng pagkain na maaring makapagpalala din ng kondisyon. Kabilang dito ang maaanghang at maaasim na pagkain, alak, at ilang mga pampalasa at sawsawan. Iwasan muna ang mga ganitong pagakin upang mabigyan ng oras ang mga labi para maghilom.