Solusyon para sa pananakit ng puson o menstrual cramps

Ang isang normal na babae ay dinadatnan ng regla buwan-buwan bilang bahagi ng normal na proseso ng kanyang katawan. Ngunit kasabay ng regular na dalaw na ito ay ang pananakit sa puson o mentrual cramps.

Ang pananakit na nararanasan sa puson ay kadalasang dulot ng pagkasira ng lining sa matres na siyang pinagmumulan ng pagdurugo. Ang pananakit ay maaaring tumindi at makaapekto pa sa produksyon at pagtatrabaho. Upang maibsan ang kondisyong ito at hindi maging sagabal sa pang-araw-araw na buhay, maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:

1. Uminom ng ibuprofen o aspirin

Ang mga gamot na ibuprofen at aspirin ay mabisang gamot para mawala ang pananakit na dulot ng mentrual cramps. Makatutulong ang mga ito na mapababa ang lebel ng prostaglandins sa katawan na siyang sanhi ng nararamdamang pananakit. Ang mga gamot na ito ay mura lang at madaling mabibiling over-the-counter sa mga butika.

2. Gumamit ng hot compress

Isang epektibo rin na paraan para mabawasan ang pananakit sa puson ay ang paggamit ng hot compress o heating pad. Makatutulong ito na i-relax ang mga kalamnan sa puson at mabawasan ang pananakit. Gawin ito habang nakahiga at nagpapahinga.

3. Regular na mag-ehersisyo

Ang regular na pag-eehersisyo lalo na sa mga linggo bago dumating ang inaasahang regla ay makatutulong para masanay ang mga kalamnan at maiwasan ang pananakit. Mas madali ding mawawala ang prostaglandin sa dugo kung ang mga kalamnan ay nasanay sa pag-eeherisyo.

4. Maligo ng mainit na tubig

Gaya rin ng epekto ng paggamit ng hot compress, ang paliligo ng mainit o maligamgam na tubig ay makatutulong sa pag-rerelax ng mga nanakit na kalamnan sa puson. Sa tulong din nito, mababawasan din ang pananakit sa ibabang likuran.

5. Mag-unat at magbanat ng katawan sa pamamagitan ng yoga

Ang pag-uunat at pagbabanat ng mga kalamnan, particular sa bahagi ng puson, ay makatutulong para masanay ang mga bahaging ito ay mabawasan sobrang pananakit sa oras na dumating ang buwanang dalaw. Ang mga galaw at disiplina sa yoga ay mabuting gawin para dito.