Solusyon para sa pamamaho ng paa

Ang pamamaho ng paa ay isang pangkaraniwang kondisyon na posibleng maranasan ng kahit na sino. Kilala ito bilang bromhidrosis sa terminong medikal. Ang pamamaho ng amoy ng paa ay kadalasang bunga ng madalas na pagpapawis ng mga paa at pagdami ng mga bacteria dito.

Bagaman wala namang serysong kondisyon na hatid sa kalusugan ng tao, ang mabahong amoy na humahalo sa hangin pagkatanggal ng mga sapatos ay nakaaapekto nang husto sa kumpyansa sa sarili at pakikitungo sa ibang mga tao.  Ang sumusunod na tips ay makatutulong para masolusyonan ang problema sa amoy ng paa.

Image Source: podiatryandmoore.com.au

1. Hugasan nang mabuti ang paa.

Isa sa mga pangunahing paraan ng pagtanggal sa mabahong amoy ng paa ay ang maayos na paghuhugas dito. Gamit ang sabon at umaagos na tubig, tiyakin na makukuskos ang lahat ng parte ng paa at maaalis ang mga nakasiksik na dumi. Ito ay mahalagang hakbang para maalis ang mga bacteria na siyang sanhi ng mabahong amoy sa paa.

2. Bawasan ang pagpapawis ng paa.

Dahil sa pamamawis ng paa dumarami ang mga bacteria na nagdudulot ng mabahong amoy, makabubuting ang pagpapawis mismo ng mga paa ang unahing masolusyonan. Gawin ito sa pamamagitan ng pagbababad nang pasalit-salit ng mga paa sa mainit at malamig na tubig. Gawin ito sa loob ng ilang minuto upang mabawasan ang umaagos na dugo sa mga paa, gayun din ang pagpapawis nito. Pagkatapos ay ilubog naman ang paa sa tubig na may yelo at katas ng kalamansi. Gawin ito araw-araw lalo na kung mainit ang panahon.

3. Ibabad ang paa sa tubig na may asin

Isa ring mahusay na paraan para mabawasan ang sobrang pagpapawis ng paa ay ang pagbababad ng paa sa tubig na may asin. Hayaan ito nang ilang minuto bago ihango mula sa pagkakababad. Huwag punasan ang paa at hayaang kusa lang matuyo.

4. Gumamit ng foot powder o tawas

Gaya ng deodorant at antiperspirant na pinapahid sa kili-kili, ang paggamit ng foot powder ay may kapareho ding epekto sa mga paa. Binabawasan nito ang pagpapawis gayon din ang pagdami ng mga bacteria na siyang nagdudulot ng mabahong amoy. Maaari ding gumamit ng tawas sa paa upang mawala ang pangaganmoy nito.

5. Gumamit ng malinis na medyas

Tiyaking gumagamit ng malinis na medyas kapag nagsusuot ng sapatos. At hangga’t maaari, huwag mag-uulit ng sinuot nang medyas.

6. Linisin ang mga ginagamit na sapatos

Minsan, ang pamamaho ng paa ay nagmumula din sa sinusuot na sapatos. Maaaring dito manirahan ang mga bacteria at fungi na nagdudulot ng mabahong amoy at kumapit sa mga paa. Laging lilinisin ang mga sinusot na sapatos at patuyuin sa ilalim ng araw.

7. Lagyan din ng pulbos ang mga sapatos bago at pagkatapos gamitin.

Isa ring mahusay na paraan ng pag-iwas sa mabahong amoy ng paa ay ang palagiang paglalagay din ng foot powder sa sinusuot na sapatos. Pulbosan o lagyan ng tawas ang sapatos bago isuot at pagkatapos isuot ang sapatos.

8. Iwasang lumusong sa baha.

Sa panahon ng tag-ulan, karaniwan ang pagkakaroon baha sa mga lansangan. Hangga’t maaari, huwag ilulubog ang mga paa sa maduming tubig na ito. Kung hindi naman maiwasang lumusong, tiyakin na lang na mahuhugasan ng husto ang mga paa gayun din ang nabasang sapatos.